The Fourth Estate
UNANG araw ng klase namin kanina (Setyembre 2) sa Writing for Media for Literature Majors na gin-focus ko ang syllabus sa environmental journalism. Ang magiging final output ng kada estudyante ko sa klaseng ito ay tatlong artikulo: news, feature, at opinion. Ang mga paksa nila ay may kinalaman sa mga isyung

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
UNANG araw ng klase namin kanina (Setyembre 2) sa Writing for Media for Literature Majors na gin-focus ko ang syllabus sa environmental journalism. Ang magiging final output ng kada estudyante ko sa klaseng ito ay tatlong artikulo: news, feature, at opinion. Ang mga paksa nila ay may kinalaman sa mga isyung pangkapaligiran. Ngayong pa lang, sinasabi ko na sa kanila na ang lahat naman ng mga malaki at mahalagang isyu ngayon sa bansa at sa buong daigdig ay mahahanapan ng anggulong pangkapaligiran.
Excited akong magturo muli ng peryodismo. Ang huling pagturo ko nito ay noong nasa Miriam College pa ako na kahit nasa Filipino Department ako ay hinihiram ako ako ng Department of Communication para magturo ng Journalism. Noong nagtuturo naman ako sa University of San Agustin, ilang taon din akong naging moderator ng student publication at talagang mas praxis ito kaysa teorya.
Kanina, agad naming tinalakay ang pinakakontrobersiyal na usapin ngayon—ang korapsiyon sa mga flood control project ng pamahalaan at ang papel ng media rito. Inisa-isa namin ang mga rason kung bakit hindi dapat tularan ang mga sikat na peryodistang kagaya nina Korina Sanchez, Julius Babao, at Arnold Clavio. Tiningnan namin ang “Journalist’s Code of Ethics” ng Philippine Press Institute (PPI) at sa number one pa lang, sablay na sina Sanchez at Babao: “I shall scrupulously report and interpret the news, taking care not to suppress essential facts nor to distort the truth by omission or improper emphasis.” Nagamit sila ng mag-asawang bilyonaryong contractor sa eleksiyon at sa pagpapabango sa pangalan ng mga ito dahil hindi scrupulous ang dalawang batiking TV journalist. May omission din at improper emphasis kung paanong yumaman nang bongga ang mag-asawa sa pagiging kontraktor ng mga proyekto sa gobyerno. Nagmukhang PR person sina Sanchez at Babao. Ibang-iba ang trabaho ng PR sa peryodismo. Si Arnold Clavio naman ang unang nag-defend sa dalawa. Siya na may problema (actually, eskandalo) sa pang-11 ng PPI Code of Ethics. Hindi ko na sasabihin dito kung ano ang nilalaman ang ika-11 na ethical standard at kung ano ang ginawa ni Clavio sa isang news source niya.
Pinag-usapan namin ang halaga ng pagiging Fourth Estate ng mga peryodista sa ating bansa. Sa isang bansang demokrasya katulad ng Filipinas, may tatlong sangay ang pamahalaan: ang ehekutibo na pinamumunuan ng presidente, ang lehislatura na pinamumunuan ng Speaker of the House at Senate President, at ang judicial na pinamumunuan ng Chief Justice ng Korte Suprema. Co-equal branch dapat ang mga ito para mabantayan nila ang pagmamalabis at pang-aabuso sa kapangyarihan ng isa’t isa. Ang pang-apat, ay ang media o ang mga peryodista, na ang papel ay bantayan ang tatlong sangay ng gobyerno. Kayâ tinatawag din na watch dog ang mga journalist.
Nabanggit ko rin sa mga estudyante ko na hindi naman talaga totoo ang demokrasya sa ating bansa. O kung demokrasya man itong matatawag, demokrasya ito para sa mga makapangyarihang politiko at negosyante lamang. Halimbawa, sa panahon ng eleksiyon, karamihan talaga ay nabibili ang boto—direktang vote buying man o sa paraang financial assistance kunwari o scholarship program na sa panahon ng eleksiyon pinamumudmod. Ang pagbibili at pagbebenta ng boto ay lason sa kaluluwa ng demokrasya.
Saksi din ang bayan kung paano ginprotektahan ng mga DDS na senador si Bise Presidente Sara Duterte laban sa impeachement proceedings dahil sa paglulustay niya sa pera ng bayan at sa pagbabanta na patayin o ipapatay ang presidente. Nakita natin kung paano paglaruan at bastusin ni Senate President Chiz Escudero ang Saligang Batas nang bigyan niya ng ibang interpretasyon ang simpleng katagang “forthwith” para lang antalain at hindi matuloy ang impeachment ng patron niyang si Duterte.
Pinaniniwalaan din ng maraming eksperto sa batas na nag-overreach ang Korte Suprema sa pagpigil sa impeachment dahil hindi sila dapat nakialam dito dahil mga impeachable officers din sila. Sa desisyon nila, para bagang mas pinahirap nila ang impeachment process na siyempre pabor din sa kanila. Sana mabago pa nila ang kanilang desisyon dahil may mga umapela dito
Samakatwid, dahil mahina ang demokrasya sa bansa, nagkukuntsabahan talaga ang tatlong sangay ng pamahalaan para protektahan nila ang isa’t isa kayâ mahalagang malaya, alerto, at matapang ang media bilang fourth estate. Dapat ibalita at tuligsain ang mga galawang maitim at masama ng mga politiko at negosyante.
Sa kontrobersiya ng mga flood control project, klaro ang kunstsabahan ng mga politiko at mga negosyante. May mga negosyante pa ngang politiko na rin, at maraming politiko na mga kamag-anak at kaibigan nila mismo ang mga kontraktor. Kayâ katawa-tawa ang senate inquiry ngayon dahil nakakapanindig balahibo ang mga pagkukunwari ng mga politikong tulad ni Senador Jinggoy Estrada na kung makapag-grill sa mga kontraktor ay akala mo hindi nahatulan ng korte dahil sa korapsiyon. Kung patas at totoo ang mga imbestigasyon hinggil sa mga palpak at madayang flood control project, tiyak 90% o mahigit pa sa mga senador at kongresman ang kumita dito.
Hindi natin maasahang magsabi ng totoo ang mga politiko at negosyante dahil nagsasabwatan ang mga ito sa paghuthot sa kaban ng bayan. Ang mga tunay na peryodistang tapat sa kanilang tungkulin ang maaasahan nating magbubunyag sa katotohanan.
Bilang pangwakas ng talakayan sa klase, sinabi ko sa mga estudyante ko na dapat kaming mga malikhaing manunulat, dahil karamihan sa kanila ay mga creative writing major, ay kabisig ng mga peryodista sa pagiging Fourth Estate. Kayâ ang mga manunulat na nagsusulat para sa mga politiko at negosyante ay mga walang kuwentang manunulat gaano man sila kagaling.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

