Si Leoncio P. Deriada at ang Wikang Filipino
MARAMING taon na ang nakalilipas, noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo, may inorganisa kaming kumperensiya ng kaibigan kong si Isidoro M. Cruz na siyang chair ng English Department nang panahong iyon. Siyempre isa si Leoncio P. Deriada sa inimbitahan naming magsalita dahil siya ang minamahal

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
MARAMING taon na ang nakalilipas, noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo, may inorganisa kaming kumperensiya ng kaibigan kong si Isidoro M. Cruz na siyang chair ng English Department nang panahong iyon. Siyempre isa si Leoncio P. Deriada sa inimbitahan naming magsalita dahil siya ang minamahal naming mentor kahit na taga-University of the Philippines Visayas siya.
Sa isang open forum may isang public shool teacher na nagtanong kay Deriada. Paano raw iyon dahil hindi marunong magbasa ang kaniyang mga estudyante ng mga likhang pampanitikan sa Hiligaynon. Mas madali raw para sa kaniyang mga estudyante ang magbasa sa Ingles. Bilang organizers ng kumperensiyang iyon, nataranta kami ni Sid sa sagot ni Deriada. Aniya, “I find the question rather dumb. Please do not try to impress me by saying that your students can read very well in English but cannot read in Hiligaynon.”
Marami pa siyang sinabi pero sa sobrang panic ko na tinawag niyang boba, or at least ang tanong ay boba, ang isang participant ay tila hindi ko na naririnig. Sa aming mga batang manunulat, sanay na kaming may tinatawag si Deriada na “idiot” sa mga palihan niya. Natakot ako noon na baka na-offend ang titser na iyon at magreklamo. Kinausap ko na lamang ang naturang titser na nagbibiro lang si Deriada at hindi iyon galit kahit nanlalaki ang mga mata at malakas ang boses! Ang insidenteng iyon ay isa lamang sa mga kuwento na patunay kung paano ka rubdob ang pagtatanggol ni Deriada sa mga wikang katutubo.
Ang maganda kay pa kay Deriada, hindi siya anti-Tagalog at suportado niya ang isang inklusibong wikang pambansang Filipino. Ang nakakatawa nga, isang malaking kontradiksiyon sa kaniyang buhay panulat ang pagiging anti-English pero napaka-grammar nazi naman niya. Sa kabila ng kaniyang adbokasiya ng pagsusulat sa inang-wika at sa paggamit nito bilang mga wikang panturo, karamihan sa mga akda na sinulat ni Deriada ay nasa Ingles.
Maaari din namang tingnan si Deriada bilang anti-Tagalog dahil ayaw niyang maging Tagalog lang ang wikang pambansa. Kayâ mayroon siyang pinangunahang kilusan na tinatawag niyang “literature engineering” at malaking bahagi nito ang pag-develop ng tinatawag niyang “Visayan laced Filipino” na kalaunan ay tinawag ni Virgilio S. Almario bilang “Filipinong may timplang Bisaya.” Isang klase ito ng Filipino na Tagalog pa rin ang basehan subalit bukas na sa mga bokabularyo at syntax na Bisaya.
Maaari din namang tingnan si Deriada na pro-English dahil produkto siya ng panahon at edukasyon na talagang maka-Kanluranin at Ingles ang pinapaborang wika. Sumulat pa nga siya ng mga libro tungkol sa grammar dahil ayaw na ayaw ni Deriada makakita ng grammatical lapses sa isang akdang nakasulat sa Ingles.
O bakâ mali talagang i-label si Deriada bilang anti-Tagalog o pro-Tagalog, at anti-English o pro-English. Sa tingin ko, bilang isang mahusay na manunulat at mahusay na guro ng literatura at malikhaing pagsulat, mahalaga ang kahit anong wika para sa kaniya. Ilang beses kong narinig sa mga lektura at worksyap na sinasabi niyang, “A language is your window to the world. The more languages you know, the more windows you have to the world.” Naniniwala ako sa kaniya kayâ siguro sumusulat ako sa apat na wika: Kinaray-a, Filipino, Ingles, at Hiligaynon. Ganoon din naman si Deriada. May panlima pa nga siya, ang Sebwano. Sa kaniyang katandaan ay nanalo pa siya sa Palanca sa kategoryang maikling kuwento sa Sebwano.
Sa kaniyang “Paunang Salita” sa libro kong Maybato, Iloilo, Taft Avenue, Baguio, Puerto: Mga Tula (Libro Agustino, 2003) kinuwento ni Deriada kung paano niyang ipinaglaban na magkaroon ng hiwalay na kategorya para sa Filipino at para sa Tagalog sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Literature Grants. Naging madugo umano ang talakayan sa miting nila sa CCP na ipinatawag ni Nicanor Tiongson na siyang Artistic Director noon. Nanalo ang kaniyang argumento dahil sinang-ayunan ito at sinuportahan ito nina Bienvenido Lumbera ng University of the Philippines Diliman at Isagani R. Cruz ng De La Salle University kahit na wala ang mga ito sa miting. Nandoon si Florentino Hornedo ng Ateneo de Manila University na sinuportahan si Deriada. Nang buksan noong 1993 ang mga kategoryang Filipino at Tagalog Poetry sa CCP Literature Grants, ako ang nanalo para sa Filipino at si Wendell Capili naman sa Tagalog. Nasa ikatlong taon pa lamang ako sa kolehiyo noon nang mangyari ito.
Tunay na pambansa ang vision at panulat ni Leoncio P. Deriada pagdating sa wikang pambansang Filipino. Itinaguyod niya ang mga rehiyonal na wika ng Kanlurang Bisayas—ang Akalanon, Hiligaynon, at Kinaray-a—para makapag-ambag ito sa Filipino upang maging isang tunay at ganap na Wikang Pambansa ito na hindi naiitsapuwera ang mga wikang Bisaya at iba pang mga wika sa ating ginapalangga na kapuluan.
Sa pag-inhenyero niya ng Filipinong may timplang Bisaya at sa pagtaguyod nito sa larangan ng malikhaing pagsulat, walang dudang karapatdapat maisama ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga National Artist for Literature ng Filipinas.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

