Ang Lemlunay ni Rio Alma
ANG paghahanap sa sariling Lemlunay ang puno’t dulo ng pagiging tunay na Filipino. Lemlunay itong nakasandig sa sariling pagkakakilanlan at hindi hiram lamang mula sa mga banyagang mananakop at impluho. Matagpuan man natin o hindi ito ay hindi na mahalaga. Ang importante pinangarap natin itong makamtan sa loob at labas ng

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
ANG paghahanap sa sariling Lemlunay ang puno’t dulo ng pagiging tunay na Filipino. Lemlunay itong nakasandig sa sariling pagkakakilanlan at hindi hiram lamang mula sa mga banyagang mananakop at impluho. Matagpuan man natin o hindi ito ay hindi na mahalaga. Ang importante pinangarap natin itong makamtan sa loob at labas ng bansa nating sawi. Ito ang natutuhan ko habang binabasa ang tulang “Lemlunay” ni Rio Alma.
Ang Lemlunay, ayon sa Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (Ateneo de Manila University Press, 2021) ni Virgilio S. Almario, ay ang “konsepto ng paraiso ng mga Tiboli.” Ito rin ang pamagat ng isa sa mga pinakabagong aklat ng tula ni Rio Alma, ang pangalan sa panulat ni Almario bilang makata, na Lemlunay: Paggunita sa Gunita na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts noong 2023.
Binubuo ng 30 tula ang libro na may kasamang salin ni Marne Kilates, ang tagapagsalin ng mga akda ni Almario sa Ingles. Si Kilates ay isa sa mga pinakamagaling na makata natin sa Ingles. Hardbound at full color ang libro na isa talagang coffee table book. Bihira ang ganitong uri ng libro ng mga tula sa ating bansa na maraming publisher ang ayaw maglathala ng libro ng tula dahil hindi naman ito mabenta.
Sa mga pahina nito ay magkaharap ang orihinal na tekstong Filipino na nasa kaliwa at nasa kanan naman ang salin sa Ingles. Bawat pahina rin ay may larawan ng mga likhang-sining ng mga Pambansang Alagad ng Sining tulad nina Fernando Amorsolo, Botong Francisco at Manuel Conde o di kaya’y mga orihinal na larawan na halos lahat ay kuha ng manunulat na si Roel Hoang Manipon na siya rin ang art director ng libro.
Kapansin-pansin sa librong Lemlunay ang mga paksang pangkultura at pangkasaysayan sa mga tula. Halimbawa, may mga tula tungkol sa Bul-ul, Manunggul, palayok sa Calatagan, at miyural ni Botong Francisco. May mga tula rin tungkol sa singkaban, estatwa ni Gabriela Silang sa Makati, pelikula ni Manuel Conde, at adobo. Kung gaano ka makulay ang produksiyon ng librong ito, gayundin ang mga imaheng Filipino na tutulong sa ating haraya na pangarapin at hanapin ang ating sariling Lemlunay.
Laging sinasabi ni Almario o ni Rio Alma sa mga libro niya na ang pinakamasidhing salot sa kaluluwang Filipino ay ang kolonisasyon lalo na ang kolonisasyong Americano o ang amerikanisasyon ng ating pag-iisip. Maaari lamang igpawan ang salot na ito sa pamamagitan ng pag-alam, pagkilala, pag-unawa, at pagtanghal ng mga konsepto at simbolo na sariling atin. Maaaring may pagka-nativist subalit wala rin naman tayong mapagpipilian pa dahil kung hindi tuluyan tayong masasadlak sa kumunoy ng pag-iisip kolonyal.
Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Senator Loren Legarda sa kaniyang introduksiyon sa librong ito na, “Sa bawat tula, ipinapakita ang sining at kultura bilang mga pagsasabuhay sa kaluluwa ng bansa.” Kayâ angkop na angkop ang pamagat ng librong ito na hiram sa konsepto ng langit ng mga Tiboli.
Mahalaga para sa akin bilang makatang hindi na bata pa ngunit hindi pa rin naman matanda ang librong Lemlunay ni Rio Alma na isa nang matandang makata na may kinatandaan dahil tila bagang binigyan niya ako ng malaking mapa para hindi ako maligaw sa sariling mundo ng aking panulaan. Mapa itong hindi ako inililigaw na isiping madali ang pagiging Filipinong makata sa alinmang panahon, na malinis at maluwag ang daan sa pagbaktas ko tungo sa sariling Lemlunay. Mapa rin itong hindi ako tinatakot para huwag na magpatuloy. Inilalatag lamang nito sa akin ang salimuot at panganib na kailangang suongin ng aking imahinasyon at mga aksiyon upang makamtan ang minimithing Lemlunay.
Halimbawa sa tulang “Karaniwan” na nagsimula sa isang matingkad na imahen: “Paano ba lilikumin ang mga buhangin / Ng araw-araw para bumuo ng bagong dalampasigan?” Sinasabi sa tulang ito na walang karaniwan sa karaniwan kapag ang minimithi natin ay ang katotohanan. Sa ikalawang saknong halimbawa, kinakausap ng persona ang bulaklak: “Bulaklak, hindi ka karaniwan / Ngunit hindi ka bubukad / Kung walang karaniwang ugat at bitak / Ng lupain na karaniwang dinadapurak ng bagyo’t dilim.” Upang hindi maging pangkaraniwan, kailangang tanggapin at yakapin ang katotohanang hindi madaling magpunyagi sa bayan nating punô ng mga unos, natural man o gawa nating mga tao.
Nandiyan ang “Bul-ol” at ang “Tapayang Manunggul” na magpapaalala sa atin na hindi tayo pababayaan ng mga sinauna nating paniniwala at pinagkakatiwalaan. Nandiyan ang babala ng panganib sa pagpasok sa “Gubat ni Baudelaire” na kailangang gawin upang matunton ang “gubat ni Balagtas.” Nandiyan ang “Spolarium,” “Miyural ng Kasaysayan,” “Banig,” at “Singkaban” upang ipaalala lagi sa atin ang ating pagiging dakila. Ilan lamang ito sa mga tula sa librong Lemlunay na maaari nating maging gabay, maging mapa upang mahanap natin ang pangarap na Lemlunay.
Ang magandang librong ito—Lemlunay: Paggunita sa Gunita—ay isang paanyaya sa lahat ng mambabasa mula kay Rio Alma, ang Ilog ng Kaluluwa, na abutín ang langit ng ating lahi.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

