Mabagal na pagkilos ng Dito, kinikwestyon na

Sa ikalawang kwarter ng 2020 dapat magsisimula ang pilot testing ng Dito Telecom ngunit may mga balitang nahuhuli na ito sa iskedyul na ikinabahala naman ng ilang kongresista.

Ayon kay dating Bayan Muna representative Neri Colmenares, diumano ay hindi pa tapos ang pagpapatayo ng Dito ng kanilang mga pasilidad at tore na kakailanganin sa kanilang operasyon.

Noon pang 2019 naibigay sa Dito Telecom ang kanilang prankisa upang makapag-operate ngunit hanggang ngayon ay wala pa ding aksyon ang mga ito at nahuhuli na sa kanilang operasyon.

Idinagdag pa ni Colmenares na bagamat nabigyan nang permit ang consortium ng China Telecom, hindi dapat payagang makapasok ang mga Chinese sa telecom sector ng Pilipinas dahil posibleng epekto nito sa seguridad ng mga Pilipino.

Ikinabahala din ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang tila mabagal na pagusad ng Dito at dahil dito, nais niyang paimbistigahan at ipatawag sa Kongreso ang mga opisyal ng Dito Telecommunity Corp. (Dito) at Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil sa tingin niya,  hindi kayang tuparin ng mga ito ang 2,500 na cell sites na kanilang ipinangako ng maipatayo sa Hulyo.

“Kailangang mag-report ‘yung Dito telco sa Congress kung saan na ba (‘yung cell site nila).Pero I don’t think so na magagawa na nila ‘yung 2,500 na mga cell site. Ito dapat maimbestigahan itong Congress. Iyong talagang seryoso ba ito, may kakayahan ba ito?” sabi  ni Castro.

Sabi pa ni Castro, binigyan ng kaukulang oras ang Dito kaya naman walang rason upang hindi maisakatuparan ang mga obligasyon nanakalathala sa kontrata na ibinigay ng gobyerno.

Ayon sa mga nakalap na impormasyon ni Castro, nabigo ang Dito na tuparin ang nauna nilang pangako na sa ikaunang taon matapos nilang mabigyan ng prankisa ay makapagpapatayo na sila ng 2,500 na cell sites na makapagbibigay ng serbisyo sa 37 persyentong populasyon at pati na ang pagbibigay ng mabilis na internet na hindi bababa sa 27 mbps.

Hinikayat din niTarlac 2nd district representative Victor Yap ang DICT at National Telecommunications Commission (NTC) na gawin ang kanilang trabaho at siguraduhing matupad ng Dito ang mga nakalagay sa kanilang kontrata. Idiniin ni Yap na ang mga Pilipino na naghihintay ng mas mura at mas mabilis na serbisyo ang higit na apektado sa pagkaantala ng operasyon nito.