Krisis sa Edukasyon
MAY krisis sa edukasyon ang Filipinas. Klaro itong nakasaad sa “Preface” at “Executive Summary” pa lang ng EDCOM II Year Two Report na pinamagatang Fixing the Foundations: A Matter of National Survival na inilathala ngayong kalagitnaan ng 2025. Kalunos-lunos basahin ang report. Pero kung matagal ka nang nagmamasid sa nangyayari sa

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
MAY krisis sa edukasyon ang Filipinas. Klaro itong nakasaad sa “Preface” at “Executive Summary” pa lang ng EDCOM II Year Two Report na pinamagatang Fixing the Foundations: A Matter of National Survival na inilathala ngayong kalagitnaan ng 2025. Kalunos-lunos basahin ang report. Pero kung matagal ka nang nagmamasid sa nangyayari sa bansa at lalo na kung isa kang guro, matagal mo nang nararamdaman at nakikita ang krisis na ito.
Ang EDCOM II o Second Congressional Commission on Education ay isang pambansang komisyon na itinatag sa bisa ng Republic Act No. 11899 at naatasang magsagawa ng malawakang pag-aaral at pagtatasa ng kalagayan ng edukasyon sa ating bansa sa mga taong 2023 hanggang 2025. Kailangan nilang magbigay ng mga mungkahi kung paano maisaayos at mapabuti ang sektor ng edukasyon sa Filipinas. Binubuo ito ng mga komisyoner na karamihan ay mga trapo kayâ nakakapagpataas ng kilay. May multisectoral na advisory council ito na nagmula sa akademya, industriya, mga ahensiya ng pamahalaan, local government, at civil society organization. Mabuti na lang may technical secretariat ito na binubuo ng mga may alam sa larangan ng edukasyon at technocrats kayâ may kredibilidad naman ang komisyon na ito. Mahirap kasi ipagkatiwala sa mga politiko ang mga mahalagang bagay tulad ng edukasyon dahil ang loyalty naman nila ay hindi naman talaga para sa bayan kundi para sa mga politikal na ambisyon lamang nila. Charot lang ang mga sinasabi nilang pagsisilbi sa bayan dahil ang pangunahin naman talaga nilang pinagsisilbihan ay ang mga pansariling political interest.
May 27 na priority areas sa EDCOM II Year Two Report. Kailangang matugunan ang mga ito sa mas madaling panahon para hindi na lumala pa ang krisis sa edukasyon. Ang Priority Area 1 ay ang Nutrition and Feeding. Sabi sa report, hindi ito nabibigyang pansin ng pamahalaan at masyadong maliit ang suporta para dito. Nakakalungkot na 25% lamang ng mga batang Filipino na nasa edad 6-12 na buwan ang may sapat at tamang nutrisyon. Ibig sabihin, tatlo sa apat na sanggol ay nababansot ang katawan, lalo na ang utak, dahil sa kakulangan ng pagkain. Kayâ iminumungkahi ng report na dapat maging priyoridad ng pamahalaan na magtalaga ng budget para siguruhing may sapat na nutrisyon ang mga bata lalo na sa unang 1,000 na araw ng buhay nila. Sa loob ito ng unang tatlong buwan ng sanggol, ang panahong nagde-develop ang utak ng bata.
Ang tama at sapat na nutrisyon ay mahalagang pundasyon para sa edukasyon ng mga bata. Hindi matututo, o mabagal matuto, ang mga batang laging gutom at nabansot dahil sa kakulangan ng nutrisyon. Minalas kasi sila na ipinanganak sa isang mahirap na pamilya. Sa Priority Area 1 pa lamang ay klaro na ang koneksiyon ng kahirapan at ng krisis sa edukasyon. Malaking tulong sana kung hindi korap, tamad, at bobo ang mga binoboto nating politiko na mga pabigat lang sa ating bayan. Tingnan na lamang natin ang mga senador natin ngayon. Marami ang mga walang silbi. May mga walang utak at palamunin lamang ng mga taxpayer. May mga matalino naman pero sariling kapakanan lang ang iniisip. O nasa senado lang para proteksiyonan ang korap na amo nila o ang negosyo ng kanilang pamilya.
Pang-Miss Universe ang dalawang huling talata ng “Conclusion” ng EDCOM II Year Two Report. Sa una ay sinasabi nilang hindi na kailangang mag-aksaya pa ng panahon at kailangan nang harapin ang mga problema sa sistemang edukasyon na maayos nilang nailatag. Anila, at iniimadyin ko ang boses ni Sushmita Sen, “If our findings induce strong sentiments, then we must find ways to transform sentiment into inspiration, inspiration into strategy, and strategy into concrete action.” Ang ganda. Kaso naiisip ko, anong strategy ito? Ang gastusin ang confidential fund ng DepEd na 125 million in eleven days? O kayâ bawasan nang madalian ng ilang bilyon ang budget ng edukasyon sa national budget para ilipat sa mga mala-pork barrel na programa at proyekto ng mga politikong nasa puwesto?
“All these things we point out that should have happened long ago must begin to happen now and accelerate by the moment, without delay,” ang huling pangungusap sa nasabing talata. Agree ako dito. Ang iniisip ko lang, paano kayâ babasahin at i-digest ng mga politikong functionally illiterate ang 395 na pahinang report na ito?
Sa mga may balak mag-join sa Binibining Pilipinas o sa mga Miss Gay Barangay Beauty Contest, puwede na nilang i-memorize itong last paragraph ng naturang report para tiyak na panalo sila sa Q&A portion at magkaroon ng sash na Best in Interview sakaling tungkol sa edukasyon ng kabataan ang tanong: “Education is about cultivating the full potential of every individual. It is about nurturing citizens who are informed, compassionate, and capable of contributing meaningfully to society. It is about building a nation. Together, we can turn this crisis into an opportunity—to rebuild, to innovate, and to create an education system that is worthy of the Filipino people and their boundless potential.” Huwag nilang kalimutang magdagdag sa hulihan ng, “And I thank you!”
In fairness sa EDCOM II Standing Committees at Technical Secretariat na sa tingin ko ang talagang nagsagawa ng mga pag-aaral at naghanda ng nilalaman ng report, napakamakabuluhan ng kanilang output. Maayos ding nakalatag ang mga problema sa edukasyon at may angkop na mga data at estadiska, pati na rin ang mga mungkahi nilang solusyon. Sana basahin at intindihin talaga ito ng mga namumuno ng ating bansa ngayon.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

