Pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo ng KWF, matagumpay!

Matagumpay na ipinagdiwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ika-90 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong 13 Nobyembre 2026 sa Grand Ballroom, The Metropolitan Theater, Lungsod Maynila. Dala ang temang “Wika ang Puso ng Sambayanang Pilipino” (1936–2026), nagpugay ang pagdiriwang sa siyam na dekadang paglilingkod ng ahensiya mula nang itatag ito bilang National Language Institute (NLI) sa panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran ang mahalagang papel ng wika hindi lamang bilang kasangkapan sa komunikasyon, kundi bilang buháy na alaala, kasaysayan, at saligan ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
“Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang iisang tinig lamang. Ang pagkakaisa ay ang pagkilala na ang bawat katutubong wika ay mahalagang ugat ng ating iisang puno. Walang wika ang dapat maiwan. Walang wika ang dapat mamatay,” ani Tagapangulong Barrios-Taran.
Ibinahagi rin niya na mula nang mabuo bilang Komisyon noong 1991, nakapagdokumento at nakapagsaliksik na ang KWF ng 137 wika, nakapaglathala ng daan-daang sangguniang aklat, at nakipag-ugnayan sa mga pamantasan at lokal na pamahalaan upang ihatid ang serbisyo at hustisya sa pinakamalalayong pamayanan. Binigyang-diin din niya na handa ang KWF na harapin ang makabagong teknolohiya at isulong ang vision ng pamahalaan: “Walang bagong Pilipinas kung walang bagong Pilipino. At walang bagong Pilipino kung walang pagmamahal sa sariling wika.”
Samantala, nagpaabot naman ng mainit na pagbati at buong suporta si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan, si Kalihim Juan Edgardo “Sonny” Manalang Angara ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Bago basahin ang mensahe ng Pangulo,
pinasalamatan ni Kalihim Angara ang KWF bilang katuwang ng DepEd sa pangangalaga ng wikang nagbubuklod sa mga mag-aaral, kasabay ng pagdiin na “sa wika nagsisimula ang pagkatuto.”
Sa mensahe ni Pangulong Marcos, pinuri niya ang siyam na dekadang tapat na pagganap ng KWF sa pagpapamantayan ng wikang Filipino, pangangalaga sa mga katutubong wika, at pagsusulong ng Filipino Sign Language (FSL) upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may tinig at kinikilala sa sariling bayan. Hinamon din ng Pangulo ang kabataan na patuloy na gamitin, pag-aralan, at ipagmalaki ang Filipino at ang kani-kanilang katutubong wika sa kabila ng pagbabago ng teknolohiya.
“Sa mga kawani ng Komisyon, buo ang tiwala ng aking administrasyon sa inyo. Muli ninyong pagtibayin ang inyong mandato, at magtakda ng mga bagong direksiyon na tutugon sa mga hamon at oportunidad ng teknolohiya, pananaliksik, edukasyon, at serbisyong publiko. Asahan ninyong kasama ninyo ang buong pamahalaan sa paglalakbay na ito,” pahayag ng Pangulo. “Naniniwala ako na kapag tayo ay nagkakaunawaan, sabay-sabay din nating mapauunlad ang ating minamahal na Bagong Pilipinas.”
Nakiisa at nagbigay rin ng mahahalagang mensahe at suporta sa makasaysayang okasyon ang iba pang opisyal ng KWF at mga panauhin, Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Fultaym Komisyoner para sa Pangasiwaan at Pananalapi; Dr. Michael Charleston “Xiao” Chua, Propesor ng Kasaysayan; Dr. Reggie O Cruz, Komisyoner para sa Kapampangan; at Dr. Melchor E. Orpilla, Komisyoner para sa Wikang Pangasinan.
Tampok din sa programa ang paglulunsad ng Dekada ng Wikang Pambansa, paggagawad ng mga sertipiko at komplimentaryong sipi ng mga aklat, pagkilala sa mga kawani ng KWF, at mga pagtatanghal ng katutubo at kontemporaneong sayaw mula sa PNU Kislap Sining Dance Troupe.
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!

