Ang mga wala sa Manila International Book Fair
Ni Noel Galon de Leon
Matagal ko nang isinuko ang Manila International Book Fair, hindi dahil wala itong halaga, kundi dahil bilang manunulat at publisher mula sa Region VI, maaga kong naunawaan na hindi natin maaaring isandig sa isang book fair sa Metro Manila ang tagumpay ng lahat ng ating literary, book, at literacy initiatives sa mga rehiyon. Hindi naging madali para sa akin ang ganitong pag-unawa, lalo na noong mga unang taon na parang mahalagang ritwal para sa isang publisher ang makarating sa Manila, makapag-display ng libro, makahanap ng mambabasa, at masabing bahagi tayo ng mas malaking industriya ng libro sa bansa. May kakaibang validation kapag nakikita mo ang iyong libro sa isang malaking convention hall sa Maynila, katabi ng malalaking publishing house, kilalang authors, at mga pamagat na may kakayahang umabot sa pambansang merkado. Ngunit habang tumatagal, mas lalo kong nakikita ang isang simpleng tanong na hindi natin dapat katakutan: Sino ang mga wala roon, at bakit wala sila? At marahil, mas mahalaga pa, ano ang ibig sabihin ng kanilang pagkawala sa isang pambansang usapan tungkol sa pagbabasa, pagsusulat, paglalathala, at kultura?
Hindi ko rin nais sisihin ang mga manunulat na patuloy na nangangarap makasali sa Manila International Book Fair, dahil naiintindihan ko kung bakit mahalaga ito sa kanila. Para sa maraming writers, lalo na iyong nagsisimula pa lamang, ang MIBF ay tila isang pagkakataon upang makita ang kanilang pangalan, makilala ang kanilang libro, makahanap ng publisher, makabuo ng network, o simpleng maranasan kung ano ang pakiramdam na mapabilang sa isang malaking literary ecosystem. Hindi masama ang mangarap na makarating sa Maynila, at lalong hindi masama ang maghangad na mabasa ng mas maraming tao. Ang problema ay kapag nasanay tayong isipin na ang pagkilala sa Maynila ang sukdulang sukatan ng halaga ng isang libro, at kapag hindi nakapasok sa malaking book fair ay para bang hindi sapat ang libro, manunulat, o publisher. Dito ako mas nagiging mapanuri, dahil ang ganitong pananaw ay hindi lamang personal na usapin kundi usapin ng istruktura ng ating book industry. Kung ang sentro lamang ang paulit-ulit nating tinatanaw bilang pamantayan ng tagumpay, paano natin tunay na mapapalakas ang mga reading community sa mga lugar na malayo sa sentro?
Kaya para sa akin, mahalagang maging mapanuri tayo sa Manila International Book Fair at sa iba pang malalaking book events, hindi upang maliitin ang kanilang halaga kundi upang maunawaan kung ano talaga ang kanilang ginagawa at kung ano ang hindi nila kayang gawin. Ang isang malaking book fair ay maaaring maging mahalagang marketplace, networking space, promotional platform, at meeting place para sa iba’t ibang sektor ng industriya ng libro, ngunit hindi ito awtomatikong representasyon ng buong Filipino literary landscape. Hindi lahat ng libro ay naroon, hindi lahat ng publisher ay kayang magbayad para makilahok, hindi lahat ng writer ay may kakayahang bumiyahe, at hindi lahat ng reader sa bansa ay may pisikal o pinansiyal na access upang makarating sa venue. Kapag nakita natin ang mga librong nakadisplay doon, dapat din nating itanong kung anong mga libro ang hindi natin nakikita at kung anong mga kuwento ang hindi nakakarating sa ganitong espasyo. Ang hindi natin nakikita sa isang book fair ay hindi nangangahulugang hindi ito umiiral. Minsan, ang wala sa display ang siyang pinakamahalagang bahagi ng kuwento tungkol sa kung paano talaga gumagana ang Filipino book industry.
Mahalaga ring suportahan ang regional initiatives dahil ang literary culture ng bansa ay hindi lamang nabubuo sa Metro Manila. Sa Western Visayas, halimbawa, may mga manunulat, publisher, reading advocates, teachers, translators, librarians, cultural workers, illustrators, community organizers, at independent booksellers na patuloy na gumagawa ng mga bagay na maaaring hindi palaging napapansin ng national media ngunit may tunay na epekto sa kanilang mga komunidad. May mga librong nakasulat sa Hiligaynon, Kinaray-a, Aklanon, Capiznon at iba pang wika na maaaring hindi kailanman maging national bestseller ngunit mahalaga sa isang bata na unang nakakakita ng sariling wika sa isang aklat. May mga maliit na book fair na walang malaking stage, walang celebrity author, at walang napakalaking crowd, ngunit nagtitipon ng mga bata, guro, magulang, local writers, at community readers. Para sa akin, hindi dapat ikahiya ang ganitong mga gawain dahil ang reading culture ay hindi naman nagsisimula sa malalaking convention hall; nagsisimula ito sa isang silid-aralan, isang barangay library, isang maliit na bookstore, isang community center, isang café, o kahit sa isang tahanan kung saan may isang taong nag-abot ng libro sa isang bata.
Ngunit kailangan din nating maging matapat tungkol sa ekonomiya sa likod ng MIBF. Ang Manila International Book Fair ay bahagi ng book industry, at dahil industriya ito, may negosyo, marketplace, sales targets, distribution networks, marketing strategies, booth costs, logistics, partnerships, rights, institutional buyers, at iba pang economic considerations na kailangang tingnan. Walang masama sa pagiging negosyo ng isang book fair dahil kailangang may economic engine upang mapanatili ang isang malaking event, ngunit nagiging problema kapag ipinapalagay nating ang commercial visibility ay katumbas ng kabuuang kalagayan ng Filipino literature at reading culture. Hindi lahat ng mahalagang libro ay commercially viable, at hindi lahat ng commercially successful na libro ay awtomatikong kumakatawan sa kabuuan ng panitikan ng Filipino. Kung marketplace ang isang malaking book fair, kailangan nating tanggapin na may mga librong mas madaling ibenta kaysa sa iba, may publishers na mas malaki ang kapital, at may authors na mas malakas ang marketability. Ang tanong, kung gayon, ay hindi kung masama ang negosyo, kundi kung paano natin titiyaking hindi tuluyang natatabunan ng lohika ng negosyo ang mga aklat, wika, manunulat, at komunidad na hindi kayang makipagkompetensya sa parehong antas.
Ito rin ang dahilan kung bakit maraming writers at independent publishers mula sa mga rehiyon ang hindi madaling makilahok sa ganitong uri ng gawain. Para sa isang independent writer mula sa probinsiya, hindi lamang registration o booth fee ang kailangang isipin kundi pamasahe, accommodation, pagkain, shipping ng books, transportation ng materials, promotional expenses, at pagkawala ng ilang araw na maaaring ginagamit sana sa trabaho o pagtuturo. Para sa isang maliit na regional publisher, ang perang gagastusin sa isang malaking event sa Maynila ay maaaring katumbas na ng halaga ng pagpapalimbag ng panibagong title, pagbabayad sa illustrator, pagkuha ng editor, pagproseso ng ISBN at iba pang publishing requirements, o pagpapadala ng libro sa mga paaralan at library. Kaya kapag sinabi nating “sumali lang kayo,” kailangang itanong natin: May sapat ba silang resources upang gawin iyon? Hindi lahat ng hindi nakikita sa MIBF ay walang interes na makilahok; marami sa kanila ang simpleng walang sapat na kapital upang bumili ng espasyo sa isang merkadong matagal nang mas pabor sa mga may access, network, at resources.
At dito ko gustong ilagay ang sitwasyon ng independent writers at publishers sa mga rehiyon. Marami sa kanila ang gumagawa ng halos lahat: nagsusulat sila, nag-eedit, naghahanap ng illustrator, nag-aayos ng layout, naghahanap ng printing press, nagpoproseso ng publication requirements, nagbebenta ng libro, nagdadala ng kahon sa mga event, nakikipag-usap sa bookstores, at kung minsan ay sila rin ang nagbabayad sa shipping at marketing. Sa ilang pagkakataon, sariling pera ng writer o publisher ang ginagamit upang mailabas ang isang libro na maaaring walang katiyakang mababawi ang puhunan. Mas mahirap pa kapag ang ginagamit na wika ay isang regional language dahil mas maliit ang commercial market at mas limitado ang distribution network, kahit napakalaki ng cultural value ng mga librong ito. Kaya bago natin husgahan kung bakit hindi “national” ang isang regional publisher, baka kailangan muna nating tingnan kung gaano kahirap maging publisher sa isang lugar kung saan kakaunti ang bookstores, limitado ang institutional buyers, at hindi pa sapat ang ecosystem para suportahan ang independent publishing.
Hindi rin sapat na sabihing kailangan lamang nating “mag-market better” o “mag-social media” upang malutas ang problemang ito. Ang problema ng regional publishing ay hindi lamang kakulangan sa promotion kundi kakulangan sa istrukturang susuporta sa production, distribution, translation, circulation, preservation, at readership. Kung gusto talaga nating palawakin ang reading culture sa Filipino, kailangang may mas seryosong investment sa mga regional publishers at writers, lalo na sa publication grants at translation grants na hindi lamang nakasentro sa iilang institusyon o sa kompetisyong may napakakaunting slots. Kailangang isipin natin ang public funding bilang investment sa cultural infrastructure, hindi bilang pabuya na kailangang pag-agawan ng mga writer at publisher. Hindi dapat ang tanong ay kung sino ang pinakamagaling manghingi ng maliit na grant, kundi kung paano natin mapapalakas ang buong ecosystem upang mas maraming libro ang maisulat, maisalin, mailathala, maipamahagi, at mabasa. Kung tunay nating kinikilala ang libro bilang bahagi ng edukasyon, kultura, at pambansang pag-unlad, bakit tila palaging kailangang makiusap muna ang mga gumagawa nito bago sila suportahan?
Kailangan ding makinig ang mga organizers, government agencies, cultural institutions, at iba pang organisasyong nangangalaga sa books sa mga manunulat at book workers mula sa mga rehiyon. Hindi iisa ang Filipino writer, at hindi rin iisa ang publishing experience ng isang manunulat sa Quezon City, Iloilo, Zamboanga, Davao, Cagayan de Oro, Tacloban, Baguio, Tawi-Tawi, o anumang bahagi ng bansa. Magkakaiba ang kanilang wika, audience, distribution networks, economic realities, cultural contexts, at access sa resources. Kaya kung may mga programang pambansa para sa literature, books, translation, publishing, at literacy, kailangan ng tunay na konsultasyon bago gumawa ng mga polisiya at programa. Hindi konsultasyon na parang requirement lamang sa proposal o meeting na may predetermined na sagot, kundi konsultasyong handang makinig at magbago ng disenyo batay sa aktuwal na karanasan ng mga nasa field. Kung paulit-ulit na pareho ang nakikinabang at pareho rin ang mga problemang binabanggit ng mga regional writers, marahil panahon nang tanungin natin kung ang sistema ba mismo ang kailangang baguhin.
At sa mga manunulat at publishers sa mga rehiyon, ito ang hamon ko: huwag nating hintayin na ang Maynila ang laging magsabi kung mahalaga ang ginagawa natin. Malaki na ang ipinagbago ng MIBF sa mga nakalipas na taon, at marahil kailangan din nating tanggapin na hindi na sapat ang isang malaking annual book fair sa Metro Manila upang maging pangunahing mekanismo ng accessibility ng books para sa isang bansang binubuo ng libo-libong isla, maraming wika, at napakaraming magkakaibang reading communities. Kung hindi sapat ang isang sentrong book fair, gumawa tayo ng sarili nating book fairs. Bumuo tayo ng regional collectives, local publishing networks, community reading festivals, school-based book fairs, mobile libraries, translation circles, independent bookstores, zine festivals, literary gatherings, at iba pang espasyong maaaring maging alternatibo sa centralized model. Hindi mahalaga kung maliit o malaki ang unang event; ang mahalaga ay may nag-uusap, may nag-oorganisa, may nagbabasa, may nagsusulat, may naglalathala, at may gumagawa ng paraan upang ang libro ay makarating sa mga taong hindi karaniwang naaabot ng mainstream distribution.
Bilang isang writer at publisher mula sa Western Visayas, natutunan kong hindi lahat ng laban ay kailangang dalhin sa Maynila upang maging lehitimo. May mga laban na mas kailangang ipaglaban dito mismo sa ating mga komunidad, kasama ang mga guro, estudyante, librarians, artists, cultural workers, parents, local governments, bookstores, publishers, at ordinaryong readers. Ang paggawa ng regional book fair ay hindi kompetisyon sa MIBF; maaari itong maging katuwang nito at, higit sa lahat, maging katuwang ng isang mas malawak na pambansang reading ecosystem. Kapag may book fair sa Iloilo, Bacolod, Kalibo, Roxas, Antique, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Zamboanga, o iba pang lugar, hindi nito binabawasan ang halaga ng isang national book fair; sa halip, pinalalawak nito ang mapa ng kung saan maaaring mangyari ang literary exchange. Ang tunay na progress ng book industry ay hindi lamang nasusukat sa laki ng event kundi sa dami ng komunidad na nagkakaroon ng access sa libro at sa dami ng manunulat na nagkakaroon ng pagkakataong mabuhay at magpatuloy sa kanilang craft.
At habang ginagawa natin ang mga bagay na ito, kailangan nating patuloy na manawagan sa gobyerno. Hindi maaaring habang lumalaki ang pangangailangan para sa books, reading programs, translation, local literature, at cultural education ay nananatiling kakarampot ang suporta para sa mga taong gumagawa ng mga ito. Kailangang palakihin at gawing mas accessible ang publication grants, translation grants, regional literary programs, library acquisitions, writers’ support, at iba pang mekanismong maaaring magpatatag sa book ecosystem. Kailangang suriin kung bakit napaka-competitive ng ilang grant program na parang napakakaunti lamang ng dapat suportahan, gayong napakalaki ng pangangailangan sa buong bansa. At higit sa lahat, kailangang alisin natin ang kultura kung saan ang writer at publisher ay tila kailangang magmakaawa upang makakuha ng maliit na halagang suporta para sa isang gawaing may malinaw namang public value. Kung ang isang grant ay hindi sapat upang makagawa ng makabuluhang libro, hindi sapat ang sabihin na “at least may grant”; kailangan nating tanungin kung tama ba ang disenyo, halaga, proseso, at pananaw ng programang iyon.
Hindi naman talaga ang MIBF ang kalaban. Ang mas malaking problema ay ang paniniwalang ang isang sentral na espasyo ang dapat maging sukatan ng kung ano ang mahalaga sa Filipino literature at publishing. Ang tunay na hamon ay kung paano natin gagawing mas decentralized, mas accessible, mas inclusive, at mas makatarungan ang ecosystem ng libro sa Filipino. Kaya sa susunod na makakita tayo ng mga litrato ng napakalaking crowd sa isang book fair, huwag lamang nating itanong kung ilan ang dumalo at magkano ang nabenta; itanong din natin kung sino ang wala roon, anong wika ang hindi natin nakita, anong rehiyon ang hindi narinig, anong independent publisher ang hindi nakalahok, at anong reader ang hindi pa rin naaabot. Dahil baka ang tunay na kuwento ng Filipino book industry ay hindi lamang nasa mga librong nakadisplay sa pinakamalaking book fair, kundi nasa mga librong wala roon, mga manunulat na hindi nakarating, at mga komunidad na patuloy na nagbabasa kahit hindi sila napapansin ng sentro. At marahil, panahon na upang hindi na natin hintaying kilalahin tayo ng Maynila bago natin kilalahin ang halaga ng mga ginagawa natin sa mga rehiyon.
***
Noel Galon de Leon is a writer and educator at the University of the Philippines Visayas. He teaches in the Division of Professional Education and at UP High School in Iloilo. He currently serves as faculty-in-charge of the UP Visayas Language Program Office and as secretary of the National Committee on Literary Arts of the National Commission for Culture and the Arts (NCCA). His poetry has been recognized by the Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

The destruction of God’s creation in Palawan
There is a long-running war in the Philippines, and it is being waged by three super-rich mining corporations in Palawan against the Filipino people and God’s creation there. The firms are planning to cut down more than 188,765 magnificent primeval trees with permits from their contacts in the Department of Environment

Zero hiring for DepEd teachers?
Imagine an ordinary public-school classroom on a Monday morning. The chairs are there. The board is there. Dozens of children are waiting. One needs help reading, another is lost in fractions, two are whispering at the back, and somebody has not eaten breakfast. The bell rings anyway. Somewhere far from that

Are we educated, or are we just better ranked?
The Philippines’ improvement in the 2025 Programme for International Student Assessment, or PISA, is certainly good news. According to the Department of Education, the country performed better than it did in 2022 and surpassed several countries that had ranked higher in the previous assessment. In science, the Philippines reportedly surpassed
