Electron Microscope at iba pang Hi-tech na Gamit
BIGLA ko tuloy naalala ang thesis namin ng college BFF ko na si Ooy na pinamagatang “Phytochemical Screening for the Antifungal Properties of Impatiens balsamina Flower” para sa B.S. Biology degree namin sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Naalala ko ito habang nagto-tour sa mga laboratoryo sa De La

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
BIGLA ko tuloy naalala ang thesis namin ng college BFF ko na si Ooy na pinamagatang “Phytochemical Screening for the Antifungal Properties of Impatiens balsamina Flower” para sa B.S. Biology degree namin sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Naalala ko ito habang nagto-tour sa mga laboratoryo sa De La Salle University (DLSU) Laguna Campus noong Lunes, Hunyo 23. Agad kong kinunan ng picture ang mga laboratory equipment para sa chromatography at electron microscopy at pinadala kay Ooy sa Messenger sabay sabing ito pala dapat ang ginamit namin sa pagsagawa ng pananaliksik sa thesis namin noon.
Natawa rin ako siyempre sa aking sarili dahil 1994 pa kami nag-graduate ni Ooy sa B.S. Biology. Isa na nga siyang neuroanesthesiologist ngayon at ako naman ay quack doctor na ng literatura. Masaya naman si Ooy sa practice niya sa Roxas City sa Capiz at masaya naman ako sa pagiging propesor ko rito sa DLSU sa Manila.
Masyadong hi-tech ang mga gamit sa mga laboratoryo sa aming Laguna Campus. Noong Lunes ay may open house ang Central Instrumentation Facility (CIF) at ang Institute of Biological Control (IoBC) doon. Ang gawaing ito ay pre-event ng DLSU Research Congress 2025 na gaganapin sa Hunyo 26-28. Nang makatanggap ako ng imbitasyon sa email mula kina Dr. Anna Karen Laserna (CIF Director) at Dr. Divina Amalin (IoBC Director) hinggil dito, agad akong nagtanong kung may masasakyan mula Taft Campus patungong Laguna Campus dahil gusto kong pumunta. Inimbita nila ako bilang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Inimbita kasi nila ang lahat ng mga research center director na kasama namin sa Research 1 Committee sa ilalim ng opisina ni Vice President for Research and Innovation, Dr. Raymond Tan. Si Dr. Tan ay nangungunang climate change researcher ng bansa at kasama siya sa 2% ng mga iskolar sa mundo base sa research impact ng kanilang mga pananaliksik.
For the first time nakakita ako ng electron microscope. As in may tatlong electron microscope sa Integrated Electron Microscopy Laboratory. Sabi ng in-charge ng laboratoryong ito, ang electron microscope nila ay mga 1 million times ang magnification! Gin-PM ko kay Ooy ang picture nito at ang magnification power nito. Sabi niya, “Meron sa La Salle niyan? Di ba sa libro lang natin na-encounter iyan?”
Bukod sa Integrated Electron Microscopy Laboratory, mayroon pang anim na iba pang laboratoryo sa ilalim ng CIF. Ang Nuclear Magnetic Resonance Laboratory, Chromatography Laboratory, Imaging and Cell Culture Laboratory, Spectroscopy Laboratory, Fabrication Laboratory, at Wind Tunner Laboratory. Sabi ni Karen, coming soon ang Molecular Biology Laboratory nila. Sa unang bahagi ng open house ay binisita namin ang mga laboratoryong ito. Information overload siyempre ang nangyari sa utak ko. Pero ang sabi ko nga kina Karen at Ma’am Divina, hindi naman ako totally lost dahil B.S. Biology graduate naman ako. Naisip ko nga, siguro kung ngayon kami gumawa ni Ooy ng thesis namin tungkol sa pink kamantigi flower at may access kami sa ganitong mga laboratoryo ay siguradong mas bongga ang nagawa naming pananaliksik.
Ang Institute of Biological Control naman ay may apat na component units. Ang Biological Control Research Unit, CVDPhil na isang Niche Centers in the Region for Research and Development na may pondo mula sa Department of Science and Technology, Chemical Ecology Laboratory, at International Collaborative Research Laboratory. Binisita din namin ang mga opisina at laboratoryo ng apat na component na ito. Gusto ko ang mga ginagawa nilang pananaliksik dahil nakakatulong sila sa kapaligiran at sa pagsasaka sa pamamagitan ng pag-develop ng mga natural na pamamaraan ng pest control. Halimbawa, nakadiskubre sila ng isang lamok na hindi nangangagat at ang kitikiti nito ay kinakain ang mga kitikiti ng iba pang mga lamok na nangangagat. Abangan sa susunod kong mga kolum ang tungkol dito at ng iba pa nilang mga pananaliksik.
May dalawang pagkakataon lang akong natatandaan na tila nagsisisi ako kung bakit hindi ako nagpatuloy sa medicine proper noon kasabay ni Ooy. Una ay noong na-renal failure ang nanay ko at ako ang nagpi-peritoneal dialysis sa kaniya hanggang sa ma-kidney transplant siya at naubos ang savings nila ng tatay namin at kailangang manghiram ng pera para may pampagamot sa kaniya. At ang pangalawa ay noong Lunes ngang iyon nang makita ko kung gaano ka-hi-tech ang mga gamit sa laboratoryo sa DLSU Laguna Campus. Naisip ko lang kasi na siguro kung hindi ako tumiwalag sa siyensiya ay bakâ mas masaya ako bilang scientist kaysa guro ng literatura. Lalo na ngayong ang tamad na ng karamihan sa mga estudyante na magbasa. Sa creative writing community naman (at least dito sa Filipinas), pataasan ng ihi ang mga manunulat, kaniya-kaniyang makasariling adyenda, may mga mafia, at sari-sariling literary barkadahan. Naisip ko rin siyempre na bakâ may ganito rin namang politika sa mga siyentista.
Pero naisip ko lang kasi, hindi ka puwedeng maging “mad woman (o gay) writer in the attic” ang drama sa isang departamento ng literatura at susuwelduhan ka pa rin ng kolehiyo o unibersidad mo. Pero mukhang puwede talagang maging “mad scientist in the laboratory” ang magiging drama mo kapag nasa isang campus ka katulad ng sa DLSU Laguna Campus. Basta marami kang Scopus publication dahil malaking ambag ito sa mga university ranking.
Sa ngayon kasi, parang unti-unting nawawala ang halaga sa isang malikhaing manunulat sa mundo ng akademya lalo na ngayon na ang goal talaga ng Department of Education at Commission on Higher Education ay tanggalin ang lahat ng mga general education humanities subjects, lalong-lalo na ang literatura at malikhaing pagsulat, sa kurikulum ng senior high school at kolehiyo.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

