Hinay-hinay na Pagpatay
ITO ang naiisip kong salin ng “slow violence” na sinasabi ni Rob Nixon habang pinapanood ko sa Youtube ang mga balita hinggil sa mga pananalasa ng hangin at baha na dala ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan. Lagi’t lagi, kapag ganito, ang mga mahirap na kababayan natin ang napupuruhan. Katulad

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
ITO ang naiisip kong salin ng “slow violence” na sinasabi ni Rob Nixon habang pinapanood ko sa Youtube ang mga balita hinggil sa mga pananalasa ng hangin at baha na dala ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan. Lagi’t lagi, kapag ganito, ang mga mahirap na kababayan natin ang napupuruhan. Katulad na lamang ng isang babae sa Cebu na naanod sa baha at mabuti na lamang nakakapit siya sa nabunot na puno ng saging at nakakapit sa matibay na puno ng mangga. Ang masaklap, namatay sa baha ang kaniyang bana at ang dalawa nilang anak. Tinangay din ng baha ang kanilang bahay. Sabi pa niya, wala na na siyang mauuwian.
“Walang mauuwian.” Kung namatay ang iyong pamilya at nawasak ang inyong bahay, parehong literal at metaforikal ang ibig sabihin nito. Parang kulang pang sabihin na niyurakan pa ng kalikasan ang inyong kahirapan. Pero hindi naman talaga nangyuyurak ang kalikasan. Ang kalikasan ay kalikasan. Kinalbo ang kabundukan at hinarangan ang daluyan ng tubig kaya’t pagdating ng malakas na bagyo na may kasamang malakas na ulan, talagang iilig ang tubig padagat at lilikha ito ng mabagsik na flash flood. Pero ang totoo, ang tubig ay nagpakatubig lamang. Hindi ito nagagalit, hindi ito naghihiganti. Talagang natural sa tubig na hanapin ang pinakamababang bahagi ng lupa hanggang sa makarating sa dagat.
Kailangang may managot sa mga nangyayaring pagbaha lalo na’t daan-daan ang namatay at ang nasirang bahay. Sino ang nagkalbo ng kabudukan? Sino ang nagmimina? Sino ang pumayag na magputol ng kahoy at magmina? Sino ang nagkapera, ang yumaman, dahil kinalbo ang gubat, nilagyan ng subdibisyon ang bundok, at ginawang minahan ang kabundukan? Natitiyak kong hindi ang mga nabiktima ng baha. Matitibay ang bahay ng mga mayaman. Karamihan sa kanila may mga bahay pa sa mga mamahaling subdibisyon at condominium building sa Metro Manila. Palaging mahirap ang nabibiktima ng bagsik ng kalikasan.
Ito ang sinasabi ni Nixon sa kaniyang librong Slow Violence and the Environmentalism of the Poor (Harvard University Press, 2011), na ang karamihang nabibiktima ng mga kalamidad ay ang mga mahirap. Aniya, “It is those people lacking resources who are the principal casualties of slow violence. Their unseen poverty is compounded by the invisibility of the slow violence that permeates so many of their lives (4).” Naalala ko tuloy ang sabi sa akin ng makatang Merlie Alunan noon tungkol sa maraming namatay sa Samar-Leyte noong Bagyong Yolanda. Sabi niya, ang karamihan sa mga namatay ay mga mahihirap na hindi natin nakikita dahil ayaw nating tingnan.
Ayon kay Nixon, ang slow violence ay, “A violence that occurs gradually and out of sight, a violence of delayed destruction that is dispersed across time and space, an attritional violence that is typically not viewed as violence at all (2).” Hindi natin nakikita ang unti-unting pagkalbo ng kagubatan, ang pagwarak ng mga minahan sa kabundukan, ang pagnanakaw sa budget ng mga proyektong flood control ng pamahalaan. At isang araw, magugulat na lamang ang karamihan na inaanod na ng baha ang mga bahay, kabuhayan, at buhay ng mga mamamayang mahirap at naghihirap.
Kapag may mga sakuna sanhi ng inabusong kalikasan, patay-malisya ang mga politiko na karamihan sa kanila ay may kinalaman sa mga negosyo sa pagmimina, pagtotroso, at konstruksiyon. Tutulong sila kunwari sa mga biktima ng hinay-hinay na pagpatay o slow violence, magmumudmod ng relief goods at mamimigay ng pera na hindi naman galing sa bulsa nila kundi sa badyet ng kanilang opisina o barya ng mga kinulimbat nila. Palalabasin pa nila na ang mga tinulungan nilang biktima ng baha ay may utang na loob sa kanila. Pero ang totoo, bahagi ang mga trapong ito sa hinay-hinay na pagpatay sa mga tao.
Sana marami na talaga ang magising sa mga kababayan nating laging biktima ng mga kalamidad na ang may kagagawan sa kanilang mga pagdurusa ay itong mga politikong bobo at magnanakaw na binoboto nila. Sana dahil sa maugong na eskandalo ngayon sa mga imbestigasyon sa mga flood control project ay tuluyan nang magising ang nakararami at maging wais na sa pagboto sa susunod na eleksiyon.
Habang pagtuloy tayo na nagpapabudol sa mga sinungaling at korap na politiko, paulit-ulit lamang mangyayari ang mga trahedyang ito. Kailangang na talaga natin ng mga lider na bukod sa matalino ay may tunay na malasakit sa taumbayan, at malaking bahagi ng malasakit na ito ay ang hindi pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagtiyak na ang mga isasagawa nilang proyekto ay palaging pabor sa karamihan.
Lumalala na ang climate change sa ating daigdig at isa ang Filipinas sa labis na naaapektuhan nito dahil sa ating lokasyon na tayo palagi ang unang sumasalo sa mga bagyong namumuo sa Dagat Pacifico. Lalo pang dadalas ang pagdaan ng malalakas na bagyo sa ating arkipelago. Kayâ kailangan natin ng mga lider na makakaintindi ng siyensiya at may sipag at pasensiya sa pagtatrabaho at hindi inuuna ang pagpapayaman.
Kapag bumoto uli tayo ng mga bobo, tamad, at korap na lider sa 2028, asahan na natin ang hinay-hinay na pagpatay nila sa ating mahihirap na ayon sa press release nila ay “pinagsisilbihan” nila. Dapat tayong mga botante ang unti-unting papatay sa tradisyonal na politika sa ating bansa at umpisahan na natin ito ngayon din bago pa man mahuli ang lahat.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

