ISSHCON 2025
By John Iremil Teodoro Tumatak talaga sa akin ang keynote address ni Haiquing Yu na Professor of Media and Communication ng Royal Melbourne Institute of Technoloy ng Australia na pinamagatang “Against the AI Fix.” Gusto ko ang sinabi niya na, “Not every problem needs a digital solution.” Sa kasikatan kasi ng AI o artificial intelligence

By Staff Writer
By John Iremil Teodoro
Tumatak talaga sa akin ang keynote address ni Haiquing Yu na Professor of Media and Communication ng Royal Melbourne Institute of Technoloy ng Australia na pinamagatang “Against the AI Fix.” Gusto ko ang sinabi niya na, “Not every problem needs a digital solution.” Sa kasikatan kasi ng AI o artificial intelligence ngayon, parang lumalabas na ito na talaga ang future at ang mag-aayos ng maliliit at malalaking problema ng mundo.
Ang 2nd International Social Sciences and Humanities Conference (ISSHCON) ngayong taon na ginanap sa Tagbilaran City sa Bohol noong Agosto 13-16 ay may temang “Reth(A/I)inking the Environment: Sustainability and Health in the Age of AI.” Kumperensiya ito na inorganisa ng College of Liberal Arts (CLA) ng De La Salle University katuwang ang Bicol Island State University.
Bilang isang research center na nasa ilalim ng CLA, tumulong din sa pag-organisa ang Bienvenido N. Santos Creative Writing Center na aking pinamumunuan. Noon nakaraang taon nang umpisang pagplanuhan ang kumperensiyang ito, talagang AI at United Nations Sustaible Development Goals (SDG) na ang napagkasunduan naming maging sentro ng talakayan. Ngayong taon, nadiskubre naming kaliwa’t kanang mga kumperensiya na ang tumalakay sa AI. Ito nga naman talaga ang penomenong sakop at sinasakop ang maraming aspekto ng buhay ng mga tao sa buong daigdig. Sa akademya, ilang taon nang pinag-uusapan ang epekto ng AI sa pagkatuto ng mga estudyante. Parami nang parami na ang mga estudyanteng gumagamit ng AI sa pagsulat ng kanilang mga term paper, tesis, at disertasyon ngayon.
Ang kritikal na lenteng ginamit ni Prof. Yu ay feminismo. Sabi niya, hindi naman layon ng kaniyang feminist critique na itakwil ang AI. Nais lamang niyang muling tingnan ang mga tanong hinggil dito at ilagay ito sa nararapat na kontexto at mga ugnayang panlipunang naaapektuhan nito.
Mapapaisip ka talaga sa mga tanong na pinakawalan niya: Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging solusyon ng AI sa mga kasalukuyang problema ng lipunan at ng buong mundo? Ano bang mga relasyon at ugnayan ang nalilikha ng AI? Mas magtitiwala ba tayo sa teknolohiya at mga makina kaysa isa’t isa?
Mula sa perpektibang feminista, sinasabi ni Prof. Yu ang mitong isinusulong hinggil sa AI tulad ng pagiging “universal solution” ng AI sa mga problema ng lipunan at kapaligiran. Naririyan din ang “techno-solutionism” at “tech neutrality” at nakakalusot ang kolonyalismo at kapitalismo dahil dito. Ang pinakamasaklap sa lahat ay ang tinatawag niyang “digital colonialism” na sanhi ng mga “big-tech driven narratives, at “data extractivism” at pagkabura ng kaalamang lokal.
Ang mga sinasabi niyang ito ay makikita na rin natin sa Facebook ngayon. Halimbawa, maraming mga advertisement ngayon ang hinggil sa pagkatuto ng AI para mas maging angat sa karera at negosyo. Kontrolado na rin ng AI ang mga balita sa social media na panay fake news. Talagang AI ang pangunahing armas ng mga troll farm. Laganap din ang mga fake account. May mga FB account na kahit hindi naman talaga fake ay fake ang mukha sa profile. May iba na ibang-iba ang itsura nila sa FB profile nila kaysa personal dahil ito sa sobrang paggamit ng filter.
Maraming gamit na magaganda ang AI subalit kapag ginamit ito sa masamang paraan ay masyadong malaki ang epekto nito dahil sobrang bilis ang pagkalat nito. Ang isang magandang halimbawang ibinigay ni Prof. Yu ay ang paggamit ng AI sa pagsasaka sa India. Nagagamit ito sa “high precision farming” tulad ng pagpupunla, pagdilig, paglagay ng pampataba, at sa pag-ani.
May mga feminist alternative sa paggamit ng AI sabi ni Prof. Yu. Dapat tingnan ang AI kung paano ito gamitin para sa kapakanan ng karamihan lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Kailangang pag-isipan kung paano ito magagamit sa pangangalaga ng kapuwa, sa pagsulong ng katarungan, at sa pagkakaroon ng alternatibong imahinasyon ng mas mabuting mundo.
Sa kaniyang kongklusyon, ibinahagi ni Prof. Yu ang mga sumusunod: (1) Ilipat ang AI mula sa sentro tungo sa kontekstuwal na gamit nito; (2) Muling tingnan ang paggamit natin ng AI mula sa pagiging comsumer lang tungo sa pagiging responsableng tagapag-ingat nito; at (3) Muli nating balayin ang tiwala at malasakit sa isa’t isa.
Sa pagkakatindi ko, sinasabi ni Prof. Yu na kailangan nating pag-isipan at busisiin ang mga mabisang paraan upang magamit natin ang AI sa kabutihan at hindi sa kasamaan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

