Ang Sekretong Hardin ni Sonya
By John Iremil Teodoro RUROK ng busilak na kasiyahan ang pagsabog ng malinis na lasa ng letus, pipino, karots, singkamas, at mga talulot ng bulaklak na pinatakan ng strawberry vinaigrette sa aking dila. Napapapikit talaga ako sa sarap at sa aking isipan nakikita ko ang Baguio, ang Sagada, at ang Aningalan! Ang mga masasayang alaala

By Staff Writer
By John Iremil Teodoro
RUROK ng busilak na kasiyahan ang pagsabog ng malinis na lasa ng letus, pipino, karots, singkamas, at mga talulot ng bulaklak na pinatakan ng strawberry vinaigrette sa aking dila. Napapapikit talaga ako sa sarap at sa aking isipan nakikita ko ang Baguio, ang Sagada, at ang Aningalan! Ang mga masasayang alaala ko da mga lugar na ito ay bumubuhos na parang malambing na ulan sa aking handurawan habang kinakain ko ang spring roll salad ng Sonya’s Secret Garden.
Pinagtatawanan ako ng dalawang kaibigang kasama ko, sina Ronald (ang aking Ateng) at ang high school friend niyang si Girard na isang dermatologist. Nagbakasyon kami ng nagdaang dalawang araw sa isang resort sa Talisay, Batangas na nasa dalampasigan ng Lawa Taal. Pauwi na kami ng Manila at dumaan kami sa Sonya’s Garden para mananghalian. Papunta pa lamang kami ng Batangas noong Sabado ay napagkasunduan na namin na sa aming pag-uwi ay dadaan kami sa sikat na harding ito.
Ang Sonya’s Garden (Popular ito sa ganitong pangalan pero ang mga arko at signage doon ay Sonya’s Secret Garden ang nakalagay.) noon pa man bilang isang restawran sa Tagaytay dahil sa salad nilang may mga bulaklak. Sa isipan ng marami ay nasa Tagaytay ito subalit nasa Alfonso, Cavite talaga ito na mga kalahating oras na biyahe ang layo nito mula sa sentro ng Tagaytay.
Ang salitang paraiso ay mula sa lumang Persian na ang ibig sabihin ay isang hardin na napapaligiran ng bakod na yari sa lupa o putik. Ganito ang Sonya’s Secret Garden, isang paraiso. Hindi na sekreto ang sikat na hardin na ito na may restawran na masarap at healthy ang pagkain, na napapalibutan ng mga bulaklak at halaman. Ang pumasyal lang sa hardin nito ay sulit na ang pagbiyahe mula Manila.
Pangalawang beses ko pa lamang na pagpunta ito sa Sonya’s Garden. Noong tag-araw ng 2022 nang una akong kumain doon na ang kasama ko ay sina Ronald at Girard din. Nagbakasyon din kami noon sa isang beach resort na nasa Mabini, Batangas naman. Pero matagal ko nang naririnig ang hardin na ito at marami na rin akong nabasa nga mga feature article hinggil dito.
Sa unang pagpunta ko roon, parang “controlled buffet” ito dahil may pandemic pa noon. Eat all you can pero i-order mo sa waiter ang mga gusto mong kainin na dadalhin niya ito sa mesa ninyo. Ginagawa ito para masigurong hindi magbanggaan o maging pisikal na malapit sa isa’t isa ang mga kustomer nila upang maiwasan ang pagkalat ng mikrobyo o virus. Pero ngayon, totoong buffet na talaga na nakalatag sa mahabang mesa ang mga pagkain. Ang sprill roll salad ang binabalikbalikan ko.
Siyempre kumain din ako ng adobong baboy, tapang baka, at piniritong danggit. Talagang trying hard ako na kaunting kanin lang ang kainin. Masarap pa naman sana sa daing ang putimputing kanin, ang nangingintab na sinangag, at ang puting kanin na may malunggay. Matapang din ang kape barako nila at malapot ang tsokolate de batirol nila. Parang tsokolate sa Hotel del Rio sa Iloilo! Hindi ko napigilang kumuha ng apat na piraso ng piniritong saging saba at tatlong piraso ng maliliit na turon. Perpekto kasi talaga ito sa mainit na tsokolate.
Sabi ko nga kina Ronald at Girard habang nagbibiyahe na kami mula roon pauwi ng Manila, parang Sonya’s Garden din ang balak naming gawin ng partner kong si Jay sa Aningalan. On a smaller scale nga lang. Na mas malamang pribado lamang. Isang hardin na para lamang sa mga kamag-anak at kaibigan namin.
Habang pinagmamasdan ko ang mga halaman at bulaklak doon ay naiisip ko ang mga bulaklak at halaman namin ni Jay sa aming bahay sa Maybato. Malago at namumulaklak din ang aming mga bogambilya. Ang mga kosmos na kasama sa salad ay marami din kami. Maglalagay na talaga ako ng bulaklak na ito kapag mag-salad kami.
Habang kumukuha ako ng spring roll salad ay tinanong ko ang isang weyter kung ano-anong mga bulaklak ang kasama rito pati na rin ang nasa mangkok na inilalagay din sa salad. Kasama siyempre ang mga talulot ng kapipitas na rosas. Matagal ko nang alam na kinakain talaga ang rose petals dahil sa nobelang Like Water for Chocolate ni Laura Esquivel na may sikat na movie adaptation noong 1990s. May isang karakter na mahilig magluto na ang isa sa mga specialty niya ay ang fried pigeons in rose petal sauce.
Kasama rin sa salad sa Sonya’s garden ang mga bulaklak ng impatiens, nasturtiums, kosmos, at ternatea o Asian pigionwings. Itong huli ay tinatawag ding blue pea o butterfly pea at marami kami nito sa hardin namin ni Jay. Naalala ko, kumuha lang kami ni Jay ng buto nito noong Hulyo ng nakaraang taon sa isang pader na nadaanan namin sa poblasyon ng San Jose de Buenavista at agad itong itinanim ni Jay. Mabilis na tumubo at dumami kaagad. Ngayon hindi na tumitigil sa pamumulaklak. Ginagawa itong tsaa o pampakulay sa kanin. Ngayon alam ko nang maaari din pala itong isama sa salad.
Kayang-kaya ang pagkakaroon ng isang organic na farm to table restaurant tulad ng Sonya’s Garden sa buong Filipinas. Maganda ito para sa kalusugan ng mga kakain at sa kalusugan ng kapaligiran. Maganda rin ito para sa lokal na ekonomiya. May tindang mga organic na gulay doon at mga produktong tulad ng mga jam, puree, wine, at salad dressing. Mga produkto ito ng Samahan n Organic Farmers ng Sonyas (SOFS). Napakagaling na gawain ito dahil naoorganisa ang mga magsasaka at nakukumbinsi pa silang mag-organic farming. Kapag ganito dapat lamang na tangkilikin natin ang Sonya’s Garden at ang mga kagaya pa nitong ecofarm na may kasamang social entrepreneurship.
May mga alam na rin akong ganitong klase ng farm sa Negros Occidental. Sa Lungsod Iloilo may ilang farm to table restaurant na rin. Sana dumami pa. At naisip ko, kayang-kaya naming gawin ni Jay ito sa Aningalan. Masyado nga lang malaki at bongga siyempre ang Sonya’s Secret Garden para sa pinapangarap naming farm to table lifestyle. Maliit lang na bahay ang pangarap namin ni Jay na napapalibutang ng mga halamang gulay at bulaklak.
Marami nang mga strawberry farm, flower farm, at vegetable farm sa Aningalan ngayon. Sana lang ay mas mapalaganap pa doon ang organic farming. Ang maganda, ngayon pa lang nagsisimulang mag-expand at maging sikat na tourist destination (at least para sa mga taga-Antique at mga taga-Panay) ang Aningalan at maaari itong magsimula sa tamang pamamaraan ng ecofarm tourism. Ang pangarap namin ni Jay, sana maging sikat sa Aningalan area ang praktis ng permaculture. Ito na lamang dapat ang suportahan ng pamahalaan at kalimutan na ang balak nilang pagmimina sa kabundukan ng Antique.
Siyangapala, si Sonya Garcia, ang may-ari ng Sonya’s Secret Garden, ay tubong Mambusao, Capiz. Ang kaniyang pagmamahal sa paghahardin ay doon unang napukaw at nalinang sa hardin ng kaniyang lola na tinatawag niyang Mamá Merced na may maliit ngunit magandang hardin sa kanilang bahay na yari sa nipa at kawayan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

