Ang Alaga ni Jerwin Bilale
By John Iremil Teodoro MARAMI na naman akong biniling libro sa katatapos lamang na Manila International Book Fair 2025 at ang isa sa mga nabili ko ay ang isang zine ng batang manunulat na si Jerwin Bilale na pinamagatang “Alaga at mga Pira-pirasong Gunita.” Noong hapong nag-book signing ako ng pinakabago kong libro na Mga

By Staff Writer
By John Iremil Teodoro
MARAMI na naman akong biniling libro sa katatapos lamang na Manila International Book Fair 2025 at ang isa sa mga nabili ko ay ang isang zine ng batang manunulat na si Jerwin Bilale na pinamagatang “Alaga at mga Pira-pirasong Gunita.”
Noong hapong nag-book signing ako ng pinakabago kong libro na Mga Bulawan nga Bulak / Golden Showers: A Collection of Poems about Thailand (Pawikan Press, 2025) sa booth ng BooX That Leave A Mark ay napansin ko ang mga zine na naka-display sa gilid ng mesa. Binati ako ng isang nagbabantay at sinabing naging fellow daw siya sa Luntiang Palihan noon. Ito ang isang araw na creative writing workshop for beginning writers ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Siya raw si Jerwin Bilale at mayroon siyang ibinebentang zine.
Nagpasalamat ako kay Jerwin na nagpakilala siya sa akin dahil sa dami na ng Luntiang Palihan at IYAS La Salle National Writers’ Workshop na ako ang workshop director ay hindi ko na matandaan ang mga mukha at pangalan ng mga fellow. Bukod sa mahina talaga ako sa pagtanda ng mga pangalan at mukha, tumatanda na rin ako at nagiging makakalimutin na. Bumili ako ng zine ni Jerwin dahil gusto kong malaman ang progress ng mga naging fellow sa workshop namin.
Maganda ang zine ni Jerwin at magaling siyang magsulat. Ang “Alaga at mga Pira-pirasong Gunita” ay isang sanaysay na may labing-isang bahagi. Tungkol ito sa mga alagang hayop, ni Jerwin man o ng mga kapamilya niya at kakilala, at ng mga awtor at karakter ng mga akdang binasa niya.
Ang maganda sa istilo ni Jerwin ay hindi siya nahulog sa bitag ng self-indulgence na kadalasang kinasasadlakan ng mga batang manunulat na nagsusulat ng creative nonfiction. Marunong siyang magtimpi bilang manunulat kayâ lalong lumalakas ang dating ng kaniyang akda.
Sa isang maikling sanaysay, naikuwento niya ang kaniyang kabataan sa Batangas, sa Maynila, at sa Valenzuela. Pati ang paninirahan niya sa Tondo at Fairview noong nag-aaral siya. Ang kuwentong tumatahi sa kaniyang sanaysay ay ang tungkol sa mga inalaagaan niyang hayop: pawikan, aso, kalapati, kinulayang sisiw, at pusa.
Hindi lamang tungkol sa mga personal niyang kuwento ang sanaysay na ito. Informed din ang kaniyang salaysay tungkol sa relasyon ng tao at hayop ng mga akda nina Osamu Dazai, Norman Wilwayco, at Mayette Bayuga. Ang pangunahing tauhan sa kuwento ng Hapon na manunulat na si Dazai ay kumambiyo mula sa namumuhi sa mga asong kalye hanggang sa naging tagapag-alaga ng isang asong inampon niya mula sa kalye. Nang magdesiyon silang mag-asawa na lumipat na ng Tokyo, naisip nilang lasunin ang galising aso dahil ayaw na nilang isama. Pero sa huli, nagdesisyon pa rin silang isama na ito. Ang kuwento naman ni Wilwayco ay tungkol sa isang alagang aspin na kinatay ng may-ari para maging pulutan sa kanyang kaarawan. Tungkol naman sa tutang ipinamigay ang kuwento ni Bayuga. Mga kuwentong nagpayaman sa sariling kuwento ni Jerwin tungkol sa mga hayop sa kaniyang buhay.
Nakakahawa ang paggunita na ito ni Jerwin hinggil sa mga hayop dahil naalala ko rin ang mga hayop na naging alaga ko noong aking kabataan. Halimbawa, maliit pa man ako sa bahay ng mga lolo’t lola ko sa father side sa Antique, mayroon na akong maliit na fishpond na may isda. Yari sa kahoy at kawayan ang bahay na iyon at mataas ang silong. Nasa harap ng hagdanan ang fishpond kung saan tuwang-tuwa akong laging pinaglalaruan ang mga halamang tubig at maliliit na isda doon. May isang piraso ako ng alaala na mag-isa lang ako sa hagdanan at may pinaglalaruan akong maliit na ahas na kulay dilaw. Naalala ko pa ang lamig at lagkit ng katawan ng ahas na iyon sa aking kamay at braso hanggang ngayon, at walang bahid ng takot akong nararamdaman noon habang nilalaro ito. Nang magkamalay na ako, at hanggang ngayon na may edad na, takot na takot na ako sa ahas!
Sa ika-anim na bahagi ng sanaysay ay kinukuwento ni Jerwin na, “Nasanay na ko sa tanawin ng mga hilera ng asong tinuhog na parang lechon at halinhinang tinutusta ng mga kapitbahay naming Cagayano sa tuwing me handaan-bertdeyan-piyestahan [at kahit walang okasyon.]” Naalala ko rin na noong maliit pa ako sa baryo namin sa Maybato, kinakain din ang aso. Natatandaan ko pa na minsan, kasama ko ang mga pinsan ko at kalaro, pinapanood namin ang mga kalalakihan sa aming baryo na kinakatay ang isang aso sa ilalim ng niyugan para gawin nilang pulutan. Matapos nilang paluin sa ulo ng aso ay saka isasabit nila ito sa puno ng niyog at susunugin nila ang balahibo nito gamit ang sinilabang tuyong dahon ng niyog.
Bagamat may alagang aso na rin naman ang halos lahat ng pamilya sa lugar namin nang mga panahong iyon, wala pang konsepto ang mga tao ng animal cruelty at ng furmom/furdad at furbaby. Nang mag-aral na ako ng MFA in Creative Writing sa De La Salle University sa Manila nang malaman kong “barbaric” pala ang kumatay at kumain ng aso, at may mga taong tinuturing talagang anak o kapamilya ang alagang aso katulad ngayon ng kapatid kong si Sunshine na may dalawang furbabies sa bahay namin sa Pasig.
Alam kong maaaring may ma-trigger na mga dog lover kapag mabasa itong sinulat ko tungkol sa pagkatay ng aso sa baryo namin noon. Hindi na siyempre ito nangyayari ngayon sa amin at may mga kamag-anak at kapitbahay na nga aming anak na rin ang turing sa mga alagang aso nila. Siyempre marami pa rin na mga iresponsableng dog owner na hinahayang pagala-gala at gutom ang mga alaga nila. Ang partner kong si Jay ay doglover din. Hindi lang kami makapag-alaga ng aso ngayon dahil walang mapag-iiwanan sa mga ito kapag lumuwas siya dito sa Manila o nasa Aningalan siya. Pero bumibili siya ng dog food dahil pinapakain niya ang mga gusgusing aso na lumalapit sa geyt namin. Minsan nga may asong malala talaga ang galis at binilhan pa niya ng gamot ito.
Naiyak din ako sa bahagi ng sanaysay tungkol sa dalawang kuting na anak ng pusa sa bahay ng kasintahan niya kung saan siya nakikitira. Napamahal na sa kaniya ang dalawang kuting subalit nagdesisyon ang mga may-ari ng bahay na iligaw ang mga ito dahil baka manganak pa ng marami at lalong dadami ang pusa kanilang bahay.
Ngayon pa lang kitang-kita na ang galing ni Jerwin Bilale bilang manunulat. Magpadayon lamang siya sa kaniyang pagsusulat at natitiyak kong makakapaglikha pa siya ng marami pang makabuluhan at makapangyarihanh akdang pampanitikan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

