Puksaan ng Puwersa ng Kadiliman at Kasamaan
MUKHANG paparating pa lang tayo sa exciting na part dito sa puksaan ng Puwersa ng Kadiliman (Marcos) at Puwersa ng Kasamaan (Duterte). Maganda sana kung sasabihin ko na lang na mag-popcorn ako habang nanonood subalit alam kong kailangan nating maging vigilant lahat dahil kung hindi baka tayo, ang sambayanan, ang bansa,

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
MUKHANG paparating pa lang tayo sa exciting na part dito sa puksaan ng Puwersa ng Kadiliman (Marcos) at Puwersa ng Kasamaan (Duterte). Maganda sana kung sasabihin ko na lang na mag-popcorn ako habang nanonood subalit alam kong kailangan nating maging vigilant lahat dahil kung hindi baka tayo, ang sambayanan, ang bansa, ang magiging collateral damage. Baka Filipinas ang mapuksa sa kanilang puksaan!
Kitang-kita na natin ngayon kung paano ipagtanggol ng mga korap na politiko ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsisinungaling at sa pag-weaponize ng batas para takutin at patahimikin ang mga taong kino-call out ang pagiging gahaman at magnanakaw nila. Katulad na lamang ni Chiz Escudero na ipapa-disbar daw si Atty. Jesus Falcis dahil daw sa “ill-tempered and hateful language” nitong huli. May gumagamit pa nga ng pangalan ng Panginoon na para bang wala silang takot sa gabà.
Hindi puwedeng pikon ang mga politiko kapag kino-call out sila. Kapag may magsabing magnanakaw o korap sila, ang dapat nila gawin ay magpaliwanag at maglabas ng resibo upang pasinungalingan ang mga akusasyon laban sa kanila. Hindi puwedeng magtago sila sa likod ng pagsampa ng mga kaso tulad ng libelo o disbarment. Kilabutan din sila dapat kung gagamitin nila ang pangalan ng Diyos para pagtakpan ang kabalbalan nila. Hello, hindi po tayo makapagsinungaling sa Diyos dahil alam niya lahat!
Imbes na mapikon, dapat ipaliwanag ni Escudero kung bakit siya tumanggap ng 30 million na campaign donation mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano. Dahil kung totoo ito, nilabag nila ang election code at wala siyang karapatang maging senador ngayon. Kailangan din niyang ipaliwanag ang 145 bilyon na insertion sa 2025 budget. Dapat niyang pasinungalingan sa pamamagitan ng mga ebidensiya ang akusasyon ni DPWH Usec. Bernardo na tumanggap ang kagalang-galang na senador ng 160 milyon na kickback. Kung hindi ito totoo at wala siyang itinatago, kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya sa pamamagitan halimbawa ng pagpirma ng waiver sa bank secrecy law.
Agree naman ako sa privilege speech ni Escudero noong Setyembre 29 na pinalakpakan ni Vice President Sara Duterte, na hanggang ngayon hindi pa rin naipapaliwanag nang maayos ang nilustay niyang confidential funds, na kasama dapat si Martin Romualdez sa mga paimbestigahan sa korapsiyon sa mga flood control project. Dapat talagang maimbestigahan silang dalawa dahil nang nagpabonggahan sila ng mga insertion sa budget, Senate President si Escudero at Speaker of the House naman si Romualdez. Alangan namang na-finalize ang budget na hindi nila inaprobahan. At siyempre, needless to mention, sangkot din si Bong Bong Marcos dito dahil bilang Presidente, pinirmahan niya ang mga budget, with insertions and all, para maging batas.
Samakatwid, may bahid ng putik ng korapsiyon sa DPWH ang mga kamay nina Escudero, Romualdez, at Marcos. Hindi sila puwedeng magmalinis. Dapat ang drama nila, damay-damay na. At ito ngayon ang malaking problema. Kakasuhan na ng DOJ si Escudero. Kung makatarungan si DOJ Secretary Remulla, dapat makasuhan na rin si Romualdez. Kung guilty si Romualdez, malamang guilty na rin si BBM. Dagdag pa rito na katulad ni Escudero, nakatanggap din si BBM ng campaign funds mula sa isang contractor ayon sa ulat ng Philippine Center of Investigative Journalism. Kung istrikto talaga tayo, dapat matanggal din si BBM. Ang problema, si Sara Duterte ang next in line. Ang siste, kasing dumi rin nitong tatlong trapo ang Bise Presidente. May problema din siya paglulustay sa pera ng bayan.
Sa ngayon, ginagawa lahat ng mga alipores ng mga Duterte sa Senado na huwag mapunta ang usapan ng katiwalian sa mga flood control project sa mga Duterte. Maraming resibo na nagsasabing nag-umpisa talagang yumaman ang mag-asawang Discaya noong panahon ni Duterte. Katulad halimbawa ni Senador Rodante Marcoleta na obvious na obvious sa mga Senate Hearing na pinoprotektahan ang mga Discaya. Buti nga napalitan agad siya bilang chair ng Blue Ribbon Committee. Kahit ang pumalit sa kaniya na si Ping Lacson ay napansin ang pagprotekta ni Marcoleta sa mga Discaya. Nagpresinta pa nga si Marcoleta ng surprise witness na peke pala ang pagkanotaryo ng affidavit nito. Ang hindi kapani-paniwalang witness na ito ay sina Saldy Co at Romualdez lang ang idinawit. At noong isang araw lang nabunyag sa mga balita na ang asawa ni Marcoleta ay board of director ng isang insurance firm na ang isa sa mga malaking kliyente ay ang mga Discaya. Kapag mag-connect-the-dots tayo, maiintindihan na natin kung bakit napaka-protective ni Marcoleta sa mga Discaya.
Masyadong marumi ang bangayan ng mga Puwersa ng Kadiliman at Puwersa ng Kasamaan. Pera at kapangyarihan ang kanilang pinag-aagawan at luging-lugi ang mga mamamayang matagal nang tinitiis ang mababang suweldo, mababang uri ng serbisyo publiko, at mababang kalidad ng pamumuhay sa bansa natin dahil sa mataas na bilihin. Halimbawa, kapag mga politiko o kaanak nila ang magkasakit, kayang-kaya nilang magpagamot sa America o sa Europa. Kapag ordinaryong Filipino ang magkasakit, magtitiis na lamang sa mga publikong ospital na kulang sa doktor, gamit, at gamot. Ang mga middle class naman na kagaya ko, puwedeng mag-private hospital pero kung malala ang sakit ay mauubusan kaagad ng ipon at magkandautang-utang.
Kailangan talagang makulong ang mga magnanakaw na politiko. At tila imposible ito dahil sila-sila ang may pera at ang pera sa bansang ito ang makapangyarihan. Ang bilyon-bilyong ninakaw nila ay ginagamit nila ito upang maproteksiyonan ang kanilang sarili. Kayang-kaya nilang magbayad ng mga korap na abogado at huwes upang hindi sila makulong o di kayâ ay maabsuwelto. Nagtutulungan ang mga politikong ito na huthutan ang bayan at proteksiyunan ang interes ng mga mandarambong na tulad nila.
Bayang Filipinas, gumising na tayo!
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

