Bad News, Good News
ANG kinabukasan ng ating bansa ang naiipit sa patuloy ng away sa pagitan ng Puwersa ng Kadiliman at Puwersa ng Kasamaan. Nakakapanggalaiti ang mga balita sa telebisyon at sa internet. Nakapanlulumo ang pagiging bulag at uto-uto pa rin ng marami sa ating mga kababayan. Nakakagigil ang mga politikong playing safe para

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
ANG kinabukasan ng ating bansa ang naiipit sa patuloy ng away sa pagitan ng Puwersa ng Kadiliman at Puwersa ng Kasamaan. Nakakapanggalaiti ang mga balita sa telebisyon at sa internet. Nakapanlulumo ang pagiging bulag at uto-uto pa rin ng marami sa ating mga kababayan. Nakakagigil ang mga politikong playing safe para huwag madamay sa giyera ng mga Marcos at Duterte katulad ni Chiz Escudero na sana mapalitan na bilang Senate President dahil parang wala namang kuwenta.
Ang bad news, optional para sa mga katulad ni Escudero ang pagsunod sa Saligang Batas. Ayaw niyang maniwala na ang ibig sabihin ng “forthwith” ay agad-agad. Dapat pagtanggap nila sa Senado ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5, 2025 ay agad silang nag-convene bilang impeachment court at inumpisahan na ang mga hearing. Pero dahil fence sitter ang Senate President at takot matalsikan ng dugo ng mga Marcos o Duterte, gumawa ito ng paraan para ma-delay ang impeachment trial. Ang sabi noon, June 2 na raw pagkatapos ng mid-term election. Pagdating ng June 2, sa June 11 na lang daw uli.
Mukhang ang mga dutertard o ang mga balimbing na senador na ang gumagawa ng paraan para hindi na matuloy ang impeachment trial na ito. Karamihan naman sa mga senador ay tahimik lang. Nagmamatyag kung kaninong dugo ang dadanak—mula ba sa Puwersa ng Kadiliman o Puwersa ng Kasamaan? Nagmamatyag silang maigi para doon lilipat sa puwersang malaki ang tsansang manalo sa eleksiyon sa 2028. Opo, ang mga trapo, walang ibang iniisip ang mga ‘yan kundi ang susunod na eleksiyon kahit na hindi pa man opisyal na nakakaupo ang mga nanalo sa eleksiyon noong nakaraang buwan. Uto-uto ka kung ang inaakala mo ay pagsisilbi sa bayan ang laging iniisip nitong mga politiko. Siguro may isang matino sa sampung politiko. Pero ang siyam talagang paghuhuthot sa kaban ng bayan ang layunin sa pagtakbo sa isang puwesto.
Tingnan na lamang natin ang mga nakaupong senador ngayon. Ilan ba diyan ang totoong nagsisilbi sa bayan? Ilan ba dyan ang walang pinoprotektahang political at business interests? Ilan ba dyan ang hindi balimbing na mabilis magpalit ng allegiance depende kung sino ang makapangyarihan sa Malakanyang? Ilan ba diyan ang hindi pabigat sa bayan? Ilan ba dyan ang talagang may utak, puso, at sipag para sa bayan? Bakâ si Risa Hontiveros lang? Maimadyin n’yo ba kung gaano kalaki ang naaaksayang pera ng bayan para sa mga tulad nina Bato dela Rosa, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Mark Villar, Imee Marcos, at iba pa?
Natutulala ako sa mga resulta ng mga survey ngayon. Ang sabi sa latest survey ng Pulse Asia, mas mataas ang trust rating nina Sara at Rodrigo Duterte kaysa kay Bong Bong Marcos. Hindi ko sinasabi na dapat pagkatiwalaan natin si BBM, pero, paanong nangyari na marami pa rin ang nagtitiwala sa mag-amang Duterte? Si Sara, katulad ng tatay niya, ay balahura at mapanlinlang ang bunganga. Ayaw ipaliwanag kung paano nagastos ng opisina niya ang pondo ng gobyerno. Ayaw niyang ipaliwanag kung bakit ang isang fictional character na si Mary Grace Piattos ay nakatanggap ng salapi mula sa kaniyang confidential fund. Si Duterte inaamin na mamamatay tao siya at siya ang may pakana ng pekeng drug war na libo-libo ang pinatay kayâ nga ngayon ay nakakulong na sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague para sa salang crime against humanity.
Natatawa ako sa isang meme sa Facebook. Picture ng super confident na si Sara Duterte sa airport sa Europe. Ang nakalagay na text: “Nakakaproud ka talaga, Madam Vice President Sara. Kahit wala kang ginagawa mataas pa rin ang rating.” Nakakaloka! Kasi totoo.
Ang sabi naman sa latest survey ng Social Weather Station, mahigit 80% gustong harapin ni Sara Duterte ang impeachment trial para makapagpaliwanag siya. Pero iyon nga, mukhang ang mga kagalang-galang nating mga senador na ang naghahanap ng paraan na hindi ito matutuloy.
Kayâ siguro ang yabang-yabang pa rin ni Sara Duterte. Napaka-confident magsalita kahit na walang kuwenta at nakakatawa ang pinagsasabi. Halimbawa ang latest niyang sinabi sa The Hague ay dapat daw irespeto ng ICC ang karapatang pantao ni Rodrigo Duterte at palabasin na ito sa kulungan. Nakakalokang statement ito dahil ang sabi nga ni Leila de Lima, na biktima ng pag-alipusta sa karapatang pantao ng Rodrigo Duterte administration, nagtataka siya na abogada ngang naturingan itong si Sara pero mukhang hindi naman nabasa ang Rome Statute kayâ nakakatawa ang pinagsasabi.
Gusto ko talagang i-quote in full ang sabi ni De Lima hinggil dito na naka-post sa FB niya: “Legal remedies in law do not consist of baseless and random invocation of human rights without context. As a lawyer, VP Sara should know that. It seems she only speaks now of human rights to appeal to emotions, while she and her own father never respected the human rights of the victims of the Davao Death Squad and the Philippine Drug War.”
Ang bad news, mukhang hindi na mako-convict sa impeachment court si Sara Duterte. Ang good news, nakakulong pa rin si Rodrigo Duterte sa The Hague at unti-unti nang nagiging klaro ang pagiging palpak ni Bong Bong Marcos. Hanggang dito na lang muna tayo.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

