Bakit Kinaray-a?
Ni John Iremil Teodoro NAG-UMPISA akong magsulat sa Kinaray-a dahil sa utos ng una kong guro sa pagsusulat na si Leoncio P. Deriada. Nagpapadala kasi ako ng mga binalaybay sa Ingles noon sa kaniya sa magasing HomeLife na siya ang literary editor. Sa isa sa mga rejection letter niya sa akin, may note siya na

By Staff Writer
Ni John Iremil Teodoro
NAG-UMPISA akong magsulat sa Kinaray-a dahil sa utos ng una kong guro sa pagsusulat na si Leoncio P. Deriada. Nagpapadala kasi ako ng mga binalaybay sa Ingles noon sa kaniya sa magasing HomeLife na siya ang literary editor. Sa isa sa mga rejection letter niya sa akin, may note siya na nagsasabing bakit hindi ako magsulat sa Kinaray-a? Puwede ko raw itong ipabasa sa kaniya sa kaniyang opisina sa Iloilo City Campus ng University of the Philippines Visayas (UPV).
Estudyante ako noon sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo at bukod sa pagsusulat ng tula sa Ingles ay sumusulat din ako ng mga tula at maikling kuwento sa Filipino. Noong nasa hayskul pa ako sa Antique nang magsimula akong magsulat at nasa Tagalog ito dahil ang paboritong kong binabasa noon ay ang magasing Liwayway, komiks, at mga movie magazine. Awtomatik sa akin na magsulat sa wika ng mga paborito kong babasahin. Saka rabid Sharonian pa ako, yung tipong tumatahol at nangangagat kapag may manghikay kay Sharon Cuneta. Memoryado ko ang ilang diyalogo mula sa kaniyang pelikula at saulado ko rin ang kaniyang mga kanta tulad ng “P.S. I Love You,” “Cross My Heart,” “Bituing Walang Ningning,” at “Sana’y Wala Nang Wakas.”
Nasa kolehiyo ako nang malathala ang mga tula ko sa Kinaray-a sa magasing Hiligaynon, na sister magazine ng Liwayway. Mabuti nga at bukás sa paglalathala ng mga akdang Kinaray-a ang magasing ito. Siguro dahil ang mga editor nila ay uma-attend ng mga workshop at seminar ni Deriada.
Nagsusulat ako sa apat na wika dahil kung ipinanganak ka sa Antique, Kinaray-a ang wika sa loob at labas ng bahay, at pagtuntong mo ng Grade 1 ay sabay mo nang pinag-aaralan ang Pilipino (na Tagalog talaga nang magsimula akong mag-aral noong dekada 80) at Ingles. Masyado akong nag-e-enjoy noon kapag nagsusulat ng formal theme (para sa asignaturag Ingles) at ng sulating pormal (para sa Pilipino) nang tumuntong ako ng Grade 5. Halos awtomatiko rin akong natutong mag-Hiligaynon dahil uma-umaga, maririnig sa baryo namin ang Bombo Radyo Iloilo na Hiligaynon ang wika. Kapag nagsisimba kami sa Linggo, kapag “Bisaya” na misa ang aatenan namin ay ibig sabihin sa Hiligaynon ito. Kung minsan may mga pari na nagse-sermon sa Kinaray-a. Pero ang mga ritwal at mga babasahin mula sa Bibliya ay nasa Hiligaynon.
Noong nag-aaral ako sa Iloilo, naiirita ako sa mga kaklase at kaibigan kong hindi nakakaintindi ng Kinaray-a. Pamatyag ko nag-iinarte lang sila. Kung akong taga-Antique ay marunong mag-Hiligaynon, bakit silang mga taga-Iloilo ay nagpi-pretend na hindi marunong ng Kinaray-a? Kalaunan naunawaan ko na kung bakit. Wala naman kasi silang exposure sa Kinaray-a kagaya ng exposure ko sa Hiligaynon noong bata ako. Hindi ito problema kung ang kaklase ko ay taga-Tigbauan hanggang San Joaquin, Iloilo dahil ang Kinaray-a na wika sa mga bayan sa katimugang Iloilo ay katulad ng Kinaray-a namin sa San Jose de Buenavista.
Klaro namang hegemonic language ng Isla Panay ang Hiligaynon kayâ ito rin ang naging lingua franca ng isla kasama ng Isla Guimaras. Ang mga publikasyon ay nasa Lungsod Iloilo rin pati ang mga estasyon ng radyo. Siyempre ang buong Panay ay nasa ilalim ng Archdiocese ng Jaro na Hiligaynon ang pangunahing ginagamit. Nabuwag lamang ang gahum na ito ng Hiligaynon nang magsimulang magsulat si Kinaray-a ang mga estudyante ni Deriada sa UPV at ang mga dumadalo sa mga workshop niya noon. Mahalaga ang mga antolohiyang inedit niya noong dekada 90 na naglathala ng mga akda sa Kinaray-a.
Madugay ko nang tanggap ang pagiging multilingguwal ko bilang manunulat. Hindi na isyu sa akin na magsulat ako ng mga tula, kuwento, sanaysay, at dula sa Filipino, Kinaray-a, Ingles, at Hiligaynon. Pero madalas, sa Filipino ako sumusulat ng sanaysay at maikling kuwento, at tula naman sa Kinaray-a. Bilang peryodista, mas madalas na nasa Ingles kasi mas Ingles ang wika ng mga magasin at diyaryo. Dahil iskolar din ako ng literaturang Hiligaynon, madali rin sa akin na magsulat sa Hiligaynon para sa mga patimpalak na inorganisa ni Deriada noon tulad ng All-West Visayan Poetry Contest noong 1995 na ako ang nanalo ng unang gatimpala para sa kategoryang Hiligaynon. At nang magkaroon ng kategoryang maikling kuwento sa Hiligaynon sa Palanca, sumali rin ako at dalawang beses akong nanalo bago maimbitahang maging hurado.
Klaro para sa akin ang layunin ko kung bakit masigasig akong nagsusulat sa Kinaray-a at nagahimurat sa pag-aaral ng wikang ito. Gusto kong makapag-ambag ang Kinaray-a sa Filipino kagaya ng proyektong inumpisahan ng guro kong si Deriada noon na tinatawag niyang “Literature Engineering,” ang pag-develop ng isang uri ng wikang pambansa na nakabase sa Tagalog subalit bukás sa mga bokabularyo at syntax ng mga wikang Bisaya. Tinawag niya itong “Visayan-laced Filipino” na kalaunan ay isinalin ni Virgilio Almario bilang “Filipinong may timplang Bisaya.”
Mas makabuluhan kasing hirikuton ang pag-aaral at paggamit ng Kinaray-a kung nilalayon din nito ang pagpapayaman sa wikang pambansang Filipino. Sa ganitong paraang makabulig gid tayo sa pag-akda ng ating bansa.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. Write Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

