Bohol
LIMANG araw ako sa Bohol noong nakaraang linggo para dumalo sa International Social Sciences and Humanities Conference (ISSHCON) 2025 na ginanap noong Agosto 13-16 sa MetroCentre Hotel sa Tagbilaran City. Inorganisa ito ng College of Liberal Arts ng De La Salle University sa pakikipagtulungan ng Bohol Island State University. Tumulong kami

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
LIMANG araw ako sa Bohol noong nakaraang linggo para dumalo sa International Social Sciences and Humanities Conference (ISSHCON) 2025 na ginanap noong Agosto 13-16 sa MetroCentre Hotel sa Tagbilaran City. Inorganisa ito ng College of Liberal Arts ng De La Salle University sa pakikipagtulungan ng Bohol Island State University. Tumulong kami sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) sa preparasyon ng kumperensiyang ito at ako ang naatasang maging chair ng Scientific Committee.
Relaxed na ako sa kumperensiya dahil ang papel ko talaga ay ang mag-screen ng mga isinumiteng abstract at mag-schedule ng mga parallel session. Plantsado na ang mga ito bago pa man magsimula ang tatlong araw na pagtitipon. Naayos ko na rin naman ang Plenary Panel Session na nakatoka sa BNSCWC, ang “Boholano Writers as Public Intellectuals.”
Pangatlong beses ko pa lamang na punta ito ng Bohol. Ang una ay noong nagtatrabaho pa ako sa University of San Agustin sa Iloilo City. Ang una ay nang mag-day tour kami doon ng mga katrabaho at kaibigan kong sina Jigger S. Latoza at Mona Pico. Ilang araw kasi kami sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu dahil nagri-research kami para sa libro naming Pit Señor!: Miracles of Santo Niño de Cebu (University of San Agustin Publishing House, 2007). Naisip naming mag-R&R sa Bohol. The usual ang ginawa namin. Pumunta sa Chocolate Hills sa Carmen, namasyal sa isang gubat sa tabingkalsada na may tarsier, nag-lunch sa Loboc River, at bumisita sa Baclayon Church.
Ang pangalawang beses naman ay nang mag-pilgrimage sa Basilica ang mga editor at manunulat ng USA Publications, ang pang-estudyanteng lathalaan ng San Agustin, na ako ang moderator. Nag-day tour din kami sa Bohol. Pumunta rin ng Chocolate Hills, nanood ng tarsier, nag-lunch sa Loboc River, bumisita sa Baclayon Church, at may pinuntahang malaking python na nakakulong. Sobrang nag-enjoy ang mga estudyante ko at may sinulat silang mga travel article tungkol dito na inilathala sa magasing The Augustinian Mirror. May nasulat din nga akong maikling kuwento sa Kinaray-a na ang setting ay ang Loboc River ang setting.
First time kong mag-fly in sa Bohol-Panglao International Airport. Bagong airport ito na binuksan noong 2018. Ang dating paliparan ng Bohol ay nasa Tagbilaran City. Nagulat ako dahil ang ganda ng airport nila. Kasing laki ng airport sa Iloilo pero mas maganda ang disenyo. Mas maluwag din ang check-in counters area nito.
Ibang-iba na ang Bohol ngayon. Mas marami nang malalaking gusali sa city proper. Ang iniimadyin kong Panglao Island ay maliit lang. Malaking isla para ito maraming resorts, sa tabingdagat man o sa bulubunduking bahagi. Parang Guimaras Island. Pero ang maganda sa Panglao, mas malapit ito sa mainland Bohol at konektado ang mga ito ng dalawang tulay. Kung magkakaroon ng tulay sa pagitan ng Iloilo at Guimaras, tiyak na mapapablis din ang turismo sa islang ito na may pinakamasarap na mangga sa buong bansa. Malaking advantage ng turismo sa Panglao ay nasa isla mismo ang paliparan. Ang drawback lang, marami nang tao sa mga major tourist attraction doon tulad ng sa Chocolate Hills at Loboc River. Parang chaotic na ang mga sasakyan at tao. Ayaw ko na kapag ganito.
Noong Sabado ng gabi ay lumipat ang secretariat ng ISSHCON 2025 sa Panglao. Sa La Casa di Beatrice kami tumuloy. Isang mountain resort ito sa Barangay Bolod. Isang Spanish villa inspired na lugar na ito at gustong-gusto ko ang hardin at disenyo ng cottages at restawran nila. Ito ang idea ko ng bahay kung gusto ko ng malaking bahay. Maraming bogambilya! Kakaunti lang ang mga bulaklak dahil tag-ulan ngayon. Naiimadyin ko na sa tag-araw siguradong umaapoy sa mga bulaklak ang mga iyon.
Maliit lang ang lugar subalit malaki ang mga kuwarto at elegante ang mga muwebles. May lap pool din. Habang nakababad ako sa tubig, nakikita ko ang mga halaman, lalo na ang mga bogambilya na paborito kong bulaklak, sa paligid. Masarap din ang pagkain nila at lalo na ang ensaymada. Hindi na hamak na mas malambot at mas manamit ito kaysa isang brand ng ensaymada na mabibili sa airport sa Manila. Sa katunayan, may puwesto rin ang La Casa di Beatrice sa Bohol-Panglao Airport. Ang ibang kasama ko ay dose-dosena ang binili. Dahil diabetic ako, pinanonood ko lang sila. Kung bibili kasi ako, ako rin lang ang kakain dahil may isang araw pa ako rito sa Taft Avenue bago umuwi ng Maybato.
Medyo malayo lang sa dagat ang boutique resort na ito. Pero hindi nagpatalo ang mga kaliskis ko. Paggising ko sa umaga noong Linggo, gintsek ko sa Google Map kung saan ang pinakamalapit na beach. Mayroon at 35-minute walk lang pala. Keribam ito dahil magwo-walking naman talaga ako. Maganda ang mga kalsadang dinaanan ko. Maraming mga maliit na resort at hotel akong nadaanan, gayundin ang mga restawran na mga sarado pa dahil alas-seis pa lang ng umaga. Hindi dikit-dikit kayâ luntian pa ang paligid. Parang isang area na labas sa sentro ng Ubud, Bali. May mga sandal ring akala ko nasa Guimaras ako.
Matapos ng mahigit kalahating oras na paglalakad, nakarating ako sa isang rough road na pababa sa tila bakawan. May mga maliit na karatulang may arrow ng isang beach resort kayâ alam kong hindi ako nawawala. At nakarating nga ako sa isang white sand beach! Ang kalmada ng dagat at halos walang tao roon. Parang Boracay in the 1990s feels—white sand at kakaunti ang mga istruktura at mga tao. Siyempre binasâ ko agad ang mga paa ko sa dagat at naging isang kumikinang na berdeng buntot ang mga ito. Char!
Dahil pasado alas-siyete na, naghanap ako ng makakainan. Sa Yuken Mari ako napunta dahil may mga magandang mesa sila sa tabingdagat na nasa ilalim ng malalaking talisay. Grilled pusit at vegetable lumpia ang ulam ko sa agahan. Ang nag-iisang mabait na babaeng waitress, na siya rin ang kahera, ay nagngangalang Alma. Nakalagay ito sa t-shirt niya na may pangalan ng resort nila. Ang nakalagay na address, Libaong, Panglao Island, Bohol. Nang magpakuha ako ng picture sa kaniya, tinanong ko kung anong isla ang nasa unahan. Pamilacan Island pala. Tuwang-tuwa si Alma nang sinabi kong ang dagat palang nasa harapan nila ay daanan ng mga balyena at dolphin.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

