SONA 2025
GUSTO ko ang pambungad na pananalita sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bong Bong Marcos (BBM) noong Lunes, 28 Hulyo 2025. Aniya, “Kung datos lang ang pag-uusapan, maganda ang ating ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante, bumaba ang inflation, dumami ang trabaho pero lahat ng ito ay

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
GUSTO ko ang pambungad na pananalita sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bong Bong Marcos (BBM) noong Lunes, 28 Hulyo 2025. Aniya, “Kung datos lang ang pag-uusapan, maganda ang ating ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante, bumaba ang inflation, dumami ang trabaho pero lahat ng ito ay palamuti lamang. Walang saysay kung ang ating kababayan ay hirap at nabibigatan sa kanilang buhay.” Plak tumpak!
Ang problema, wala namang masyadong estadistika na naipakita sa kaniyang talumpati. Wala ring klarong policy statements para masabing seryoso siyang pagaanin ang buhay ng mga naghihirap na Filipino sa nalalabi pang tatlong taon ng kaniyang termino. Mas maganda sana kung ipinakita niya at ipinaliwanag ang sinasabi niyang mga datos at ang mga kongkretong hakbang na gagawin ng kaniyang administrasyon para hindi lamang maging palamuti sa kaniyang talumpati ang mga kagandahang kaniyang iniuulat sa bayan.
Gustong-gusto ko siyempre ang sinabi niya tungkol sa pag-expand ng serbisyo ng PhilHealth. Lalo na nang sinabi niya na covered na ang lahat ng mga dialysis session ng mga na-renal failure at pati ang pagpapa-kidney transplant. Naalala ko lang kasi na nang magpa-kidney transplant ang aming nanay noong 2005 ay talagang naubos ang pera ng aming mga magulang dahil sobrang mahal ito. Sobrang mahal nang magpa-dialysis noon at sobrang mahal din ng maintenance medicine ng mga na-transplant na. Pero kahit na medyo emotional ako habang pinapakinggan ang bahaging ito ng talumpati, umaandar pa rin ang pagiging negastar ko at naisip ko pambobola lang lahat ito.
Lalo na’t inulit uli ni BBM ang tungkol sa bigas na tag-PhP20 ang kilo. Nakita raw natin na posible ito dahil sa mga Kadiwa Store. Duh! Ilan lang ba ang nakakabili ng bigas sa Kadiwa Store. At siyempre nakakapagbenta ng tig-PhP20 per kilo na bigas ang Kadiwa Store dahil heavily subsidized ito ng pamahalaan. Ibig sabihin, hindi pangmatagalan at pangtsa-charot lamang ng pamahalaang ito.
Tungkol sa malawakang pagbaha noong nakaraang linggo dahil sa habagat na dala ng tatlong sunod-sunod na mga bagyo, nag-ikot daw si BBM at ito ang kaniyang naging obserbasyon: “Kitang-kita ko na marami sa mga flood control project ay palpak, at ‘yung iba ay guniguni lang. Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Filipino. Mahiya naman kayo sa mga kabahayang naanod sa baha. Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng Bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo!” At nagpalakpakan ang mga walang hiyang politiko na kumita sa mga flood control project. Tambling ako!
Ito ang pinakapaborito kong bahagi ng SONA 2025 ni BBM. Pero hindi ako pumalakpak. Natawa lang ako sa mga trapong pumalakpak. Hindi talaga ako pumalakpak dahil hindi ko naman nakakalimutan na si BBM ay isang Marcos at pamilya sila ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Nasadlak sa kahirapan ang bansa dahil sa pagnanakaw ng diktador niyang ama at gastadorang ina.
Ang tawag dito ng political scientist na si Julio Teehankee ay “flipping the narrative” at “politics of redemption” sa isang talakayan sa ANC matapos ang SONA 2025. Tinawag pa nga niyang “weapon of choice” ito ni BBM para subukang linisin ang madungis na pangalan ng kanilang pamilya. At mukhang epektibo ito dahil sa pagbenta niya ng “unity” noong 2022 eleksiyon ay nanalo siya nang bongga. Ngayon naman ay binebenta niya ang pagiging “anti-corruption” na masyadong nakakapagpataas ng aking kilay at natatawa ako sa nakakainis na kiliti ng ironiya ng mga pekeng pahayag na ito.
Pero bongga talaga ang kapal ng mukha ng mga politiko. Nang sinabi ni BBM ang kaniyang, “Mahiya naman kayo” speech, nagpalakpakan sila! Sila na mga yumaman sa puwesto dahil sa mga porsiyento nila sa mga proyekto. Sabi nga ni BBM, huwag na raw silang magmaang-maangan school of acting tungkol sa pangungurakot nila dahil alam na ito ng lahat. Hayun, nagpalakpakan school of acting naman sila. Ang Senate President nga at ang Speaker of the House ay nag-standing ovation pa! Kaloka!
Alam ko namang makakapal ang mukha ng mga politiko. Pero hind ko alam mas makapal pa pala kaysa makapal lang. Buti pa si Senadora Camille Villar, nahagip ng kamera na nakasimangot habang binabanggit ni BBM ang tungkol sa pagpapaimbestiga sa mga walang kuwentang serbisyo ng water at electricity company nila. Buti nga mabait pa si BBM at hindi pinangalanan ang Prime Water at ang SIPCOR, pati ang pamilya Villar na may-ari ng mga ito.
Ang gusto ko sa SONA 2025 ni BBM sa kabila ng mga motherhood statement niya at kakulangang sa mga policy statement para maging kapanipaniwala ang mga ito, very presidentiable talaga ang dating niya. Hindi tulad ni Rodrigo Duterte noon na kapag nagtatalumpati ay parang lider lang ng isang sindikato. Saka nag-Filipino si BBM ngayon tulad ng ginawa ni Noynoy Aquino noon.
Para maging masaya sa bansang ito, kailangan talagang babaan ang standard at huwag mag-expect masyado na may kabutihan pang mahihita mula sa mga manggagantsong politiko.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

