Libreng Payo ng Sirena sa Nepo Babies

Ni John Iremil Teodoro MATAGAL ko nang sinasabi na hindi dapat ipagmalaki ang mga yaman na hindi pinaghirapan lalo na ang mga ninakaw sa kaban ng bayan. Dahil sa kontrobersiya ngayon sa korapsiyon sa mga flood control project ng pamahalaan na bilyon-bilyon na ang usapan, biglang nalagay sa nakakahiyang spotlight ang mga nepo baby. Ayon
Ni John Iremil Teodoro
MATAGAL ko nang sinasabi na hindi dapat ipagmalaki ang mga yaman na hindi pinaghirapan lalo na ang mga ninakaw sa kaban ng bayan. Dahil sa kontrobersiya ngayon sa korapsiyon sa mga flood control project ng pamahalaan na bilyon-bilyon na ang usapan, biglang nalagay sa nakakahiyang spotlight ang mga nepo baby.
Ayon sa Merriam-Webster, ang nepo baby ay “a person who gains success or opportunities through familial connections, especially a child of a famous parent (such as an actor, musician, entrepreneur, or politician.” Pero sa karimarimarim ngayon na mga eskandalo ng korapsiyon sa House of Representatives, Senado, at Department of Public Works and Highways (DPWH), parang nagkakaroon ng Philippine English na kahulugan ang nepo baby na mas tumutukoy na sa mga anak ng mga korap na politiko at mga kontraktor sa gobyerno tulad ng mga Marcos, Duterte, Co, at Discaya. Lalo na ang mga mahilig mag-post sa social media ng masyado nilang marangya na lifestyle. Nag-aapela na nga ang mga Discaya na huwag idamay ang mga anak nila sa panlalait. Pero siyempre nandiyan din ang mga anak at apo nina Marcos Sr. at Marcos Jr. na patay-malisya lang, at ang mga anak at apo ni Rodrigo Duterte na mayayabang pa rin at tila hindi nahihiya na hindi nila kayang ipaliwanag ang masyadong marangya nilang buhay.
Para sa mga taga-Isla Panay, kilala din natin siyempre ang mga nepo baby na chill lang muna ngayon at parang low profile muna habang bongga pa ang eskandalo ng korapsiyon halls of power sa Metro Manila. Pamilyar siyempre sa atin ang mga apelyido ng mga politiko na tinuturing na pamana ang mga posisyon nila at ginagawang pampamilyang kabuhayan showcase ang pagseserbisyo-publiko. Serbisyong publiko na sila lang ang yumayaman at ang publiko ay lalong nasasadlak sa kahirapan.
Naiisip ko rin, kung ikaw ang nepo baby na hindi pa nagkakapuwesto sa pamahalaan dahil masyado ka pang bata o walang appetite sa politika pero ini-enjoy mo ang sarap ng buhay dahil sa perang ninakaw ng mga magulang mo, ano kayâ ang maaari mong gawin? Hindi mo naman pinili ang mga magulang mo. Hindi mo naman hiniling kahit kanino na ipanganak ka sa isang pamilya na magnanakaw sa kaban ng bayan. Naniniwala naman ako na hindi lahat ng nepo baby ay happy and proud sa kinabibilangang pamilya. Kung tutuusin, parang biktima rin sila ng tadhana.
Kayâ heto ang advise ng Sirena para sa mga nepo baby kung paano nila ma-redeem ang kanilang sarili at hindi maging bahagi ng pagiging magnanakaw at gahaman ng kanilang angkan.
Una, aminin sa sarili na ang lahat ng kinakain mo, suot mong damit, mga gamit mo, ang mga bahay ninyo, ang mga luxury car ay hindi talaga inyo kundi nakaw lang. Dapat habang kumakain ka ng masarap, isipin mo marami kang kababayan ang hindi makakain nang tatlong beses isang araw dahil sa mga magulang mo. Dapat habang natutulog ka sa malambot mong kama sa aircontioned mong kuwarto, huwag mong kalimutan na marami ang nakatira sa barong-barong o sa kariton dahil nagnakaw ang mga magulang mo. Dapat bago ka mag-post ng mga biyahe mo abroad, isipin mo na marami ang hindi nakapag-aral kasi nagnakaw ang mga magulang mo.
Pangalawa, mag-aral kang mabuti. Kung bilyones ang ninakaw ng mga magulang mo, sa abroad ka na mag-aral. Para doon hindi ka kilala at walang temtasyon ng pagbibigay sa ‘yo ng pabor o special treatment. Kung dito ka man mag-aral sa Filipinas, huwag maging mayabang. Low profile ka lang dahil alam mo na ang pinambayad mo sa tuition, ang tinitirhan mong bonggang condominium o apartment, ay nakaw ng mga magulang mo. Kayâ huwag magbulakbol dahil pera ng taxpayer ang pinang-tuition mo. Kapag sa abroad ka nag-aral, huwag ka nang umuwi. Mag-migrate ka sa Amerika, Canada, Europa, o Australia. Kayang-kaya mo rin itong gawin kahit dito ka nag-graduate sa Filipinas. Basta ang goal, lumayas ka para maging malayo sa pamilya mong magnanakaw. Huwag mong hayaang mahawa ka sa pagiging gahaman sa perang hindi ninyo pinaghirapan. Kapag nakalipat ka na sa ibang bansa, magtrabaho ka ng patas. Kalimutan mo na ang marangya mong buhay sa Filipinas dahil ang karangyaang ito ay kapalit ng dugo at pawis ng iyong mga kababayan.
Pangatlo, kapag may minana mula sa iyong mga magulang, isipin mo agad na hindi mo pera o pag-aari ito. I-donate mo sa charity o ibalik sa pamahalaan. Ito lang ang paraan para mahugasan kahit papaano ang kasalanan ng inyong angkan. Paraan din ito para hindi madamay ang sarili mong dignidad at pagkato. Para hindi mapunta sa impiyerno ang iyong kaluluwa balang araw.
Alam kong mahirap gawin ito. Mas madaling gumaya ka sa mga magulang mo. Kahit walang kang talino o talento, at kahit mag-ngiyawyaw ka lang sa Kongreso, o mag-meltdown sa mga pa-presscon mo, at huwag magtrabaho, kikita ka pa rin nang bongga. Pero masasayang ka. Masasayang ang buhay mo. Hindi mo pinili ang mga magulang mo subalit kayang-kaya mong piliin ang kaligtasan mo.
Espiritwal na kaligtasan ang tinutukoy ko rito. Kahit kasi magpatayo kayo ng templo, katedral, o hardin ng mga pangit na dambuhalang estatwa ni Mother Mary o ni Jesus Christ, wa epek ang mga ito. Dahil walang makapagsinungaling sa harap ng Diyos, hindi natin mauuto ang Diyos, at lalong hindi natin mababayaran ang Diyos tulad ng mga botante, pulis, at huwes. Sabi nga nila, gaano man karami ang perang maipon natinc dito sa ibabaw ng daigdig, hindi natin ito madadala sa langit o sa impiyerno.
Ang desisyon ng pagpili kung ano ang tama at makatarungan ay nasa iyo, beybi kong nepo!
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

The case for a Risa Hontiveros presidency
Familiar faces from past struggles, alongside a new generation of activists and advocates, gathered in an informal reunion during the first Panay-wide, multisectoral assembly of the Risa Na! Movement at the La Paz Plaza Covered Gym. The event served as a venue for uniting individuals and groups from various political backgrounds


