Dumating na si Jose Mari Chan
Ni John Iremil Teodoro MAY malaking Christmas tree na sa lobby ng tinutuluyan kong condominium building. Noong isang buwan pa sila nag-umpisang mag-decorate. Pero dahil final exam week ngayon at nitong Nobyembre ay sunod-sunod ang mga book launching at aktibidad namin sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, halos hindi ko naa-appreciate ang mga ito.

By Staff Writer
Ni John Iremil Teodoro
MAY malaking Christmas tree na sa lobby ng tinutuluyan kong condominium building. Noong isang buwan pa sila nag-umpisang mag-decorate. Pero dahil final exam week ngayon at nitong Nobyembre ay sunod-sunod ang mga book launching at aktibidad namin sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, halos hindi ko naa-appreciate ang mga ito.
Sa De La Salle University ay mahigit isang buwan ding ikinabit ang mga pamaskong palamuti. Noong Miyerkoles ng nakaraang linggo ang Lighting of Christmas Tree namin. Naglo-look forward talaga ako kada taon para dito dahil ang saya-saya. Nag-uumpisa ito sa isang misa saka kapag takipsilim na ay pangungunahan ni Brother President ang pasindi ng mga ilaw. Ang kaso, nagkataong Palanca Awarding noong Nobyembre 26. Dahil isa ako sa mga hurado, wala akong choice kundi mag-attend ng gabi ng parangal na ginanap sa Manila Polo Club. Pag-uwi ko kinagabihan ay ang masanag na masanag na ng campus!
Dahil final exam week na namin dito sa La Salle at karamihan sa mga exam at pagsumite ng mga final paper ay online na, noong nakaraang linggo ko pa napapansin na marami na ang nagsisialisan sa building namin. Mga estudyanteng may mga maletang pauwi na sa kanilang mga probinsiya o sa mga bahay nila sa suburb. Tumatalon sa excitement ang puso ko habang tinitigngnan sila dahil alam kong papalapit na rin ang pag-uwi ko sa Antique.
Two months ago pa ako bumili ng round trip ticket para sa Christmas break. Mga isang buwan din akong magbabakasyon sa Isla Panay. Ayon nga sa isang cliché, “There is no place like home.” Ayon din sa isang gasgas nang Christmas song, “I’ll be home for Christmas.” Pero siyempre, nitong mga nakaraang araw, ilang beses ko nang pinanood sa Youtube ang klasikong kanta sa Kinaray-a ng kaibigan kong si Dante Berriong na “Mauli Gid Ako sa Antique.”
Dahil sa sumabog na isyu ng korapsiyon ngayon sa mga flood control project, kung minsan naiisip ko na parang nakakahiyang maging masaya ngayong Pasko. Dapat manatili akong galit sa korapsiyon. Dapat hintayin kong makulong bago mag-Pasko ang mga katulad nina Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva. Pero okey na rin sigurong na-deny na ng Appeals Chamber ng International Criminal Court ang hiling ni Rodrigo Duterte para sa kaniyang interim release. At least nakikisaya ako sa mga pamilya ng mga biktima ng mga EJK sa panahon ni Duterte.
Dahil sa gulo sa bansa dala ng puksaan ng Puwersa ng Kadiliman at ng Puwersa ng Kasamaan, parang nadadagdagan ang pagiging nega ko. Ilang taon na ring sinasabi ko sa mga estudyante ko na dahil morally at intellectually bankrupt ang economic at political elite ng bansa, wala nang future ang Filipinas! May mga estudyante siyempre ako na nao-offend at galit sa akin sa mga evaluation nila. Nakakalimutan ko kasi palagi na elite school pala ang La Salle. Minsan nga natawag akong “negastar” ni Rolando Tolentino dahil masyado akong negative. May isa rin akong kaibigan na sinasabihan akong huwag dapat mawalan ng pag-asa para sa bansa.
Ayaw kong maging negastar ngayong Pasko. Lalo na’t ang plano namin ng partner kong si Jay ay sa Aningalan uli kami magpa-Pasko katulad noong nakaraang taon. Kapag nasa malamig na bundok ako na napapalibutan ng mga pine tree, gulayan, at taniman ng mga bulaklak, nakakalimutan ko ang kapangitan ng kalibutan. Nakakalimutan kong may mga maitim na budhing politiko at negosyante na gustong magmina sa kabundukan ng Antique malapit sa Aningalan.
Sa Roxas City sa Capiz ako lalapag sa Biyernes. Makiki-Sinadya Festival muna ako. Bilang bahagi ng festival ay ilo-launch ang libro kong Bulawan nga Bulak / Golden Showers sa Sabado sa Ang Palanublion Museum. Inimbitahan din kaming dalawa ni Jay na mag-judge sa ilang event nila ng kaibigan kong manunulat na si Bryan Mari Argos na siyang City Tourism Officer at hermana mayor ng festival.
Susunduin ako ni Jay (at ni Ani, ang ipinangalan namin sa aming Jimny. Short for Aningalan siyempre) sa Roxas City. Makikita ko rin muli ang college BFF kong si Ooy na tagadoon. At siyempre, muling makakain ng bonggang seafood.
Ilang tulog na lang at makakauwi na ako sa Panay. Makikita ko na rin ang progress ng pinapagawa namin ni Jay sa Hardin Sirena sa Aningalan. Kaninang umaga paggising ko, nakinig muli ako sa mga Christmas song ni Jose Mari Chan. Hindi ko pa man feel na feel ang Pasko dahil sa dami pa ng mga gawain, alam kong malapit na malapit na ito. Sisikapin kong magsaya ngayong Pasko na walang guilty feelings.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

