Kung bakit marami ang nagluluksa sa pagpanaw ni Lloyd
Hindi ako kilala ni Lloyd. Hindi kami nagkita o nag-usap nang personal. Ngunit kilala ko siya. Kilala ko ang kanyang halakhak at ang kanyang boses. Isa ako sa mga humahalakhak sa bawat YouTube upload niya. Isa ako sa mga humahanga sa tuwing nakikita ko kung anong klaseng buhay meron siya,

By Jaime de Guzman
By Jaime de Guzman
Hindi ako kilala ni Lloyd. Hindi kami nagkita o nag-usap nang personal. Ngunit kilala ko siya.
Kilala ko ang kanyang halakhak at ang kanyang boses. Isa ako sa mga humahalakhak sa bawat YouTube upload niya. Isa ako sa mga humahanga sa tuwing nakikita ko kung anong klaseng buhay meron siya, ang kanyang pinagmulan, at nais patunguhan.
Hindi ako kilala ni Lloyd ngunit mahal ko si Lloyd. At alam ko kung bakit ako at ang marami pang iba ay labis na nagluluksa sa kanyang biglaang pagkawala.
May katotohanan kasing nadarama ang mga tao kay Lloyd. Walang pagpapanggap, walang bahid ng pagkukunwari na makikita sa bawat ginagawa niyang content: ang labis na pagmamahal sa mga magulang niya, ang pagtulong niya sa mga kapitbahay, pagpapasaya sa mga kaibigan at nakakasalamuha, ang sakit kapag nabibigo, ang nararamdaman niyang saya sa tuwing may natutupad na pangarap. Tumatagos lahat ito sa puso ng manonood, umuukit ng pag-asa, at nagbibigay ng inspirasyon. Mararamdaman mo ang katotohanan ng emosyon ni Lloyd sa bawat ngiti, sakit, tuwa, at lungkot.
Hindi siya pasikat. Sa kabila ng pag-angat ng estado ng kanyang buhay ay hindi siya nakalimot sa pinagmulang uri. Bagkus ay niyakap niya ang kanyang komunidad at binitbit kasama ng kanyang mga pangarap. Hindi nang-iwan si Lloyd; walang iniwan si Lloyd. Lahat mula sa pinakababa ay inakay niya at isinama. Para kay Lloyd, hindi kayang tumbasan ng yaman ang pamilya at mga kaibigan.
Ipinakita ni Lloyd kung paano magmahal at rumespeto ng kapwa. Ipinakita niya kung paano mamahagi at tumulong, hindi upang umani ng mas marami pang tagahanga ngunit dahil isa siyang mabuting tao. Kaya madaling tanggapin maging sa social media ang kanyang pagkatao.
Malinaw niyang ipinakita sa buong mundo kung ano ang suliranin ng mga katulad natin. Mahusay niyang ikinuwento sa publiko ang pangarap ng mga karaniwang tao dahil siya mismo ay isa sa kanila. Inilahad niya nang walang pagpapanggap kung gaano kahirap maging mahirap. Siya mismo na nagmula sa pinakamababang saray ng lipunan ang siya ring naging tumpak na tagapaglarawan nito sa social media.
Hindi siya humiwalay sa realidad ng buhay bagkus ay ginamit ang impluwensya upang magbigay ng inspirasyon sa iba. Ginamit niya ang kakarampot na kapangyarihan upang maging boses natin – upang magsalita laban sa pang-aapi at kawalang katarungan. Marunong pumanig sa hustiya at katotohanan si Lloyd; hindi niya ipinagkanulo ang kanyang prinsipyo para sa popularidad. Para sa kanya, mas mabigat ang pagtindig sa tama kaysa sa pananatiling walang imik upang manatili lamang sa pedestal.
Alam ni Lloyd ang lalim ng kanyang impluwensya sa tao. Alam niya ang kayang maitulong ng kanyang boses para sa mga wala nito. Alam ni Lloyd ang prebilihiyong ipinagkaloob sa kanya ng kanyang mga tagahanga. At ibinalik ito ni Lloyd sa pamamagitan nang pagiging tapat sa kanila.
Ngunit alam nating hindi perpekto si Lloyd. Tulad ng iba ay may mga kahinaan din siya – may ilang hindi katanggap-tanggap sa kanya at sa kanyang mga ginawa. Ngunit sa mga kahinaang ito lalong nakita kay Lloyd ang kanyang pagiging totoong tao. Sa bawat pagkakamali, lalong minahal ng mga tao si Lloyd. Nangingibabaw sa kanyang mga manonood ang lakas ng loob na mangarap kahit hindi sila perpekto dahil may isang Lloyd na hindi rin perpekto at hindi takot na magkamali – may kakulangan ngunit hindi nagkukulang upang subuking magpakahusay.
Tinanggap si Lloyd ng mga tao dahil siya ay tumpak na larawan ng isang hindi perpektong anak, kaibigan, at kapitbahay. Sa huli, napatunayan siya na hindi lang siya iskuwater; hindi lang siya isang pilingerang influencer.
Larawan si Lloyd ng isang tipikal na kabataan na nais abutin ang kanilang mga pangarap. Sa paghabol sa kanyang mga pangarap, patuloy pa rin siyang nakatanaw sa kanyang pinagmulan. Nagsikap siya para magkaroon ng bilang sa lipunan, hindi upang pabulaanan ang suliranin ng karamihan kundi upang ipatanaw sa kanila ang pag-asa.
Kaya mahal ng tao si Lloyd. Kaya marami ang nasasaktan sa kanyang pagkawala. Hindi lang kasi espasyo sa Youtube ang nawala; nawala si Lloyd na tinitingala ng maraming kabataan bilang inspirasyon. Nawala si Lloyd na pinagkukunan ng rason ng marami upang huwag makalimot maging masaya. Dito nagmumula ang sakit na nararamdaman ng karamihan, maging ang mga hindi niya personal na kakilala. Nag-uugat ang sakit mula sa pagmamahal na nararamdaman nila para kay Lloyd – pagmamahal na si Lloyd mismo ang nagturo sa kanyang mga manonood.
Marami ang nagluluksa sa kanyang pagpanaw dahil hindi man natin aminin, nakikita natin ang ating mga sarili sa kanya – mula sa ngiti, tawa, lungkot, at pighati.
Si Jaime de Guzman ay isang blogger at tagahanga ni Lloyd Cadena. Siya ang tagapamahala ng Reklamador Facebook Page (www.facebook.com/reklamador2020)
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

The weight of community journalism
There is a certain kind of silence that settles after applause. It is not emptiness. It is reflection catching up. That was the mood in the room when PCIJ founder Shiela Coronel spoke at the Daily Guardian’s 25th anniversary. It was still a celebration—but something shifted. Not big, not loud. Just

Defending Dante Beriong
Kinaray-a music is not merely a genre but a living expression of identity rooted in the Kinaray-a-speaking communities of Panay Island. It carries the emotional weight of everyday life, from love and longing to labor and loss, articulated in a language often overlooked in mainstream Filipino culture. Historically, it emerged

