Biyaya ang isang Magandang Dula
MAPALAD ako at napanood ko ang dulang Grace ng Encore Theater sa unang araw ng pagtatanghal nito noong Sabado, 14 Hunyo 2025, sa PETA Theater Center sa Lungsod Quezon dahil mahusay ang pagkasulat at pagkatanghal nito. Ang isang magandang dula ay tunay na biyaya para sa puso’t isipan ng mga manonood.

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
MAPALAD ako at napanood ko ang dulang Grace ng Encore Theater sa unang araw ng pagtatanghal nito noong Sabado, 14 Hunyo 2025, sa PETA Theater Center sa Lungsod Quezon dahil mahusay ang pagkasulat at pagkatanghal nito. Ang isang magandang dula ay tunay na biyaya para sa puso’t isipan ng mga manonood.
Ang dulang ito ay ang pinakahuling nasulat ng premyadong mandudula na si Floy Quintos. Isa itong katha na nakabase sa mga pangyayari sa kumbento ng Lipa Carmel noong 1948 hanggang 1951, ang pagpapakita ng Mahal na Birhen sa isang madre at sa pag-ulan ng mga talulot ng rosas na may mga banal na larawan.
Kontrobersiyal ang paksa ng Grace kung kayâ klarong inaanunsiyo bago ang palabas at nakasulat din sa printed program nila na fictionalized ang kuwento ng dula at walang kinalaman sa produksiyon nito at wala silang perang tatanggain ang mga madre sa Lipa Carmel at ang pamilya Lat-Castillo, ang pamilyang kinabibilangan ng yumaong madreng si Sister Teresita Castillo na siyang visionary o pinakitaan at kinausap ni Mother Mary.
Sa direksiyon ni Dexter Santos, maganda ang blockings at ang paggiging buo ng lahat ng mga elemento ng teatro. Ang production design ni Mitoy Sta. Ana ay minimalist at nare-reinforce ito ng lighting design ni John Batalla. Ito ang uri ng direksiyon, stage design, at pag-iilaw na tumutulong sa paggulong ng imahinasyon ng manonood habang nasa loob ng teatro.
Makatotohanan ang pagganap ng mga aktor sa dulang ito. Halimbawa si Leo Rialp na gumanap bilang si Monsignor Egidiio Vagnozzi, ang Papal Nuncio, na ayaw maniwala sa milagrong ito ng Lipa. Mukha talaga siyang cardinal sa entablado at nakakalimutan kong dula ang aking pinapanood. Hindi nakapagtataka na ipinagkaloob sa kaniya ang Best Featured Actor in a Play Award sa 37th Aliw Awards para sa performance niya sa dulang ito nang una itong itinanghal noong 2018.
Compelling din ang pagiging obispo nina Dennis Marasigan at Jojo Cayabyab. Mukha talaga silang mga obispo. Mahusay din ang pagganap ni Reb Atadero bilang Fr. Angel de Blas, ang batang mestisong Dominicanong prayle na naatasang mag-imbestiga sa nangyaring himala. Magagaling din ang gumanap na mga madre. Unang-una na si Shamaine Buencamino bilang si Mother Cecilia of Jesus na siyang Mother Superior ng kumbento. Super-galing naman ni Frances Ignacio bilang si Sister Agatha, ang madre na mabait subalit matabil ang dila. Nakakatawa na nakapagpapagabag ang eksenang iniinterbyu siya ni Fr. de Blas tungkol sa milagro.
Magaling din siyempre si Stella Mendoza bilang si Sister Teresita Castillo na siyang visionary. Powerful ang performance niya sa huling eksena kung saan inulan siya ng mga talulot ng rosas. Sa huling eksena lang kasi nagkaroon ng totoong mga talulot dahil sa ibang eksena, nasa imahinasyon lang ng mga manonood ang mga talulot base sa nakikitang aksiyon at naririnig na mga salita mula sa mga artista. Kaso medyo over-aged yata siya para sa papel na ito dahil dapat 21-year old lamang si Teresita Castillo nang mangyari ang himala. Magaling si Mendoza subalit hindi talaga siya mukhang 21.
Mahusay ang dulang Grace dahil isa itong interogasyon sa simbahang Katoliko hindi lamang dito sa Filipinas kundi hanggang sa Vatican. Fictionalized version man ito ng Lipa Carmel miracle ay hayagang kritisismo ito sa pagiging racist, homophobic, at patriarchal ng relihiyong Romano Katoliko.
Malaking tulong sa manonood, na hindi na masyadong pamilyar sa Lipa Carmel miracle o nakalimutan na ang mga detalye hinggil rito, ang timeline na nakalagay sa printed program ng pagmilagro mula noong 1948 nang magkaroon ng apparition ang Mary, Mediatrix of All Grace. Noong 1951 ay pinaimbestigahan ito ng Vatican at anim na mga obispong Filipino at sinabi nilang walang himala at pinasunog ang mga dokumento hinggil dito, at hanggang nitong 2023 lamang nang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ay inutusan ng Vatican na ipagbawal ang mga selebrasyon ng ika-75th na anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Lipa.
Napaisip tuloy ako. Bakit kayâ okey lang sa Vatican ang veneration ng Santo Niño de Cebu at ng Poong Nazareno ng Quiapo na malapagano na ang mga ritwal, at ayaw namang payagan ang sa Our Lady Mediatrix of All Grace? Mahalaga sa dula at malakas ang dating ng eksena sa pagitan nina Mother Cecilia at ng obispo nang magtanong ang madre ng parang ganito, “Paano kayâ kung naging lalaki kami at hindi kami madre? Mas paniniwalaan ba kami?”
Ano ngayon ang sinasabi ng dula tungkol sa himala sa Lipa Carmel? Naniniwala kayâ sa himalang ito ang mandudulang si Quintos? Kung ang pagbabasehan natin ay ang huling eksena ng dula—si Sister Teresita Castillo na nag-iisa sa hardin sa Carmel sa Lipa na nagkakaroon ng banal na ecstasy habang inuulanan siya ng mga talulot ng pulang rosas—malaking oo ang sagot. Napaka-powerful na ending ito ng dula. Sa lahat ng mga dulang napanood ko sa buong buhay ko, ito ang pinakamalakas ang dating sa aking puso’t isipan.
At oo, totoong bulaklak ang pinaulan ng produksiyon nang hapong iyon sa entablado at buong teatro ng PETA! Ang bango nito ay dagdag na biyaya sa mga manonood na sa tingin ko, tulad ko’y handa nang maniwala sa mga himala.
(Note: Ang Grace ay palabas pa sa mga araw ng Sabado at Linggo hanggang Hunyo 29.)
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

