Sinadya Festival 2025
SUMASAYAW na mga higanteng isda at makukulay na salabay. Nakabubusog sa matang pangtatanghal ng mga higanteng puppet at maliksing kilos ng mga binatilyo at dalagitang sarikulay ang mga damit na humihiyaw ng “Viva Santa Maria!” At mayroon pang effigy ng higanteng sirena at siyokoy na sumasayaw sa saliw ng mga musika

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
SUMASAYAW na mga higanteng isda at makukulay na salabay. Nakabubusog sa matang pangtatanghal ng mga higanteng puppet at maliksing kilos ng mga binatilyo at dalagitang sarikulay ang mga damit na humihiyaw ng “Viva Santa Maria!” At mayroon pang effigy ng higanteng sirena at siyokoy na sumasayaw sa saliw ng mga musika at awiting pinararangalan ang biyayang hatid ng dagat. Umaapaw ang saya sa aking kasingkasing at umiindak ang aking kaluluwa. Nasa Roxas City nga ako, at pakiramdam ko, para sa akin talaga ang mga pagtatanghal sa Titeres sang Sinadya Barangay Streat Pageantry Performance and Competition.
As a rule, ayaw ko ng mga aktibidad sa gabi dahil maaga akong inaantok. Ayaw ko rin sa mga event na maraming tao dahil agoraphobic ako. Kaso hindi ko mahindian ang abyan kong manunulat na si Bryan Mari Argos na siyang namumuno ng Roxas City Tourism Office at ang punong abala sa Sinadya Festival 2025 ng lungsod. Niyaya niya kami ng partner kong si Jay na maging hurado sa pagtatanghal ng mga titeres o giant puppet.
Nang lumabas kasi sa imprenta ang libro kong Mga Bulawan nga Bulak / Golden Showers: A Collection of Poems about Thailand (Pawikan Press) noong Setyembre, gin-message ko agad si Bryan na gusto kong i-launch ito sa Ang Panublion Museum at hiniling ko sa kaniya na siya ang mag-organize. Sabi ko unang linggo ng Disyembre pag-uwi ko sa Panay para mag-Christmas break. Tamang-tama raw dahil Sinadya Festival ito. At noong nakaraang buwan, nang na-set na namin ang date ng launching sa December 6, sabi niya, yaman din lang na nasa Roxas na ako, mag-judge na raw ako sa ilang event nila.
Nag-enjoy ako sa panonood ng mga performance. Siguro dahil judge ako at pinapaalis ng mga pulis ang mga tao sa harap namin na humaharang sa aming panonood. Dagdag pa na may nagbabantay na pulis sa likod namin at nababawasan ang agoraphobia ko. Kapag nasa crowd kasi ako, pakiramdam ko bigla na lang may hahampas, sasaksak, o babaril sa akin. At dahil pasasalamat sa Mahal na Birhen para sa mga biyaya ng karagatan ang tema ng pagtatanghal, pakiramdam ko tuloy inorganisa ang contest na ito para sa akin.
Ang Sinadya Festival ay isang religious festival. Selebrasyon talaga ito ng kapistahan ng Our Lady of Immaculate Conception kada Disyembre 8. Para sa mga Katolikong tulad ko, day of obligation ang araw na ito. Kailangang magsimba. Kayâ nasa criteria talaga ng Titeres Performance ang bahagi ng “Viva Santa Maria” festival song. Sa kalsada sa harap ng antigong simbahan isinagawa ang pagtatanghal na lalong nagpaganda ng ambience. Ang simbahan ng Roxas City ay unang itinatag noon pang 1877 at ni-reconstruct noong 1954. Isa ito sa mga magandang simbahan sa Isla Panay.
Sabi ni Bryan ito raw ang unang pagtatanghal ng contest na ito. Ayon sa kanilang pananaliksik, mayroon umanong tradisyon ng pagpa-puppet sa Panay at ang tawag dito ay “titeres.” Nag-promise siyang bigyan ako ng kopya ng dokumento hinggil dito dahil gusto ko ring mabasa. Nandoon si Roxas City Mayor Ronnie Dadivas at tuwang-tuwa rin siya sa kaniyang napanood. Inanunsiyo na ng emcee na sa susunod na taon, ayon sa poging mayor, lalakihan na ang budget nito at ang mga premyo. Bibigyan na rin ng sariling gabi sa iskedyul ng Sinadya Festival ang Titeres Performance. Nang gabi kasing iyon may konsiyerto naman ng mga banda mula Manila sa isa pang venue.
Salamat sa Diyos at hindi bumuhos ang ulan nang gabing iyon. May bagyo kasi. Sa katunayan, makapal na ang kaulapan at maalog na nang maglanding sa Roxas City Airport ang eroplanong sinakyan ko mula sa Manila noong Biyernes ng umaga. Alas-kuwatro singkuwenta ang flight ko at wala pa alas-seis ay nakarating na ako sa Capiz. Tuwang-tuwa nga si Jay na sumundo sa akin sa airport dahil nakita niya ang mga miyembro ng bandang South Border na kasabay ko pala sa flight. Siyempre, hindi ko sila kilala.
Ayon sa Pagasa, Disyembre 7 ang pagdaan ng bagyo sa Panay na parang sa bandang Estancia, Iloilo papasok at dadaan ng Roxas. Mahinang bagyo lang naman pero signal number 1 pa rin sa Panay. Mabuti at nalusaw ito nang mag-landfall na sa Kabikolan at noong araw ng pista mismo ay naging low pressure area na lamang ito.
Masaya naman ako sa aking book launching. Siyempre ang college BFF kong si Ooy na taga-Roxas ay dumalo. Dumalo rin si Fr. Rey Villanoy na naging fellow namin sa IYAS La Salle National Writers Workshop at San Agustin Writers Workshop. Karamihan sa mga dumalo ay mga guro ng Department of Education. Tamang-tama dahil nag-craft lecture ako. Ibinahagi ko kung paano magbasa, magsulat, at magturo ng tula. At siyempre nagbahagi rin ako ng aking karanasan ng pagsulat ng libro kong Mga Bulawan nga Bulak / Golden Showers na ang karamihan sa mga tula ay nasulat ko nang mag-visiting scholar ako sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.
Lagi’t lagi, isang biyaya para sa akin ang mabisita ang Lungsod Roxas, Capiz dahil sa mga kaibigang nandoon at sa paglafang ng seafood. Mukhang babalik kami roon ni Jay sa susunod na Sinadya Festival.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

