Mga Binalaybay kag Prosa ni Paul Porras
LAGING nakakagaan sa damdamin kapag nagbabasa ako ng isang libro ng tula na punô ng sinseridad at walang pagpapanggap lalo na at nasa Hiligaynon ito at binabasa ko isang takipsilim na umaambon sa isang maliit na café sa loob ng Casa Manila sa Intramuros. Ang librong tinutukoy ko ay ang Duag

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
LAGING nakakagaan sa damdamin kapag nagbabasa ako ng isang libro ng tula na punô ng sinseridad at walang pagpapanggap lalo na at nasa Hiligaynon ito at binabasa ko isang takipsilim na umaambon sa isang maliit na café sa loob ng Casa Manila sa Intramuros. Ang librong tinutukoy ko ay ang Duag sang Kabuhi: Prose and Poetry ni Paul Porras, isang gurong manunulat sa Lungsod Roxas sa Capiz.
Noong nakaraang taon pa iniabot sa akin ni Poy, ang natatandaan kong palayaw ni Paul nang maging fellow siya sa San Agustin Writers Workshop noong 2018, ang libro niyang ito nang maging panelist ako sa palihan ng pagsulat ng librong pambata na inorganisa ni Palanca award-winning writer na si Bryan Mari Argos sa Roxas City. Observer si Poy bilang isang guro sa Department of Education sa naturang lungsod. Bilang founding director ng SanAg Workshop na nasa ika-22 taon sa darating na Enero 2026, lubos na kaligayahan sa para sa akin kapag may dating fellow na nagpapatuloy sa pagsulat lalo na’t nakakabuo pa ng isang libro!
Binubuo ang unang bahagi ng libro ng 53 na mga tula na karamihan ay Hiligaynon dahil may anim na nasa Ingles. Ang ikalawang bahagi naman ay binubuo ng 17 na prosa at isa ang nasa Ingles. Gusto ko ang mga tulang mistulang pastoral dahil tungkol sa kabukiran katulad ng “Arado (Araro)” at “Kawayan.” Subalit ang maganda ang mga tulang ito, walang romanstisasyon ng buhay sa nayon sapagkat tapat na inihahayag ng mga tula ang hirap ng buhay sa bukirin. Mahirap subalit may kasiyahang matatamo sa bawat pagpupunyagi. Mahirap man mag-araro subalit may ligayang dulot ang pagtatanim ng makakain.
Sa tulang “Hilamon (Damo),” ang damo mismo ang persona. Kinakausap nito ang addressee na huwag mag-aalala na mamatay sapagkat siya, ang damo, ang tatanggap, tatabon, at lilingap sa ililibing na katawan ng addressee. Naalala ko tuloy ang isang tula ni Emily Dickinson na iniimadyin ng persona ang mararanasan nito kapag nakalibing na sa nitso.
Ang mga prosa naman ni Poy ay mistulang mga flash fiction o flash essay dahil hindi klaro kung fiction ba o nonfiction ang mga ito. Sa tingin ko positibong katangian ito—ang pag-blur ng pagitan ng totoo at katha—dahil maraming kritiko na ang nagsasabing kapag gumagamit tayo ng wika ay awtomatikong nagfi-fiction na tayo.
Self-published ang librong ito ni Poy na lumabas noong 2022. Nitong nakaraang mga taon, nagsulputan na ang mga independent publishing house. Sa Iloilo ay naging aktibo ang Kasingkasing Press ni Noel de Leon. Sa Metro Manila, may mga batang manunulat na kolektibong nagtayo ng sarili nilang publishing label tulad ng Gadgad Press. Dumadami na rin ang mga manunulat katulad ni Poy na pinapablis ang sariling akda. Naging posible ito dahil parang na-democratize na ang pag-iimprenta dahil sa digital printing tulad ng mga pinapa-xerox na zine o mga librong print-on-demand kung saan hindi na masyadong kailangan ng malaking kapital na paglalathala ng sariling akda.
Ang libro ni Poy ay sa Roxas City na mismo pinaimprenta at naibebenta na rin ito sa pamamagitan ng Amazon. Dahil sa demokratisasyon ng paglalathala, unti-unti nang nawawala ang stigma ng “vanity publishing.” Kunsabagay, kapag magpalathala sa mga university press tulad ng University of the Philippines Press, Ateneo de Manila University Press, at University of Santo Tomas Publishing House, medyo matagal ang waiting time. Sa karanasan kong pagpapalathala sa mga university press (may mga libro ako sa tatlong prestihiyosong university presses na ito), inaabot ng dalawang taon ang waiting time. Masyadong competitive dahil blind reviewed ang mga manuskrito at limitado rin naman ang budget ng mga ito kung kayâ limitadong titulo rin ang naipalalabas nila kada taon.
Sa tingin ko magandang pangyayari itong mga self-published zine at libro. Mas dumadami ang nalalathalang libro sa bansa. Sa datus halimbawa ng National Library of the Philippines na naatasang mag-assign ng International Serial Book Number o ISBN, umaabot na ng 10,297 ang mga librong may ISBN sa Filipinas noong 2023. Mataas ito di hamak sa 7,825 noong 2014. Malayo ito kung ikumpara sa Indonesia na noong 2020 ay nakapaglathala ng 135,081 na libro. Gayunpaman, makikita ang improvement ng book publishing sa Filipinas dahil sa mga indie publishing house at privately published na mga libro katulad nitong kay Poy. Sa National Book Awards na ibinibigay ng Manila Critics Circle at National Book Development Board taon-taon, may nanalo nang mga libro na inilathala ng mga indie publisher at mga librong self-published.
Masaya ako sa librong Duag sang Kabuhi: Prose and Poetry ni Poy dahil sa simpleng ambisyon nito bilag libro—ang hangarin ng isang manunulat na tapat sa kaniyang wika, sining, at sarili na maibahagi sa mga mambabasa ang mga sinulat. Simple ang mga tula subalit may hagod sa damdamin at isipan ng mambabasa. Simple ang mga kuwento, subalit may ilang piraso na nakakapagpabagabag sa mambabasa.
Pinapatunayan ni Poy na hindi kailangang sumabay sa mga literary fad o makisali sa tinatawag ni Cirilo F. Bautista na “verbal pretense or grandstanding” na nagbu-burden ngayon sa maraming makatang produkto ng mga national writing workshop at creative writing program sa mga unibersidad.
Sabi nga ni Poy sa kaniyang “Foreword,” “Sa pagpatpat sang mga pinanid sang kabuhi sang tawo, nagakasari-sari man ang duag nga natukiban. May duag pula, dalag, asul kag berde. Ini gintingub sa sini nga magamay nga libro agud ipabutyag ang kanaya-naya sang duag sang kabuhi.” Aniya, inilalahad niya sa mga pahina ng librong ito ang tungkol sa buhay ng tao na may iba’t ibang kulay, at tinipon niya sa munting librong ito ang pagiging kanaya-naya ng sari-saring kulay ng buhay. Na sarili niyang buhay dahil halos autobiographical ang mga tula at kuwento sa librong ito.
Ayon sa diksiyonaryong Hiligaynon ni John Kaufmann, ang “nayá-nayá” ay, “Pleasant, pleasing, gentle, mild, cheerful, especially of the expression of the face; to be or become pleasant.” Masalimuot ang buhay nating mga tao dito sa mundong ibabaw. May panahon ng saya, may panahon ng lungkot. May panahon ng ginhawa, may panahon ng hirap. Kapag sumulat tayo ng mga tula at kuwento tungkol dito, nagiging manayanaya o kaayaya ang mga karanasang ito. Sabi nga nila, ars longa, vita brevis.
Natitiyak ko na ang unang librong ito ni Poy ay magiging mahalagang libro sa puso’t isipan ng ilang tapat sa sariling mambabasa.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

