Ratchaphruek
NAIMBITAHAN ako noong Sabado, Mayo 24, na maging guest speaker sa La Salle Moving Café sa Doon Thai and Asian Fusion Café dito sa Malate, Manila na nasa isang kalye sa likod ng School of Design and Arts Building ng De La Salle College of St. Benilde. Ang La Salle Moving

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
NAIMBITAHAN ako noong Sabado, Mayo 24, na maging guest speaker sa La Salle Moving Café sa Doon Thai and Asian Fusion Café dito sa Malate, Manila na nasa isang kalye sa likod ng School of Design and Arts Building ng De La Salle College of St. Benilde.
Ang La Salle Moving Café ay isang conversation tampok ang isang Lasalyanong mananaliksik na inoorganisa ng De La Salle University Research Communication and Data Analytics Office sa pakikipagtulungan ng La Salle Food and Water Institute at ng Philippine Coffee Guild. Ang sabi sa akin sa imbitasyon huwag akong maghanda ng Powerpoint Presentation o ng papel na babasahin, at lalong-lalo na huwag daw akong mag-research para sa talk na ito. Ang ibinigay sa aking tema para sa kumbersasyong ito ay ang “Stories we inherit at ang aton pagkatawo bilang Filipino.” Magsalita lang daw ako konti tungkol sa aking mga libro at tungkol sa ongoing ko na writing project at mag-open forum na agad.
Ilang beses na rin akong nakakain sa Doon na isang maganda at masarap na Thai restaurant. Medyo tago lang ang lokasyon nito pero worth ang effort na hanapin ito. Dito ko naiisip kumain kapag nami-miss ko ang Thai food at ayaw kong lumayo sa La Salle area. Kayang-kaya ko kasing lakarin ito mula sa aking condo. Pero dahil tag-init ngayon at sobrang init noong Sabado ng mga ala-una ng hapon, nag-GRAB ako. At nakita ko nga ang distansiya sa apps: .7 kilometro lang layo nito mula sa gusaling tinitirhan ko rito sa Taft Avenue.
Ang una kong napansin nang bumaba ako mula sa kotseng sinakyan ay ang mga dilaw na talulot na nakakalat sa paligid. Agad kong nakilala ito. Ratchaphruek! April shower o golden shower. Ito nga talaga ang panahon ng mga pamumulaklak nila. Sa gilid ng Doon, mayroong malaking puno ng ratchaphruek, ang pangalan ng puno sa Thai. Ang mga dilaw na bulaklak nito ay nagsisimbolo rin ng Thai royalty.
Marami kasing mga puno ng ganito sa Mahidol University sa Salaya, Thailand kung saan ako naging visiting scholar noong nakaraang taon. Buong buwan ng Abril noong 2024 ay nasa Mahidol ako. Ang mga punongkahoy na hitik sa mga dilaw na bulaklak ang unang kong napansin nang dumating ako sa Research Institute of Languages and Cultures of Asia, ang host institute ko nasabing unibersidad. Cassia fistula ang scientific name nito at ito ang pambansang bulaklak ng Thailand.
Pero sobrang init ng Abril sa Thailand. Ang tipo ng init na nakapanghihina. Nang bumalik ako rito sa Manila mula Antique noong nakaraang linggo matapos mag-term break at mag-full online class and work sa nakaraang unang dalawang linggo ng Mayo dahil sa prediksiyon ng PAGASA na magiging mataas masyado ang heat index dito sa metropolis, mainit nga subalit naisip ko, mas mainit pa rin sa Bangkok. Siguro mga two degrees centigrate na mas mainit.
Dahil sa ratchaphruek sa harap ng Doon, agad akong nakaramdam ng pagkahidlaw sa Thailand. Masaya rin ako na at least makakakain uli ako ng Thai food. Thai food na hindi nagpapapanggap na Thai food dahil authentic talaga ang pagkaing Thai nila sa Doon.
Dahil nga nasa Thai mode na ako, ang una kong binanggit sa kumbersasyon namin sa La Salle Moving Café ay ang pina-finalize kong libro ng mga tulang Thailand ko. Noong nasa Mahidol kasi ako, nakasulat ako ng mahigit sandosenang tula sa Kinaray-a at Filipino na agad namang isinalin sa Ingles ng kaibigan kong si Alice Sun-Cua. Ang walo sa mga tulang ito ay binasa ko sa aking poetry reading na dinaluhan ng Vice President for International Relations ng Mahidol at ng Philippine Ambassador to Thailand. Dumalo rin ang ilang mga Filipinong estudyante na nag-aaral sa Mahidol.
Binasa ko noong Sabado ang dalawang tulang Thai ko. Ang una ay ang tula na alay ko sa Mahidol University na nabanggit ko ang golden showers na nakalinya sa mga tabing kalsada ng unibersidad, at bilang pasasalamat ko na rin sa binigay nilang fellowship. Ang pangalawang tula naman ay tungkol sa pagtanggap ko ng S.E.A. WRITE award mula sa prinsesa ng Thailand sa Chitralada Garden sa Dusit Palace sa Bangkok noong Agosto 2023. Iyon kasi ang unang pagkakataong makakita ako ng totoong prinsesa. At naisip ko, malalaman kayâ niya na noong bata ako sa Maybato, nagpapanggap ako na isang prinsesa?
Noong nakaraang ng buwan ng Abril, sinamahan namin ng partner kong si Jay ang mga bisita ng isang kaibigan ko sa pagpasyal sa Garin Farm sa San Joaquin, Iloilo. Hindi namin masyadong type ni Jay ang pagkaartipisyal ng lugar kung kaya’t hindi pa kami nakakapunta roon. Pero dahil kailangan naming samahan ang dalawang senior citizen na taga-Manila, napapasyal tuloy kami doon na wala sa oras.
Ang surprise para sa akin ay ang mga April shower doon! Marami din. May isang puno na malapit sa carpark at napansin kaagad ni Jay ang mga bunga nito na tuyo na nakakalat sa lupa kasama ng mga dilaw na talulot. Kumuha si Jay ng dalawang piraso ng pahabang bunga. Sabi ko sa kaniya, may pinulot din akong ganiyan sa Mahildol kaso natakot akong dalhin pauwi dahil baka bawal at mahuli ako sa airport.
To make the long story short, buháy na ang mga ipinunlang buto ni Jay ng April shower na galing sa San Joaquin. Magtatanim kami sa likod ng bahay namin sa Maybato nito. Magtatanim din kami nito sa Iguhag at sa Aningalan.
Naiisip ko nga ngayon, Ratchaphruek: Thailand Poems in Kinaray-a and Filipino and with English Translations na ang magiging pamagat nitong libro ko ng mga binalaybay tungkol sa Thailand at sinulat ko sa Thailand.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

