Simplicio P. Bisa (1931-2025)
Ni John Iremil Teodoro DEPARTMENTAL meeting namin noong Lunes, Agosto 4, nang makita ko sa feed ng aking FB ang balitang pumanaw na ang manunulat na si Simplicio P. Bisa. Binalot ng lungkot ang aking dibdib na naisip ko, pagkatapos ng miting ay aakyat ako sa library upang hanapin ang mga libro ni Dr. Bisa.

By Staff Writer
Ni John Iremil Teodoro
DEPARTMENTAL meeting namin noong Lunes, Agosto 4, nang makita ko sa feed ng aking FB ang balitang pumanaw na ang manunulat na si Simplicio P. Bisa. Binalot ng lungkot ang aking dibdib na naisip ko, pagkatapos ng miting ay aakyat ako sa library upang hanapin ang mga libro ni Dr. Bisa. Gusto ko muling mabasa ang kaniyang maikling kuwento na “Umaga sa Dapithapon” na una kong nabasa sa klase namin sa Panitikan ng Pilipinas noong nasa kolehiyo ako sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo.
Nakilala ko si Dr. Bisa nang nag-aral ako ng M.F.A. in Creative Writing noong kalagitnaan ng dekada 90 dito sa De La Salle University (DLSu) at nang magtrabaho ako bilang proofreader, at kalaunan ay managing editor, sa DLSU Press nang si Isagani R. Cruz ang director nito at executive publisher. Ito ang panahong propesor si Dr. Bisa sa Departamento ng Filipino at may mga libro siyang inilalathala ng DLSU Press.
Nang una ko siyang makilala, agad kong sinabi sa kaniya na ang textbook namin sa Filipino sa kolehiyo ay ang librong inakda niya, ang Lahing Kayumanggi: Panitikang Pilipino (National Book Store, 1987), at binasa namin sa klase ang kaniyang kuwentong “Umaga sa Dapithapon.” Tuwang-tuwa siya nang marinig ito kayâ siguro binabati niya ako palagi kapag nagkakasalubong kami sa William Hall kung nasaan noon ang mga opisina ng mga departamento ng Filipino at Literatura, at sa hallway ng Miguel Hall kung nasaan ang mga klase ng College of Liberal Arts. Minsan nga binigyan pa niya ako ng kopya ng libro niyang Lagablab: Mga Alaala ng Digma (DLSUL Press, 1998) na sinulatan ko ng ribyu na nalathala sa dyornal ng DLSU na Malay.
Kayâ starstruck talaga ako sa mga unang buwan ko ng pag-aaral sa La Salle noong 1995. Kada Sabado nakakasalubong ko sa hallway ng Miguel Hall sina Cirilo F. Bautista, Isagani R. Cruz, B.S. Medina, Jr., Efren Abueg, Simplicio Bisa, at Marjorie Evasco na nababasa ko lang ang mga akda sa magasin at libro noong nasa Antique at Iloilo pa ako. Sina Abueg at Bisa lang ang hindi ko naging guro. Si Dr. Efren naman, naging panelist ng thesis ko.
Nang pumunta ako sa Filipiñana section ng DLSU Libraries noong Lunes, apat na libro lang ng Dr. Bisa ang nakita ko: ang Lahing Kayumanggi, Umaga sa Dapithapon at Iba pang Akda (DLSU Press, 1994), Ang Bulkan sa Pagbabalik sa Pusod ng Bayan (DLSU Press, 2002), at Señora de la Merced: May Karugtong ang Kahapon (DLSU Press, 2000). Itong huling nabanggit na libro ay output ni Dr. Bisa nang tanghalin siyang Bievenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) Writing Fellow noong A.Y. 1994-1995. Siguro kung muli kaming nagkausap lately ni Dr. Bisa at sinabi ko sa kaniyang ako na ang direktor ng BNSCWC ngayon ay sigurado akong matutuwa iyon.
Muli kong binasa ang “Umaga sa Dapithapon” at ngayong nagsusulat na rin ako ng sariling mga kuwento at marami na rin ang aking nabasa at lumawak na ang pananaw ko sa literatura, masasabi kong napakahusay ng pagkasulat nito. Tahimik at elegante ang kaniyang wika, at magandang halimbasa ang kuwentong ito sa paggamit ng pagtitimpi. Kuwento ito ni Don Federico sa kaniyang katandaan, ang panginoong maylupa na mahigpit at malupit sa kaniyang mga tauhan noong kabataan niya, subalit may kabaitan naman dahil inalagaan ang pinalaki niya ang dalawang anak ng dati niyang tauhan na nagtaliwan. Akma at hindi pilit ang paggamit niya ng imahen ng nabuwal na punongkahoy subalit may kakayahan pa ring pagsibulan ng panibagong buhay, ng panibagong pag-asa, katulad ni Don Federico sa kaniyang katandaan. Hindi kataka-taka na nanalo ng unang gantimpala ang kuwentong ito sa timpalak ng grupong ng mga manunulat na KADIPAN noong 1956-57.
Binasa ko rin sa unang pagkakataon ang maikling kuwento niyang “Mahaba ang Daang-Bakal” na nanalo ng ikalawang gantimpala sa Palanca noong 1957. Unang nalathala ang kuwentong ito sa magasing Advocate nang taon ding iyon. Kuwento ito ni Mando, isang batang may polyo at nakatira sa tabi ng riles. Ang minamahal niyang alagang aso ay pinasagasaan sa tren ng kanilang kapitbahay dahil nangungulimbat ng pagkain ng mga kapitbahay at pati ang mga alagang sisiw ng kaniyang mga magulang ay kinakain nito. Kung malalathala uli ang kuwentong ito ngayon ay tiyak na makakahanap ito ng panibagong mga mambabasa lalo na ngayong laganap na ang pag-aalaga ng mga aso na itinuturing nang kapamilya at marami na ang sumusulong ng animal rights.
Huli kong makita at makausap si Dr. Bisa noong 2005 sa National Kidney Institute sa Lungsod Quezon nang magpa-kidney transplant ang aming ina. Ako kasi ang sumama kina Nanay at Tatay para mag-asikaso ng mga kailangan sa pagpapaopera ni Nanay. Minsan habang nakapila kami sa klinik ng isang doktor, dumating siya kasama ang isang nurse. Agad niya akong nakilala at umupo siya sa tabi ko. Ipinakilala niya sa akin ang nurse na kasama na anak pala niya. Nang kinumusta ko siya ito ang sabi niya, “Heto retired na at nagsisidatingan na ang mga sakit.”
Naging masaya ang usapan namin at kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam pansamantala. Noong mga panahon kasing iyon ilang buwan nang maysakit si Nanay at pasan ko ang daigdig ang aking peg.
Pumanaw si Dr. Bisa noong Agosto 2, 2025 sa edad na 94. Nasa Afternitas Chapels and Columbarium sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon ang kaniyang burol magmula Agosto 9 hanggang 11. Ang libing naman niya ay nakaiskedyul sa Agosto 12. Sayang at nakaiskedyul akong umuwi ng Antique ngayong linggo. Pero taimtim kong ipagdadasal ang kaniyang walanghanggang pamamahinga at katahimikan sa piling ng Poong Maykapal.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

LUCS on unequal ground
There is a quiet truth in Philippine higher education that rarely finds its way into graduation speeches or glossy brochures: where you study still shapes how far you can go. Not because of ability. Not because of effort. But because of something far less visible—who funds your school, and how much

Word of the Month: Bolantero
In Iloilo City, the word “bolantero” has recently escaped the boundaries of casual speech and entered public discourse with unusual intensity. It has been repeatedly heard in local media reports and even echoed in national coverage referencing Western Visayas. As April draws to a close, the persistence of this term

