Magbasa sa Filipino!
Ni Noel Galon de Leon Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa pa rin! Sa panahong mas mabilis tayong mag-scroll kaysa mag-isip, at mas kabisado ng kabataan ang mga dance trend sa TikTok kaysa sa tula ni Francisco Balagtas, isang napapanahong tanong ang kailangang muling pagtuunan, Bakit mahalaga ang pagbabasa ng mga akdang isinulat ng mga manunulat

By Staff Writer
Ni Noel Galon de Leon
Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa pa rin! Sa panahong mas mabilis tayong mag-scroll kaysa mag-isip, at mas kabisado ng kabataan ang mga dance trend sa TikTok kaysa sa tula ni Francisco Balagtas, isang napapanahong tanong ang kailangang muling pagtuunan, Bakit mahalaga ang pagbabasa ng mga akdang isinulat ng mga manunulat na Filipino? Sa gitna ng kinakaharap na krisis sa pagbabasa sa Filipinas, tila mas kailangang balikan at yakapin ang kultura ng pagbabasa, hindi lang para pumasa sa exam, kundi para muling mabuhay ang pag-unawa sa sarili, sa kapwa, at sa bansa.
Ayon sa ulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, pumangalawa sa pinakababa ang Filipinas sa larangan ng reading comprehension sa 79 bansang lumahok. Ngunit hindi pa roon nagtatapos ang malasang kuwento ng ating literacy stats. Ayon pa sa World Bank (2022), siyam sa bawat sampung batang Filipino na nasa edad sampu ay hindi kayang makaintindi ng simpleng tekstong nakasulat sa sarili nilang wika. Ibig sabihin, kung magkakaroon ng quiz bee tungkol sa kuwento ng Alamat ng Pinya, laglag agad ang siyam. Ngunit baka hindi ito simpleng kakulangan sa talino, baka ito’y kakulangan sa oportunidad na makabasa ng aklat na may saysay sa kanilang karanasan.
Ang pagbabasa ng mga akdang Filipino ay hindi lamang pag-aaral ng wika; ito ay pagkilala sa ating sarili bilang isang sambayanan. Sa bawat pahina ng nobela ni Lualhati Bautista, sa bawat tula ni Jose Corazon de Jesus, sa bawat linya ng sanaysay ni Rogelio Sicat, at kahit sa mapanlikhang banat ni Bob Ong, naaaninag natin ang ating kolektibong damdamin, ang ating ligaya, lumbay, kabalbalan, at pakikibaka. Ang mga akdang ito ay salamin ng ating karanasan bilang mga Filipino. Kung ang binabasa lamang ng kabataan ay tungkol sa snowball fight sa New York, paano nila mauunawaan ang mainit na giyera kontra gutom sa sarili nilang bayan?
Dagdag pa rito, ang pagbabasa ay paraan upang mapagyaman ang wika at palawakin ang pag-iisip. Ang wika ay parang kalamnan, kailangan itong gamitin at sanayin upang tumibay. Kapag binasa natin ang masalimuot na mga pangungusap ng mga klasikong akda sa Filipino, nahahasa rin ang ating kakayahang mag-isip, magsuri, at magpahayag. Mas nauunawaan natin ang kahulugan ng mga salitang “bayanihan,” “pakikibaka,” at “pag-ibig” sa mas malalim na konteksto, hindi lang ‘yung “pag-ibig” na nauuwi sa seenzone.
Ang mga akdang Filipino rin ay pundasyon ng ating pambansang pagkakakilanlan. Sa panahon ng globalisasyon, madaling mahulog sa tukso ng banyagang kultura. Hindi masama ang magbasa ng Harry Potter o Sherlock Holmes, pero bago tayo magpunta sa Hogwarts o mag-imbestiga sa Baker Street, mainam na bisitahin muna natin ang Sta. Mesa ni Julio Valiente o ang Cubao ni Tonyo sa ABNKKBSNPLAko. Sa ganitong paraan, tumitibay ang ating paninindigan bilang mamamayan na may sariling panitikan at kasaysayan.
Upang mailapit ang mga akdang ito sa kabataan, kailangang gawing mas buhay ang pagbabasa. Puwede itong simulan sa pag-promote ng lokal na literatura sa mga paaralan, barangay, at social media. Halimbawa, imbes na magpa-book report lang, bakit hindi magpa-#hugotchallenge na may linya mula sa nobela ni Ricky Lee? O di kaya’y magkaroon ng book club na may kasamang kape at konting kuwentuhan (o chismisan, depende sa audience). Ang mahalaga, maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang pagbabasa, hindi lang kapag may assignment.
Kailangan din ng konkretong suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor. Marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang access sa mga aklat sa wikang Filipino. Kung walang libreng libro sa library o e-book sa tablet ng mga bata, paano sila magkakainteres? Kung may pondo para sa mga basketball court sa bawat barangay, sana may pondo rin para sa mga aklatan at aklat na maiintindihan at mamahalin ng mga mambabasang Filipino.
Ngayong 2025 Buwan ng Wikang Pambansa, huwag lamang tayong magsuot ng barong at magpatula ng may kasamang “kaway-kaway.” Ang tunay na diwa ng pagdiriwang ay nasa pagbabalik sa ugat, sa wika, at sa sariling panitikan. At walang mas epektibong paraan upang gawin ito kundi sa pamamagitan ng pagbuklat ng mga akdang sinulat ng ating sariling kababayan, mga akdang hindi lang kuwento, kundi kasaysayan at pagkatao natin bilang isang bansa.
Sa huli, ang pagbabasa ay hindi lamang pampalipas-oras. Ito ay isang makabayang kilos, isang mapanlikhang pagninilay, at isang uri ng pakikilahok sa mas malawak na diskurso ng ating pagka-Filipino. Kaya ngayong Agosto, sabay-sabay tayong magbasa ng akdang Filipino, masarap ‘yan lalo na kung may kasamang mainit na kape at bukas na isipan.
***
Noel Galon de Leon is a writer and educator at University of the Philippines Visayas, where he teaches in both the Division of Professional Education and U.P. High School in Iloilo. He serves as an Executive Council Member of the National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Literary Arts.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,


