Mga Walang Takot sa Diyos
PATULOY ang puksaan ng Puwersa ng Kadiliman at ng Puwersa ng Kasamaan. Bilang helpless na audience ng kanilang mga pasabog na kasinungalingan, kabobohan, at kalokohan, naiisip ko, bakit ang mga taong ito, lalo na ang sa Puwersa ng Kasamaan, ay tila walang takot sa Diyos, lalo na sa paggamit ng pangalan

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
PATULOY ang puksaan ng Puwersa ng Kadiliman at ng Puwersa ng Kasamaan. Bilang helpless na audience ng kanilang mga pasabog na kasinungalingan, kabobohan, at kalokohan, naiisip ko, bakit ang mga taong ito, lalo na ang sa Puwersa ng Kasamaan, ay tila walang takot sa Diyos, lalo na sa paggamit ng pangalan ng Diyos para sa kanilang mga kabulastugan.
Halimbawa na lamang itong si Senador Bato dela Rosa na kapag magyabang at magsinungaling sa Senado ay sasabihin pang guided siya ng Holy Spirit. At nitong malakas na ang ugong nga balita na lumabas na ang warrant of arrest para sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC) at nagtatago na siya (ilang araw na siyang absent sa Senado) ay biglang nag-post sa social media na may kasamang pari dahil itong tagapagpatupad ng Oplan Tokhang ni Duterte ay bigla nang naging madasalin.
Wala namang masama kung talagang naging madasalin na si Bato. Sabi nga ni Hesus, hindi siya dumating sa mundo para sa mga busilak at malinis kundi para sa mga makasalanan. Pero hindi naman kailangang gamitin sa kabulastugan ang pangalan ng Diyos. Maaari namang magdasal kasama ang sinumang pari o obispo at huwag nang ipangalandakan pa sa Facebook. Aminin na ang kasalanan, magtika, at magbago na walang nakatutok na kamera. At maging totoo. Huwag kalimutang kaya nating magsinungaling sa harap ng mga Dutertard pero hindi tayo makapagsinungaling sa harap ng Panginoon. Masama ang magsinungaling. Pero ang magsinungaling gamit ang pangalan ng Panginoon ay doble o tripleng kasamaan pa ito.
Nakakapanindig balahibo rin ang claim ni Senador Alan Peter Cayetano na siya ang “Ambassador of Jesus Christ.” Diyos ko! Na manggaling ito sa isang trapo at miyembro ng isang political dynasty ay hindi lamang nakakatawa kundi nakakapanggalaiti pa. Sobrang kapal lang talaga. Dagdagan pa na isa siya sa mga masugid na tagapagtanggol ng pagpatay ng administrasyong Duterte sa libo-libo adik at drug pusher at mga napagkamalang adik at drug pusher sa paraang extra-judicial killing noon. Hindi pupuwedeng ambassador ka ng berdugong si Digong noon at ngayon ay ambassador ka na ni Jesus Christ. Masyado naman pambabastos ito kay Hesus.
Ang nakakatawa sa lahat ay ang Iglesia ni Cristo (INC). Lalo na ang tatlong araw sana na naging dalawang araw na “prayer rally” o “rally for peace” nila noong Nobyembre 16 at 17 sa Quirino Grandstand sa Luneta. Nag-celebrate ako ng birthday ko sa Manila Hotel noong Nobyembre 15 at nakita naming naghahanda na sila sa Luneta. Kinunan ko pa nga ng larawan ang ilang billboard nila na nagsasabing “Rally for Transparency and a Better Democracy.” Mayroon din na ang nakalagay, “Mga Pinunong Gahaman Sumisira sa Bayan.”
Super-duper agree ako sa dalawang mensaheng ito. Kailangan talaga ng transparency mula sa mga namumunong politiko at opisyal sa buong bansa, at kailangang-kailangan natin ng mas maayos at totoong demokrasya. Totoong-totoo rin na ang mga gahamang politikong namumuno sa atin ang sumisira sa bayan.
Ang kaso, dahil INC ang nagsasabi nito, natatawa ako. Hello! Suportado ninyo si Sara Duterte na ayaw i-explain kung paano napunta sa tsitsirya gang, katulad ni Mary Grace Piattos, ang pera ng opisina niya. Imagine, PhP125 million ginasta niya sa loob ng 11 days? Nag-“Peace Rally” pa nga kayo noon para pigilan ang impeachment ni Inday Sara na nagta-tantrums kapag tinatanong tungkol sa budget at liquidation ng opisina niya. So anong transparency ang tinutukoy ninyo? Unless nag-iba na ang meaning ng “transparency” kagaya ng nangyari sa “forthwith” noon?
Nakakatawa rin na manawagan ang INC ng “better democracy” e nagba-bloc voting sila. Kailanman ay hindi matatawag na democratic ang bloc voting. Maliban na lamang kung nag-iba na uli ang kahulugan ng salitang “democracy.”
Ang nakakaloka sa lahat, sa INC “prayer rally” na ito, nagsalita ang dalawang trapo na kwestiyunable ang record sa transparency. Paano maging kapani-kapaniwala ang INC na pinagsalita nila si Senador Rodante Marcoleta na kaaamin lang na nagsinungaling siya under oath sa isinumite niyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025 sa Commission on Elections? Alin ang transparency dyan na ayaw niyang sabihin kung sino ang nagpondo ng kaniyang kandidatura? Nakalagay sa SOCE niya na PhP139.9 milyon ang ginasta niya sa kaniyang pagtakbo subalit PhP52 milyon lamang ang pera niya ayon sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth? Kung talagang para sa transparency and good governance ang rally ninyo, bakit ninyo pinagsalita ang isang sinungaling na senador?
At ito pa ang pinakabongga, nagsalita rin si Senadora Imee Marcos. Paano na-connect ng INC ang mga konsepto ng transparency at democracy sa pangalan at mukha ni Imee Marcos? Marcos + Transparency and Democracy = Malaking Cannot Be! To top it all, habang inaakusahan ni Imee ang kaniyang kapatid na si BBM at ang asawa at mga anak nito na mga adik, si Imee naman itong tunog bangag at palakpakan at hiyawan naman ang mga INC na nasa rali. Kalerki!
Matapos magpalabas ang mga alipores at fake news peddler ng Puwersa ng Kasamaan na ang Tatay Digong nilang nakakulong sa The Hague ay nawalan ng malay o naghihingalo na para siguro makakuha ng simpatya at bakasakaling mag-materialize ang 32 million na bumoto kay Sara Duterte at mapatalsik si BBM noong three-day pathetic rally nila, bigla silang kumambiyo ngayon dahil nagsalita na ang presyong gintong abogado ni Duterte sa The Hague na wala itong katotohanan, na okey si Digong. Nataranta muli ang abogado nila dahil magdedesisyon na ang appeals chamber ng ICC ngayong linggo sa ibinasurang hiling nila na bigyan ng interim release ang tatay nila. Malaking dagok kasi sa legal calisthenics ng abogado ang mga fake news na ipinapakalat ng mga anak ni Duterte at ng mga Dutertard. Halimbawa lang ang nakakatwang naratibo nilang kinidnap si Tatay Digong ng ICC.
Ngayon ang appeal ng fugitive na si Harry Roque at ng forever sidekick ni Duterte na si Senador Bong Go ay ipagdasal natin si Rodrigo Duterte. Natatawa ako sa mga comment sa social media. May mga nagtatanong, kanino tayo magdadasal? Hindi naman siguro kay “stupid god?” Nakakahiya din naman sigurong humingi ng tulong na dasal mula sa “p*tang in*ng santo papa” di ba? At siyempre, marami sa mga Pinklawan na tulad ko ang ayaw na ayaw magdasal kay Lucifer!
Mahaba-haba pa ang puksaang ito ng Puwersa ng Kadiliman at ng Puwersa ng Kasamaan. Sana in the process, ipagdasal natin na huwag mapuksa ang ating bansa.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

