Adik sa Pera
OKEY lang maging adik sa pera, basta pera mo. Wala kang niloko, wala kang inagawan, wala kang ninakawan. Okey lang maging adik sa pera basta perang pinaghirapan mo, basta perang hindi kinulimbat sa kaban ng bayan. Wala kasi talagang ka-class class kapag ang ipinagmamalaki mong pera ay hindi naman talaga sa

By John Iremil Teodoro
By John Iremil Teodoro
OKEY lang maging adik sa pera, basta pera mo. Wala kang niloko, wala kang inagawan, wala kang ninakawan. Okey lang maging adik sa pera basta perang pinaghirapan mo, basta perang hindi kinulimbat sa kaban ng bayan. Wala kasi talagang ka-class class kapag ang ipinagmamalaki mong pera ay hindi naman talaga sa ‘yo.
Kapag nanonood ako ng Senate Blue Ribbon Committee Hearing at naririnig ko ang tungkol sa milyon-milyon at bilyon-bilyong pera na napupunta lamang sa bulsa ng mga politiko at ilang kawani ni gobyerno, nanggagalaiti ako sa galit dahil nagpapakasasa sila sa pera ng bayan na mula sa buwis na binabayaran ng mga tulad kong hindi tumitigil sa pagtatrabaho. Mga adik sa perang hindi sa kanila!
Natatawa ako na nagagalit kapag makakita ng meme sa Facebook at Instagram tulad ng, “Kailangan nating magtrabaho para may pambili ng Louis Vuitton ang mga nepobabies,” o “kailangan nating magtrabaho para may perang pambakasyon abroad ang mga politiko at pamilya nila.” Totoong-totoo kasi kayâ sang-ayon ako na dapat ipahiya itong mga kontraktor at politiko, pati ang mga anak at pamilya nila, na nagpapasarap sa buhay dahil sa pera ng bayan na ninanakaw nila.
Noong Linggo, Setyembre 21, ay talagang pumunta ako ng Luneta para makisali sa Trillion Peso March kahit na alam kong agoraphobic ako, ibig sabihin, takot ako sa mga lugar na marami o siksikan ang mga tao. Naisip ko, maghanap na lang ako ng isang sulok na konti o medyo malayo sa ibang tao. Ang mahalaga, nandoon ako, makadagdag man lang sa mga buháy na katawan na nagpo-protesta laban sa korapsiyon.
Nagpakita muli ng puwersa ang mga Filipinong galit na sa mga nagpapakasasa sa kaban ng bayan. Maraming tulad ko na hindi naman talaga pararali pero lumabas na upang makisama sa protesta. Sana narinig at nakita ito ng mga tagagobyerno na adik sa pera, sa perang hindi nila pinaghirapan kundi kinulimbat lang nila. Sana totohanang kabahan na sila, at sana tablan na rin ng hiya.
Kagaya ng paulit-ulit isinisigaw at pino-post sa social media, kailangang gawin nang kahiya-hiya ang pangungurakot. Dapat huwag itong tanggaping normal na lamang kayâ maaari nang ipagwalangbahala. Dapat hayagan at mabilisang kontrahin ang mga pag-iisip tulad ng “maliit” lang ang 125 milyon na kinulimbat ni Sara Duterte na confidential fund kumpara sa bilyon-bilyon o trilyon-trilyon na ninakaw para sa mga kwestiyunableng flood control project. Maliit man o malaki, ang pagnanakaw ay pagnanakaw.
Kahit sa ilang kaibigan ko mismo ay naririnig ko ito: Hayaan mo na, marami naman siyang proyekto at siyempre normal na yang S.O.P. nilang mga politiko sa mga proyekto nila. Ang importante may mehora.
Maling-mali ang pag-iisip na ganito. Hindi dapat maging normal ang pagkuha ng mga politiko at opisyal ng gobyerno ng porsiyento sa mga proyekto ng pamahalaan. Naalala ko noong high school pa lamang ako, sinasabi na ng guro namin sa Social Studies na ang mga politiko ay may 10 porsiyentong kinukuha sa mga infrastructure project. Pero ngayon, ayon sa mga naririnig natin sa Senate Inquiry, umaabot na ng 40 hanggang 50% ang kinukuhang kickback kung kayâ halos lahat ng proyekto ay substandard at marami ang ghost project.
Ang mga district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) katulad nina Henry Alcantara at Bryce Hernandez na sangkot ngayon sa mga maanomalyang flood control project ay wagas kung magpatalo ng milyones sa mga casino at balot ang kawatan sa mga luxury item. Ang mga kontraktor katulad ng mga Discaya ng Pasig ay mahigit dalawang dosena ang luxury vehicles. Ang mga kongresman katulad ni Zaldy Co ay nasa abroad nag-aaral ang mga anak at buhay royalty ang pamilya. Nagpapakasasa sila sa pera na hindi naman sa kanila!
Sa isyung ito halatang marami ang nagsisinungaling. Sinungaling na mga engineer ng DPWH. Sinungaling na mga kontraktor. Sinungaling na mga senador. Sinungaling na mga kongresman. Sinungaling na mga opisyal ng gobyerno. Nagsisinungaling sila para isalba ang sarili at para isalba ang isa’t isa. Wala silang pakialam sa mga kababayan nilang naghihirap at nabibiktima ng mga pagbaha dahil ninanakaw nila ang dapat sana’y makakatulong na mga proyekto para maibsan ang pananalanta ng mga kalamidad. Wala silang konsensiya dahil mga adik sa perang ninanakaw nila.
Bilang isang kristiyano, naniniwala akong kasalanan ang magdasal na mamatay ang ibang tao. Pero sa pagkakataong ito, sinasang-ayunan ko ang birthday wish ni Kara David na sana mamatay ang lahat ng mga kurakot sa gobyerno. Katulad ng marami nang nasasabi sa Facebook, kahit na sa Nobyembre pa ang birthday ko, hindi muna ako magwi-wish para sa sarili ko. Gusto ko na ring mag-birthday wish na matupad ang birthday wish ni Kara David!
Alam ko na kung matupad ang wish ni Kara David, baka kailangang mag-snap election dahil malamang 1 o 2 percent na lang ng mga politiko at opisyal ng gobyerno ang matitira. Pero okay lang. At least malaking bawas ito sa bilang ng mga adik sa pera na hindi naman sa kanila.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.
Article Information
Comments (0)
LEAVE A REPLY
No comments yet
Be the first to share your thoughts!
Related Articles

Twenty-five years, and we are still here
By Francis Allan L. Angelo I walked into this office in August 2002 looking for a job to tide me over before I went back to school. Lemuel Fernandez and Limuel Celebria interviewed me that morning and asked the kind of questions you do not expect from a regional newsroom — political leanings, ideological orientation,

