TRES MARIAS NG ISUFST: Tatlong Mukha ng Tahimik na Paglilingkod
Ni Jude Michael B. Casumpang, BSED student, ISUFST Sa loob ng mga gusali at pasilyo ng Iloilo State University of Fisheries Science and Technology (ISUFST) Main Campus-Tiwi Site, may tatlong pigura na tahimik na nagsisilbi, nag-aayos, at nagbibigay ng ningning sa kampus. Sila sina Eva “Nanay Eva” Aranjuez Villarice, 59, Cristalina “Nanay Tali” Quetadio Rodriguez,

By Staff Writer
Ni Jude Michael B. Casumpang, BSED student, ISUFST
Sa loob ng mga gusali at pasilyo ng Iloilo State University of Fisheries Science and Technology (ISUFST) Main Campus-Tiwi Site, may tatlong pigura na tahimik na nagsisilbi, nag-aayos, at nagbibigay ng ningning sa kampus. Sila sina Eva “Nanay Eva” Aranjuez Villarice, 59, Cristalina “Nanay Tali” Quetadio Rodriguez, 64, at Maridel “Nanay Del” Lotirono Castor, 45—tatlong babaeng hinog sa karanasan, habang ang kanilang mga puso ay kasing-lakas at sigla ng mga kabataan. Higit pa sila sa mga janitress; sila ang mga tagapag-ingat ng kalinisan at kaayusan, ngunit higit sa lahat, sila ang mga taong nagpapakita ng tunay na kahulugan ng pagsisikap at dedikasyon.
Noong taong 2022, pumasok sila sa ISUFST bilang mga Job Order, ang kanilang mga kamay ay naglilinis ng mga kalat, nagwawalis ng mga dahon, at nagpupunas ng mga alikabok. Sa kanilang mga balikat ay nakasalalay ang responsibilidad na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng main campus sa Tiwi. Sa kanilang edad, hindi madali ang kanilang trabaho. Ang pagod ay nakikita sa kanilang mga mata, ang mga likod ay marahil ay nananakit na, ngunit ang kanilang mga ngiti ay nananatiling matamis at nagbibigay-inspirasyon.
Sa aking mga taon bilang estudyante sa ISUFST, tahimik ko silang pinagmamasdan. Nakikita ko ang pagod sa kanilang mga mukha, ang pagod na dala ng kanilang edad at hirap ng kanilang trabaho. Ngunit sa kabila nito, ang kanilang mga ngiti ay hindi nawawala. Ito ang mga ngiting nagbibigay ng init at pag-asa sa gitna ng pagod at hirap.
Ang kanilang “Good Morning Sir!” ay palaging masigla, puno ng paggalang at pagmamahal. Ang mga simpleng bati na ito ay nagpaparamdam sa akin ng pagpapahalaga at pagkalinga. Si Nanay Del, na palaging nagwawalis sa harapan ng Admin building, ang unang bumati sa akin tuwing umaga. Ang kanyang ngiti ay nagbibigay ng sigla sa aking araw, “Good Morning po, Sir! Aga kapa pirmi, Sir ba. Sakto na, Sir—bakas gid ikaw eskwela kay kabudlay daan subong kung wala ka tinapusan”.
Si Nanay Tali naman ay laging masigla at magiliw tuwing hinihiram ko sa kanya ang mop kapag grupo ko ang cleaners sa classroom. “Ay sige po, Sir, may downy naman na para mahamot… Mayad gid, Sir, nga kabalo ka maghalong kag magpaninlo sang inyo classroom. Daku gid ini nga bulig sa amon, kag kabay pa mas damo pagid nga mga estudyante ang magpabilin nga may amo sini nga paghalong kag responsibilidad.” Ito’y nagpapakita ng kanyang pagkamapagbigay at pagiging masayahin sa tuwing hinihiram ko sa kanya ang mop kapag grupo ko ang cleaners sa classroom. Ang kanyang pagiging mapagpakumbaba ay nagpaparamdam sa akin na parang nasa pangalawang tahanan ako.
Si Aranjuez “Nanay Eva” Villarice, 59, naman, na palaging nagwawalis sa CoEd building at University Ground, ay nagbibigay ng inspirasyon sa kanyang matiyaga at masipag na pagtatrabaho. Ang kanyang pagiging matatag ay isang halimbawa ng pagtitiis at pagsisikap sa kabila ng iniinda nitong karamdaman. Hindi alintana ang malaking bukol sa leeg niya na dagdag pahirap sa kanyang pagtatrabaho subalit lagi pa rin siyang nakangiti, ” Mabudlay gid, Sir, kay may bukol ako sa liog, pero gina-antos ko gid para man sa mga kabataan ko nga ga eskwela mabudlay gid Sir ang kabuhi kung pigado.”
Higit pa sa kanilang mga trabaho, sila ay mga halimbawa ng pagiging matatag at masipag. Sila ang mga taong nagpapakita na ang edad ay hindi hadlang sa pagsisikap at pagkamit ng pangarap. Sa kabila ng kanilang mga hirap, nananatili silang masayahin at mapagbigay.
Ngunit ang kanilang mga ngiti ay minsan ay nagtatago ng lungkot. “May mga adlaw gid nga mabudlay, Sir. Tuod man nga amon gid obra ang pagpaninlo, pero daku gid tani nga bulig kun tanan maghalong lang sa paghaboy sang basura sa husto nga lugar kag magligpit sang classroom pagkatapos gamiton,” ang kanilang malungkot na sabi. Ang kanilang mga salita ay nagpapaalala sa atin na dapat nating pahalagahan ang mga taong nagsisilbi sa atin. Nawa’y sa munti nating paraan pagaanin natin ang kanilang mga trabaho sa pamamagitan ng pagiging responsable natin sa ating mga basura, kung ayaw nating magligpit huwag tayong magkalat.
Sa aking huling taon sa kolehiyo nais kong bigyang pugay sina Nanay Del, Nanay Tali at Nanay Eva at ang lahat ng mga Job Order na tahimik at tapat na tumutupad ng kanilang mga tungkulin, sa kanilang walang sawang pagsisikap at dedikasyon. Sila ang mga taong nagpapaganda at nagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa ating kampus, at sila ang mga taong dapat nating igalang, mahalin, at pahalagahan.
Sila ang mga taong madalas nating dinadaanan lamang, ngunit ang kanilang mga kontribusyon ay malaki at mahalaga. Hindi lamang sila mga janitress; sila ay mga ina, mga asawa, at mga haligi ng kanilang mga pamilya. Ang kanilang mga kuwento ay nagpapakita ng pagsisikap, pagtitiis, at pagmamahal sa trabaho.
Kaya naman, sa susunod na makita natin sila, ngumiti tayo, batiin natin sila, at ipakita natin ang ating pagpapahalaga. Dahil sila, ang tatlong Tres Marias ng ISUFST, ay higit pa sa mga janitress; sila ay mga bayani ng ating kampus. (Jude Michael Casumpang | The Sea Treasure | PAMMCO)
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!

