Sariling Pera
MAY nakita akong kongresman sa Manila Hotel noong Linggo nang mananghalian kami doon ng mga kapatid ko at naisip ko, itong politiko na ito, tiyak pera ng bayan ang ibabayad sa kakainin niya, ng pamilya niya, at ng mga alipores niya, samantalang kaming magkakapatid ay sarili pera namin ang aming gagamitin.

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
MAY nakita akong kongresman sa Manila Hotel noong Linggo nang mananghalian kami doon ng mga kapatid ko at naisip ko, itong politiko na ito, tiyak pera ng bayan ang ibabayad sa kakainin niya, ng pamilya niya, at ng mga alipores niya, samantalang kaming magkakapatid ay sarili pera namin ang aming gagamitin. Pera na pinaghirapan at hindi nakaw.
Kayâ mayabang ako. Kahit hindi naman sobra-sobra ang pera ko pero kapag kumain ako sa paborito kong Manila Hotel, pera ko ang pinambabayad ako. Siyempre kung minsan, may mga kaibigan akong nanlilibre. Pero pinipili ko rin kasi ang mga kaibigan ko at alam ko na ang pinanglilibre nila sa akin ay pera ding pinaghirapan nila. Hindi nakaw mula sa kaban ng bayan.
Kayâ mayabang ako dahil hindi ito masasabi ng mga politiko at ng mga asawa’t anak nila na perang pinaghirapan nila ang ginagastos nila kapag kumakain sila o nagsa-shopping. Kunsabagay, para sa mga kawatan na politiko at opisyal ng gobyerno, cheap naman talaga ang mga hotel katulad ng Manila Hotel. Default mode ng mga iyan, sa Estados Unidos o Europa sila nagbabakasyon. Masyadong cheap na ang Greenbelt na pag-shoppingan. Lalo na kung bilyon-bilyon ang ninanakaw nila sa kaban ng bayan.
Bakasyon uli ng kapatid kong si Gary mula sa trabaho niya bilang cargo inspector sa Qatar. Twice a year siya nagbabakasyon sa bahay nila sa Bataan. Nakagawian na naming magkapatid na mag-breakfast o mag-lunch sa Café Ilang-Ilang sa Manila Hotel nakauwi siya. Oras ito ng pagpapalitan namin ng mga kuwento, regalo, at pasalubong. Again, mga regalo at pasalubong na binili ng sarili naming pera.
Noong Linggo, Oktubre 12, nagkataon na nandito ang partner kong si Jay sa Manila ngayon dahil kinuha siyang photographer para sa Gawad URIAN 2025 na ginanap sa amin sa De La Salle University. Maaga pa sila nagkita ng bunsong kapatid naming si Sunshine dahil nag-pictorials sila sa Pasig Esplanade at Jones Bridge sa Manila. Pagkatapos ng photo sessions nila ay dumireto sila sa Dapitan Arcade at doon ko na sila pinuntahan. Gusto ko kasing mamili uli ng mga ceramic na Christmas house para next year makapag-decorate na kami ni Jay ng Christmas Village sa bahay namin sa Aningalan. Bumili din ako ng mga mumunting parol na Capiz para sa bahay nina Gary sa Bataan.
Mga alas-onse na nang makarating kami sa Manila Hotel. Napakaraming tao sa entrance at matrapik. Marami ang paalis na mukhang nag-attend ng isang oath taking ceremony ng Professional Regulations Commission. Kapag may ganito, o di kaya may graduation, kasal, o kumperensiya, nagiging chaotic ang Manila Hotel. Lalo na kung weekend. Kapag weekdays naman, mas tahimik at relaxed ang atmosphere doon.
Na-late sina Gary at ang asawa niyang si Verna at ang nanay nitong si Nanay Sion. Galing pa sila ng Bataan. Maaga sana ang dating nila sa hotel kaso may nakasagi sa sasakyan nila na isa pang sasakyan sa Blumentritt St. kayâ kinailangan muna nilang pumunta ng police station para magpa-blotter para mapaayos ang sasakyan gamit ang insurance nito. Medyo natagalan sila kayâ halos ala-una na ng hapon sila dumating. Salamat sa Diyos at minor accident lang ito at walang nasaktan sa kanila.
Habang hinihintay namin sina Gary sa magulo na lobby, may nakita akong kongresman. Mukhang kakain din sa Café Ilang-Ilang courtesy ng pera ng bayan. Ito talagang mga politiko na ito at mga korap na opisyal ng gobyerno ay mga palamunin ng mga taxpayer tulad ko.
Naipasa na ng House of Representatives noong Biyernes ang PhP6.793 trilyon na national budget para sa taong 2026. Ang problema, may PhP243 bilyon pa rin na unprogrammed fund ang budget na ito. Napakalaking halaga pa rin ng pera na madaling nakawin ng mga korap na politiko. Kayâ ang budget na ito ay kinontra ng mga matinong kongresista katulad nina Chel Diokno, Leila de Lima, Kaka Bag-ao, Sarah Elago, at Renee Co.
Sobrang kapal talaga ng majority ng House of Representatives (Representa-thieves?) na sa kabila ng eskandalo ng bilyon-bilyong ninakaw na pondo para sa flood control project ngayon, hindi pa rin maawat ang balak nilang pagnanakaw.
Dapat talaga ma-normalize ang pagtingin at paniniwala na kapag kumain sa isang restawran ang isang korap na politiko ay agad na isiping kumakain sila ng nakaw. Dapat ding i-normalize ang paningin at paniniwala na kapag mag-shopping ang mga trapong ito kasama ang pamilya nila, nakaw mula sa kaban ng bayan ang pinambabayad sa kanila.
Ang mga anak ng mga politiko na nag-aaral sa mga mamahaling unibersidad tulad ng La Salle at Ateneo, at ang iba nga nasa US pa o Europa, dapat mahiya sila sa balat nila dahil ang pinambayad nilang tuition ay kinupit lang mga magulang nila. Dapat mandiri sila sa sarili nila. Dapat mahiya sila sa mga kapuwa nila estudyante na ang ginagasta sa pag-aaral ay mula sa dugo at pawis ng mga magulang ng mga ito.
Dapat lang na tingnan ang mga politiko at ang mga opisyal ng gobyerno na mga pabigat sa bayan at mga palamunin ng mga mamamayan. Unless proven otherwise, dapat lang na tingnan ang mga gahamang ito na hindi nila pera ang ginagasta nila kundi pera ng mga nagbabayad ng buwis. Wala silang karapatang magyabang dahil hindi dapat ipagmalaki ang nakaw. Hindi tulad ko na kung ano man ang kinakain at binibili ko, sariling pera ko ang aking ginagamit. Kayâ di hamak na mas angat ako sa kahit kaninong politiko.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

