52
DAHIL Friday ang November 14, 2025 at may face to face classes ako tuwing Huwebes at Biyernes ngayong termino, nag-alarm ako ng 5:00 AM para makapag-check ng mga first draft ng opinion article ng mga esdudyante ko sa LITMEDI o Writing for Media for Literature Majors. Kailangan ko kasing ibalik sa

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
DAHIL Friday ang November 14, 2025 at may face to face classes ako tuwing Huwebes at Biyernes ngayong termino, nag-alarm ako ng 5:00 AM para makapag-check ng mga first draft ng opinion article ng mga esdudyante ko sa LITMEDI o Writing for Media for Literature Majors. Kailangan ko kasing ibalik sa kanila para masabi ko sa kanila sa klase ang mga general observation ko at nang maisulat ko sa bawat papel ang mga pagwawasto at mga mungkahi kung paano pa mapaganda ang kanilang sinulat.
Siyempre pa, werk, werk, werk pa rin ang mode ng Sirena sa kaniyang kaarawan. Sabi nga ng isa kong kaibigan, as useless… Imbes na as usual.
Masaya ako at magkasama kami ng partner kong si Jay sa aking birthday. Dumating siya from Antique noong Huwebes ng umaga. Lumuwas siya dahil dadalo kami sa kasal ng stepson ng kapatid kong si Gary sa Orion, Bataan. Kinuha akong ninong at gusto nilang dumalo rin si Jay. Nobyembre 17 ang kasal nila at tamang-tama sa birthday ko kayâ inagahan na konti ni Jay ang biyahe kahit na ayaw niya sanang iwanan ang mga crayfish niya sa fishpond at mga batya sa hardin sa bahay namin sa Maybato.
Hindi naman talaga big deal sa akin ang aking birthday. Siyempre nagpapasalamat ako sa Poong Maykapal na umabot ako ng 52 na masaya at kuntento ako sa buhay ko. Pero okey lang sa akin na hindi mag-celebrate o maghanda. Okey lang sa akin na nagtatrabaho ako sa araw na ito. Mas gusto ko nga kung hindi na ako babatiin masyado.
Natawa nga ako nang tumawag ang kaibigan kong si Ronald two days before my birthday. Tinanong niya ako kung ano ang plano ko for my birthday. Sabi ko, wala. Magkaklase pa rin ako at magtatrabaho. Sa katunayan, may mahalaga akong meeting sa Quezon City sa araw na iyon. Sabi niya, “Hindi ka talaga naglalaan ng budget para sa birthday mo ‘no?” Hindi ko alam kung nagbibiro siya o statement of fact lang ng naoobserbahan niya sa akin.
Doon ko lang natanto na, oo nga, hindi ko nga naiisip na maglaan ng pera para sa birthday ko. Nang matanggap ko ang aking suweldo noong Nobyembre 10, hindi ko talaga naisip maglaan ng pera para sa birthday ko, ng kahit para sa regalo sarili ko. Inuna ko pa ring lagyan ng pera ang mga investment ko, ang mga savings account ko, at ang para sa bills ko sa condo at kotse. Tinitiyak ko kasi palaging lima o anim na buwan ang pondo sa mga checking account ko para sa dalawang major bayarin na ito para hindi ako ma-stress. Hindi ko kailangang maghabol ng pambayad o di kaya’y magbayad ng multa dahil nahuli ako sa pagbayad.
Mahalaga sa akin na wala akong utang at hindi ako pumapalso sa mga regular na mga bayarin ko. Kahit wala na akong matirang pera para sa luho o kailangang ko nang magtipid para mahintay ang susunod na payday ay okey lang. Ang importante nakakatulog ako nang mahimbing dahil wala akong problemang pinansiyal. Ayaw kong magpagarbo saka biglang mangutang dahil naubusan na ng pera.
Hindi ako mayaman subalit walang utang at up-to-date sa mga bayarin, at higit sa lahat ang perang natatanggap ko ay talagang pinaghirapan ko at hindi nakaw. Dahil dito, kuntento na ako at panatag ang kalooban. Sa tingin ko, nasa ganitong mode na dapat ang isang tao kapag tumuntong na ng singkuwenta.
Kunsabagay naiisip ko rin, wala kasi kaming anak ni Jay na pinapakain, binibihisan, at pinapaaral. Kayâ siguro madali rin para sa amin ang makapag-save at mapagkasya ang aming kinikita. Medyo magastos nga lang kami nitong mga nakaraang buwan dahil inuumpisahan na namin ang Hardin Sirena sa Aningalan. Napabakuran na namin ito ng kawayan at salamat sa Diyos dahil hindi nasira ang mga ito nang daanan ni Bagyo Tino na nanalasa sa Cebu, Negros, Guimaras, Iloilo, at Antique. Sa ngayon nagpapatambak na kami para makapagtanim na ng mga namumungang punongkahoy at mga bulaklak. Ang target namin ngayong Disyembre ay dapat may maliit na kamalig na kami doon.
Dahil na-pressure ako kay Ronald, naisip ko bigla na imbitahan sila nina Shirley at Dinah na mag-agahan sa Manila Hotel sa Sabado, a day after my birthday. Pinapunta ko rin ang bunsong kapatid kong si Sunshine para ma-celebrate naman namin ang kaarawan ko. At home na at home na talaga kami sa Café Ilang-Ilang at ito na yata ang lugar para mag-comfort eating kami rito sa Manila.
Naisip ko rin na maghanda nang konti sa opisina sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center noong Biyernes. Sinabi ko sa aking sekretarya na si May na mag-order siya sa cafeteria ng pagkain: bam-i, chicken lollipop, pork barbecue, at kanin. Good for 8 people lang. May tatlong estudyanteng nag-o-OJT kasi sa office namin. Nagpa-order din ako ng isang bilaong bam-i na ibibigay sa office staff at iba pang nag-o-opisina sa Dean’s Office of College of Liberal Arts.
Nagklase ako noong Biyernes, 9:14 to 10:45 ng umaga. Pagkatapos ay dumaan ako sa opisina para kumain konti. Binigyan ako nina May at ng mga bata ng isang bouquet ng mga bulaklak at carrot cake. Pagkatapos ng mabilisang kain, nagkita na kami ni Jay sa lobby ng condo at nag-book na ako ng GRAB papuntang Quezon City para sa isang mahalagang meeting. Hindi ko lang maaaring banggitin kung ano ito dahil naka-Non-disclosure Agreement lahat kaming nandoon.
Pero dahil nasabi ko sa organizer ng meeting na ito na birthday ko ang araw na iyon, pabiro siyang nagsabi na kailangan kong pumunta dahil bibili sila ng cake. Pagdating ko sa venue, pagbukas ng pinto sa silid kung saan ang miting, sinalubong ako ng harana at cake na may kandila para makapag-wish at makapag-blow ako ng candle. Medyo nahiya ako dahil late na nga akong dumating sa miting pero kinantahan pa nila ako at may pa-cake pa! Nagpasalamat na lang ako nang bongga at biro ko pa, “Ganito pala ang pakiramdam kapag ‘state sponsored’ ang birthday party mo. Siguro ito ang pakiramdam ng mga nepo-wives and babies.”
Hayan, 52 na ako at kailangang pag-ibayuhin pa ang pag-ingat sa kalusugan ng katawan at isipan. Malaking bagay ang laging magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng mga biyayang kaniyang ipinagkaloob sa akin mula noon hanggang ngayon.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

