Ang Wikang Filipino sa Senado
Ni Noel Galon de Leon
Napapanahon ang usapin ng paggamit ng wikang Filipino sa Senado, lalo na ngayong Agosto, buwan kung kailan muli nating ipinagdiriwang ang ating pambansang wika. Ngunit higit sa seremonya, paligsahan sa pagsulat ng sanaysay, pagsusuot ng barong at Filipiniana, o taunang pag-uulit ng mga talumpati tungkol sa “pagmamahal sa sariling wika,” dapat nating tanungin kung saan ba talaga dapat naririnig ang Filipino bilang wika ng kapangyarihan. Kung hindi sa Senado, saan? Kung hindi sa mga pagdinig tungkol sa bilyon-bilyong pisong pera ng bayan, kailan? Kaya mahalagang pagtuunan ng pansin ang nangyari sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nang hilingin ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero kay Office of the Vice President Special Disbursing Officer Gina Acosta na sumagot sa English o Filipino, habang humiling naman ang defense lawyer na si Atty. Lindon Miguel Bacquel ng interpreter upang higit na maunawaan ang mga sagot ng testigo. Ang pangyayaring ito ay hindi lamang simpleng usapin ng kung anong wika ang mas komportable sa isang testigo. Sa isang paglilitis na pinanonood ng buong bansa, ang wika ay bahagi ng proseso ng pananagutan. Ang Senado, sa pagkakataong ito, ay hindi lamang isang institusyong gumagawa ng batas. Nakaupo ito bilang impeachment court. At kapag ang pinag-uusapan ay paggamit ng pampublikong pondo at pananagutan ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, hindi dapat maging pribilehiyo ng iilang marunong sa Ingles ang pag-unawa sa nangyayari.
Hindi ibig sabihin nito na kailangang ipagbawal ang Ingles sa Senado o sa korte. Mali rin at mapanganib ang ganitong pananaw. Malinaw sa 1987 Constitution na ang Filipino at English ang mga opisyal na wika ng Filipinas para sa komunikasyon at pagtuturo. Kasabay nito, kinikilala rin ng Konstitusyon ang mga wikang panrehiyon bilang auxiliary official languages sa mga rehiyon. Ang mas mahalagang tanong, samakatuwid, ay hindi kung dapat bang alisin ang Ingles, kundi kung bakit tila palaging Ingles ang default language ng kapangyarihan samantalang Filipino ang wikang mas malawak na nauunawaan ng publiko. Mismong Konstitusyon ang nag-uutos sa pamahalaan na magsagawa at magpatuloy ng mga hakbang upang gamitin ang Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon. Noong 1988, inilabas din ang Executive Order No. 335 na nag-uutos sa mga tanggapan at instrumentalidad ng pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang gamitin ang Filipino sa opisyal na mga transaksiyon, komunikasyon at korespondensiya, sapagkat ang mas malawak na paggamit nito ay inaasahang magpapalawak sa pag-unawa ng mamamayan sa mga programa at gawain ng pamahalaan.
May mahabang kasaysayan ang problemang ito. Sa panahon ng kolonyalismo, ang wika ng hukuman at administrasyon ay pangunahing wika ng mga namumuno. Sa ilalim ng sistemang Amerikano, English ang naging dominanteng wika ng korte at opisyal na rekords. Maging ang batas noong 1919 ay tahasang nagtakda na English ang opisyal na wika ng mga korte at kanilang records, bagaman pinahihintulutan noon ang paggamit ng Spanish at ang pagkakaroon ng interpreter kapag hindi nauunawaan ng isang partido ang wikang ginagamit sa paglilitis. Ibig sabihin, matagal nang kinikilala sa ating legal history ang isang napakasimpleng prinsipyo: walang saysay ang isang proseso ng hustisya kung hindi nauunawaan ng taong sangkot dito ang wikang ginagamit sa proseso.
Dito nagiging mas malalim ang problema. Ang wikang ginagamit ng institusyon ay may kaugnayan sa kung sino ang nakikinig, sino ang nakapagsasalita, sino ang nakauunawa, at sino ang naiiwan. Kapag ang isang hearing ay napupuno ng legal jargon at English expressions na hindi madaling maunawaan ng karaniwang mamamayan, nagkakaroon ng invisible wall sa pagitan ng gobyerno at publiko. Maaaring sabihin ng ilan na “official language naman ang English,” at tama sila. Ngunit hindi ibig sabihin na dahil legal itong gamitin ay iyon na rin ang pinakaangkop sa lahat ng pagkakataon. Ang tanong ay hindi lamang kung legal ang isang wika. Ang tanong ay kung accessible ba ang proseso. Nauunawaan ba ng isang guro sa Iloilo, magsasaka sa Antique, mangingisda sa Samar, manggagawa sa Cebu, tindera sa Davao, o ordinaryong taxpayer sa Quezon City kung ano ang pinag-uusapan ng mga senador tungkol sa perang galing mismo sa kanilang buwis?
Kaya hindi ako sang-ayon sa pananaw na ang paggamit ng Filipino sa isang seryosong paglilitis ay pagbaba ng antas ng diskurso. Sa katunayan, kabaligtaran ang dapat mangyari. Kung tunay na seryoso ang isang institusyon, dapat kaya nitong ipaliwanag ang pinakamasalimuot na usaping legal at pinansyal sa wikang nauunawaan ng mamamayan nang hindi isinasakripisyo ang katumpakan. Hindi kabawasan sa legal precision ang malinaw na Filipino. Hindi rin kabawasan sa pagiging abogado ang pagsasalita sa wikang pambansa. Ang tunay na kahinaan ng isang legal system ay hindi kapag gumagamit ito ng Filipino, kundi kapag kailangan nitong magtago sa likod ng komplikadong wika upang magmukhang matalino, teknikal, o makapangyarihan. Sa isang demokrasya, ang pagiging mahirap unawain ay hindi dapat maging badge of honor ng isang institusyon.
Mismong Korte Suprema ang nagbibigay sa atin ng napakahalagang halimbawa. Noong Mayo 2026, naglabas ito ng desisyon sa Filipino sa kasong Mel V. Velarde and Angeline Macasaet v. Court of Tax Appeals, Third Division, BIR, and DOJ. Ipinaliwanag ng Korte na ang paggamit ng Filipino ay bahagi ng commitment nitong gawing mas accessible, understandable, at responsive ang justice system. Mahalaga ang pahayag na ito dahil malinaw nitong ipinapakita na ang wika ay hindi dekorasyon sa hudikatura. Ito ay instrumento ng access to justice. Kung ang mga desisyon ng korte ay may epekto sa karapatan, obligasyon, ari-arian, kalayaan at buhay ng mga tao, makatuwirang marinig at mabasa ng publiko ang paliwanag ng korte sa wikang mas madali nilang nauunawaan.
Hindi rin ito isang bagong eksperimento. Noong 2005 at muli noong 2007, may mga panukala sa Senado upang gamitin ang salin sa Filipino ng Rules of the Senate bilang gabay sa opisyal na talakayan at kilalanin ang Filipino translation bilang opisyal na bersiyon. Sa isang Senate resolution, malinaw na binigyang-diin na ang Senado ay isang mahalagang pampublikong institusyon ng komunikasyon, pamamahala at paglilingkod at na ang paggamit ng Filipino sa mga pangunahing dokumento at alituntunin ay makatutulong sa higit na pag-unawa ng publiko sa pamamalakad ng institusyon. Ang problema, makalipas ang mga taon, patuloy pa rin nating pinag-uusapan ang parehong bagay. Para bang napakahirap para sa isang pambansang institusyon na gawing normal ang paggamit ng wikang pambansa.
Mas nakapagtataka ito dahil mismong Senado ay may mahabang legislative record hinggil sa Filipino. Nasa records nito ang Commonwealth Act No. 570 na nagdeklara sa pambansang wika bilang isa sa mga opisyal na wika ng bansa, gayundin ang Republic Act No. 7104 na lumikha sa Komisyon sa Wikang Filipino at nagtakda ng polisiya ng pamahalaan na tiyakin at itaguyod ang pag-unlad at pagpapayaman ng Filipino batay sa mga wika ng Filipinas at iba pang wika. Mayroon ding mga panukalang batas sa mga nakaraang Kongreso para sa equal use of Filipino and English at plain language sa mga dokumento ng pamahalaan. Sa madaling salita, hindi kulang ang batas, polisiya o historical precedent. Ang kulang ay ang political will na gawing normal, praktikal at makabuluhan ang Filipino sa mga espasyong kung saan ginagawa ang mga pinakamabibigat na desisyon ng bansa.
At dito ako nagiging mas mapanuri: bakit kapag Buwan ng Wika ay buong gobyerno ang abala sa pagdiriwang ng Filipino, ngunit kapag totoong usapan na ng kapangyarihan, pera, batas at pananagutan, biglang nagiging second-class language ang Filipino? Bakit madaling gamitin ang Filipino sa slogan, poster, programa at seremonya ngunit tila nagiging komplikado kapag kailangan na itong gamitin sa pagbusisi ng confidential funds, procurement, audit findings, constitutional violations at accountability? Hindi ba rito dapat pinakamalakas ang Filipino? Kung ang Buwan ng Wika ay hanggang cultural performance lamang, wala itong saysay. Ang tunay na paggalang sa wika ay hindi nasusukat sa dami ng programang isinagawa tuwing Agosto. Nasusukat ito sa kung may puwang ba ang Filipino sa mga institusyong may kapangyarihang magdesisyon para sa buhay ng mga mamamayan.
May isa pang kailangang linawin. Hindi natin dapat gamitin ang Filipino laban sa mga wikang rehiyonal. Hindi kailangang maging Tagalog-centric ang pagtatanggol sa pambansang wika. Sa katunayan, ang 1987 Constitution mismo ay nag-uutos na ang Filipino ay patuloy na payabungin at pagyamanin batay sa umiiral na mga wika sa Filipinas at iba pang wika. Ang Filipino na dapat nating ipaglaban ay hindi isang saradong Tagalog na ayaw tumanggap ng Cebuano, Hiligaynon, Kinaray-a, Ilokano, Waray, Bikolano, Maranao, Tausug at iba pa. Ang Filipino ay dapat maging pambansang tulay, hindi bagong sentro ng linguistic domination. Kaya kung may testigong mas mahusay magsalita sa Bisaya, Hiligaynon o ibang wika, hindi iyon dahilan upang siya ay patahimikin o ipahiya. Ang tamang sagot ay interpreter. Ang linguistic accessibility ay hindi dapat maging armas laban sa isang testigo. Ang mismong Judiciary ay may mga hakbang para sa language access, kabilang ang Rules on Filipino Sign Language Interpreting na inaprubahan ng Supreme Court noong 2025 upang matiyak ang pantay at epektibong access to justice para sa Deaf Filipinos.
Ngunit may mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng pagkilala sa karapatan ng isang tao na gumamit ng sariling wika at ng paggamit ng language barrier bilang hadlang sa public accountability. Kung may testigong hindi lubos na nakauunawa sa Filipino o English, bigyan siya ng interpreter. Kung may legal counsel na kailangang tiyakin ang eksaktong kahulugan ng isang sagot, magbigay ng interpreter. Ngunit kung ang isang pambansang paglilitis ay nangyayari sa harap ng milyon-milyong Filipino, dapat ding tiyakin ng Senado na naiintindihan ng publiko ang mismong nilalaman ng mga sagot. Hindi maaaring ang proseso ay malinaw lamang sa mga abogado, senador, stenographer at iilang manonood na sanay sa legal English. Ang justice system ay hindi private club para sa mga taong nakapasa sa bar examination.
Ang mas nakakahiya, kung gayon, ay hindi ang isang opisyal na gumagamit ng Filipino. Ang nakakahiya ay ang isang bansang may sariling pambansang wika ngunit hanggang ngayon ay kailangang humingi ng paumanhin kapag ginagamit ito sa mga institusyong dapat kumatawan sa mamamayan. Nakakahiya kung ang Filipino ay itinuturing na wika ng ordinaryong tao ngunit ang English ang itinuturing na wika ng “seryosong” usapin. Nakakahiya kung ang isang Filipino ay mas madaling nakauunawa sa usapin ng sarili niyang pera kapag isinasalin ito ng media sa Filipino pagkatapos ng hearing kaysa kapag direktang ipinapaliwanag ito ng mismong institusyon ng gobyerno. At higit sa lahat, nakakahiya kung ang mga opisyal na nanunumpang maglingkod sa bayan ay mas komportable sa wikang malayo sa pang-araw-araw na karanasan ng malaking bahagi ng kanilang pinaglilingkuran.
Hindi rin dapat maging simpleng usapin ng grammar o vocabulary ang debate. Ang tunay na laban ay tungkol sa demokratikong access. Ang Filipino ay mahalaga sa Senado at sa mga judicial proceeding dahil ang batas ay hindi lamang para sa abogado. Ang Constitution ay hindi lamang para sa constitutional lawyers. Ang national budget ay hindi lamang para sa economists. Ang audit report ay hindi lamang para sa accountants. At ang pera ng bayan ay hindi lamang para sa mga opisyal na may access sa government documents. Ang mamamayan ang tunay na may-ari ng pampublikong pondo. Kaya dapat niyang maunawaan kung paano ito ginastos, sino ang gumastos, bakit ginastos, at sino ang mananagot kung may mali.
Hindi dapat itanong kung “marunong ba tayong mag-English?” Ang mas nakakainsultong tanong ay: marunong ba tayong magsalita sa paraang maiintindihan tayo ng taong pinaglilingkuran natin? Sapagkat ang isang opisyal na mahusay sa English ngunit hindi kayang ipaliwanag nang malinaw sa ordinaryong mamamayan kung saan napunta ang pera nito ay hindi awtomatikong mas mahusay na lingkod-bayan. At ang isang institusyong gumagamit ng Filipino ay hindi awtomatikong mas makabayan. Ang tunay na sukatan ay kung gaano nito ginagawang malinaw ang kapangyarihan sa mga taong pinagkukunan nito ng kapangyarihan. Sa Senado, sa impeachment court, sa mga pagdinig, at maging sa regular na mga korte, ang wika ay hindi lamang paraan ng pagsasalita. Ito ay paraan ng pagbubukas o pagsasara ng pinto ng hustisya. At kung ang pinto ng hustisya ay para sa lahat, dapat marinig ng lahat ang wikang ginagamit sa pagbubukas nito.
Sa buwan ng wika, marahil panahon nang itigil natin ang pagdiriwang na puro entablado. Dalhin natin ang Filipino sa Senado. Dalhin natin ito sa korte. Dalhin natin ito sa batas, sa audit reports, sa government documents, sa press conferences at sa mga desisyong may direktang epekto sa buhay ng ordinaryong Filipino. Hindi dahil mas mataas ang Filipino kaysa English, kundi dahil pareho silang opisyal na wika at dapat parehong magsilbi sa publiko. Ngunit kung nais talaga nating magkaroon ng demokrasya na naiintindihan ng mamamayan, kailangang matuto ang mga institusyon ng isang simpleng aral: ang kapangyarihan ay hindi tunay na accountable kung ang wika nito ay hindi nauunawaan ng mga taong pinamumunuan nito.
***
Si Noel Galon de Leon ay isang manunulat at propesor sa University of the Philippines Visayas, kung saan nagtuturo siya sa Division of Professional Education at sa UP High School in Iloilo. Siya rin ang Kalihim ng National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Literary Arts.
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Siyam-Siyam
By JOHN IREMIL TEODORO MATAPOS kang darwa nga semana nga daw wara haros it untat ang pagbëndak ang uran, nagsirak gawa ang adlaw sa Taft Avenue sa Manila kang nagligad nga Sabado kag Domingo bisan nga pag-abot kang hapon, nag-uran man gihapon. Ti hay may flight ako pa-Iloilo pagka-Lunes, nalipay gid ako hay nag-init rën.

Teach what’s ours
Show a Grade 6 pupil in Iloilo a map, and Boracay may be easy to find. Panatag Shoal, Ayungin Shoal, or Pag-asa Island may take a little longer. No surprise there. They are far from home. Yet what happens in those waters is not far from our lives. It can affect

‘Lung Month’ in honor of Quezon
THE month of August has been observed as National Lung Month since July 24, 1978, when former President Ferdinand Marcos declared it as such through Presidential Proclamation No. 1761 in memory of the late Manuel Luis Molina Quezon, the first president of the Philippine Commonwealth. Today, we celebrate his 148th birthday. He
