Mag-Filipino Tayo!
Ni Noel Galon de Leon Tuwing buwan ng Agosto, parang sirang plaka na tayong lahat sa paalala na “Buwan ng Wikang Pambansa na naman!” Pero teka, bago tayo magreklamo sa dami ng programang kailangang atupagin, balikan muna natin kung bakit nga ba natin ito ipinagdiriwang. Ayon mismo sa 1987 Konstitusyon, mahalaga ang pagkakaroon ng isang

By Staff Writer
Ni Noel Galon de Leon
Tuwing buwan ng Agosto, parang sirang plaka na tayong lahat sa paalala na “Buwan ng Wikang Pambansa na naman!” Pero teka, bago tayo magreklamo sa dami ng programang kailangang atupagin, balikan muna natin kung bakit nga ba natin ito ipinagdiriwang. Ayon mismo sa 1987 Konstitusyon, mahalaga ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa, at ito ay ang Filipino. Ngunit higit pa sa pagiging simbolo ng ating pagkakaisa, ang wikang Filipino ay nagsisilbing praktikal na tulay upang magkaunawaan tayong mga Filipino mula Aparri hanggang Jolo, kahit pa iba-iba ang ating sinasalita sa araw-araw.
Hindi lamang natin itinatag ang isang pambansang wika para masabing meron lang tayong isa. Kasabay ng paglinang sa Filipino, pinapalago rin natin ang mga wikang katutubo mula sa iba’t ibang rehiyon. Sa madaling salita, sabay-sabay tayong nag-aambag sa iisang bangka ng wika’t kultura. Ang problema, mukhang marami sa atin ay hindi pa rin sumasakay sa bangkang ito, o kung sakay man, baka tulog habang umaandar.
Ngayon, kumusta na nga ba ang lagay ng wikang Filipino sa totoong buhay? Ayon sa National Reading Survey ng National Book Development Board (NBDB) noong 2023, lumabas na mas gusto raw ng karamihan na magbasa ng mga librong nakasulat sa Filipino. “Uy, good news!” isipin natin. Pero sandali lang, tanungin natin ang sarili natin, totoo ba ito sa komunidad na ginagalawan natin?
Halimbawa na lang dito sa Iloilo. Sa tuwing may book fair tulad ng Iloilo Mega Book Fair, napapansin naming mga organizer na mas mabilis maubos ang mga librong nakasulat sa Ingles. Hindi ba’t parang sinabihan kang libre ang kape pero ang pinipilahan pa rin ng lahat ay milk tea? Hindi rin ganoon kabenta ang mga librong nasa Filipino, at lalo na ang mga nakasulat sa Hiligaynon, Kinaray-a, at Aklanon. Aminin na natin, sa dami ng pagpipilian, ang sariling wika ang madalas nating naisasantabi.
Hindi naman ito bagong isyu. Matagal na nating alam na hindi ganoon karami ang nagbabasa ng akdang nasa Filipino. May nakausap pa nga akong staff ng isang malaking bookstore na nagsabing gusto na raw nilang tanggalin sa estante ang mga librong tula at maikling kuwento sa Filipino dahil halos hindi ito nabebenta. Mas patok daw talaga ang young adult novels na imported at naka-Ingles, ‘yung tipong may mga cover na parang pang-Netflix series.
At eto pa ang masaklap, kahit ako mismo ay hirap kumbinsihin ang mga kabataan na basahin ang mga akdang Filipino, lalo na ‘yung nakasulat sa ating mga wikang rehiyonal. Pero hindi natin sila masisisi agad. Marami sa mga kabataan ngayon ay lumaki sa mundong halos wala nang kultura ng pagbabasa. Kaya kapag binigyan mo ng aklat sa Filipino, para bang binigyan mo ng menu sa restaurant na walang picture, wala agad gana.
Gayunman, hindi rin natin puwedeng balewalain ang mga positibong nangyari nitong mga nakaraang taon. Noong kasagsagan ng pandemya, maraming Filipino ang muling bumalik sa pagbabasa. Nagkaroon ng interes sa mga akdang gawa ng kapwa Filipino. Akala natin wala nang market ang ilang mga aklat pero biglang nagka-demand. Parang sumulpot ang mga tahimik na tagahanga ng panitikang Filipino. Dito rin natin nakita kung gaano kahalaga ang mga regional publisher, sila ‘yung tunay na bayani na nagsusulong ng panitikan sa mga lugar na halos walang bookstore.
Oo, aminado tayong maraming balakid sa pagsusulat at pagbasa ng akdang Filipino. Pero kung hindi tayo susulat sa sarili nating wika, sino pa? Imbes na ipagmalaki sa buong mundo na ang gagaling natin mag-Ingles, bakit hindi natin bigyang suporta ang mga manunulat sa rehiyon na piniling sumulat sa sarili nilang wika? Kung tutuusin, dito natin tunay na masasalamin ang ating pagkatao.
Sa paggamit natin ng sariling wika, mas nauunawaan natin ang ating kultura, sining, at kasaysayan. At huwag nating kalimutan, hindi English-speaking country ang Filipinas, kahit gaano pa karaming grammar police sa social media. Marami pa ring kababayan natin ang hirap makaintindi ng Ingles. Kaya kung gusto nating palaganapin ang pagbabasa, dapat tayong lumikha ng mas maraming akda sa Filipino at sa mga wikang katutubo. Sa ganitong paraan, mas nagkakaroon tayo ng pag-unawa sa isa’t isa, at mas natuturuan natin ang ating mga sarili na pahalagahan ang sariling atin.
Kaya ngayong Buwan ng Wikang Pambansa, huwag nating hayaang isang buwang paandar lang ito. Magsalita tayo, magsulat tayo, at magbasa tayo sa Filipino, hindi dahil pinilit tayo ng guro o ng memo sa opisina, kundi dahil ito ang ating wika. Ito ang tahanan ng ating mga kuwento, damdamin, at pangarap.
***
Noel Galon de Leon is a writer and educator at University of the Philippines Visayas, where he teaches in both the Division of Professional Education and U.P. High School in Iloilo. He serves as an Executive Council Member of the National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Literary Arts.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,


