Binirayan 2025
Ni John Iremil Teodoro KAPAG umuuwi ako sa Antique para sa Christmas break, palagi kong inaabangan ang Torch Parade ng Binirayan Festival. Para sa akin kasi ito ang opening salvo ng halos buong Disyembreng festival sa aming probinsiya. Noong Lunes, Disyembre 15, ang Torch Parade sa taong ito. Dumadaan ang parada sa harap ng bahay

By Staff Writer
Ni John Iremil Teodoro
KAPAG umuuwi ako sa Antique para sa Christmas break, palagi kong inaabangan ang Torch Parade ng Binirayan Festival. Para sa akin kasi ito ang opening salvo ng halos buong Disyembreng festival sa aming probinsiya. Noong Lunes, Disyembre 15, ang Torch Parade sa taong ito.
Dumadaan ang parada sa harap ng bahay namin dito sa Maybato Norte at talagang sinisuguro kong nakakabit na ang mga parol at Christmas lights bago pa man ang gabing ito. Kapag dumadaan na ang parada, binubuksan ko ang lahat ng ilaw at nanonood ako mula sa maliit na terasa namin sa ikalawang palapag.
Sa obserbasyon ko, parang mas bongga ang Binirayan ngayong taon kumpara sa ilang taong nagdaan lalo na noong nakaraang taon. Ngayon halos lahat ng business establishment sa banwa ay may poster ng Binirayan. Siguro dahil magkaalyado ngayon ang gobernador at kongresman kaya’t mas malaki at marami ang partisipasyon. Pero medyo disappointed lang ako sa Torch Parade ngayon. Absent ang gobernador at ang kongresman. Hindi ba dapat kasama sila sa parada?
Noong nakaraang taon si Governor Rhodora Cadiao at ang mga kaalyado niya sa eleksiyon ang sumakay sa float ng Torch Parade. Siyempre dahil campaign time iyon. Ngayong taon halos walang politiko na sumama, kahit sana ang mga incumbent man lang, siguro dahil hindi na nila kailangang mangampanya. Baka sa 2028 na lang uli sila sasali sa parada.
In fairness, ang meyor namin dito sa San Jose de Buenavista na si Atty. PJ Untaran ay sumama sa parada na naglalakad lang at kinakamayan ang mga tao sa tabingkalsada na nanonood. Nagmamano naman siya sa mga matanda. Ang ibang meyor ay wala dahil siguro ayaw nilang mag-effort dahil wala naman silang mahihitang boto sa mga tao mula Malandog sa Hamtic hanggang town proper ng San Jose.
Noong nakaraang linggo ay namasyal kami ng partner kong si Jay sa Pasundayag 2025, ang local products exhibit ng kada bayan sa isang isinarang kalye sa tabi ng Kapitolyo ng Antique. Bagamat malaki pa ang room for improvement, maganda na mapasundayag talaga ang mga produkto at destinasyon sa kada munisipyo sa Antique. Halimbawa, maaari pang gandahan ang disenyo at imprenta ng mga brochure ng kada bayan. Kailangang mag-invest dito para makapag-engganyo ng mga lokal at internasyonal na turista.
Masaya kami ni Jay na makabili ng mushroom bagoong sa booth ng San Jose de Buenavista. Allergic si Jay sa ginamës kung kayâ may suki kaming inoorderan ng mushroom bagoong, na lasang ginisang ginamës hipon talaga, sa Lazada. Nakalimutan kong bibitin mula sa condo namin sa Manila ang isang bote kung kaya’t thrilled kami na may gumagawa na nito rito sa Antique.
Nakabili rin kami ng sukang niyog at coco jam sa booth ng Caluya. Natandaan ko, bumili rin ako sa kanila ng sukà noong nakaraang taon. Si Jay na obsessed ngayon sa crayfish at ginagawa nang mini-crayfish farm ang likod ng bahay namin sa Maybato, ay interesadong-interesado sa tatus or coconut crab na naka-display sa dalawang aquarium. Lalo na’t sinabi ng nagbabantay roon na maaari itong alagaan, paramihin, at palakihin! Siyempre sinabihan ko siya na mag-concentrate muna siya sa crayfish at saka na niyang pakialaman ang tatus. Kaloka!
Nakausap namin ang nagbabantay sa booth ng San Jose de Buenavista at nagtanong kami kung puwedeng mag-display kami ng mga libro ng Sirena Books at ng mga libro ko. Puwede raw basta produkto ng bayan namin. Ipinaliwanag namin na indie publishing house kami na based sa Maybato Norte. Kayâ hayan, may Sirena Books na libro na doon sa booth.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng Binirayan Festival 2025, ilulunsad ang libro kong Mga Bulawan nga Bulak / Golden Showers: A collection of poems about Thailand (Pawikan Press, 2025) sa Disyembre 26 sa Old Capitol Building. Nang lumabas kasi ang libro kong ito noong Setyembre, nag-message ako sa kaibigan kong Sangguniang Panlalawigan member at sikat na kompositor at mang-aawit ng Original Kinaray-a Music, na si Dante Berriong kung sino ang puwede kong kausapin dahil gusto kong mag-launch ng libro ko sa Binirayan.
Itinuro ako ni Dante kay Tinô Dalumpines na siyang Festival Director ngayong taon. Tamang-tama at kaibigan ko si Tinô at nag-message ako sa kaniya. Pinagbigyan niya ang hiling ko at nag-decide kami ng date at venue, at nakasama nga sa mga aktibidad ng Binirayan 2025 ang aking book launching. Masaya at excited ako dahil mahigit dalawampu na ang mga libro ko at ngayon pa lang ako makapaglunsad dito sa Antique.
Ang Binirayan Festival ay selebrasyon ng pagdating ng sampung datu mula Borneo dito sa Isla Panay noong ika-11 siglo. Itinatag ang festival na ito ng local hero ng Antique na si Evelio B. Javier noong Enero 1974. Ito ang panahon na si Evelio ang pinakabatang gobernador sa Filipinas. Ang salitang ugat ng “Binirayan” ay “biray,” o pagsakay sa biniday o balangay na siyang sinakyan ng mga datu, pamilya, at tauhan nila mula Bornay.
Ang isa sa mga paborito kong larawan ng aking mga magulang ay isang black and white na larawan nilang kasama ang mga batang naka-costume na mga ati noong pinakaunang Binirayan. Tatlong taong buwan pa lamang ako noon. Bagong salta lang ang nanay namin na taga-Digos, Davao del Sur dito sa Antique. Ang bata pa nina Nanay at Tatay sa larawan. Guwapa at guwapo sila. Kapag tinititigan ko ito, lagi kong naiisip, sino kayâ ang nagbabantay sa akin sa bahay nang mga oras na iyon? Kanino nila ako iniwan habang namamasyal sila?
Siguradong hindi si Tita Nening, ang nakababatang kapatid ni Tatay. May larawan din kasi si Tita na nakadamit dayang siya, o prinsesang Malayo, na kasama rin sa aktibidad ng Binirayan ng taong iyon. Iniisip ko, baka kay Lola Kanit o Lola Flora, ang matandang dalagang tiya nina Tatay o Tita. O baka kay Lolo Graciano, ang tatay nila, na pinalaki ako sa kaniyang mga kuwento.
Hindi lamang bahagi ng kasaysayan ang Antique ang Binirayan. Bahagi rin ito ng kasaysayan ng aming pamilya at ng sarili kong kasaysayan bilang manunulat na Antikenyo.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

